Kabanata 11

5.5K 177 4
                                    

Kabanata 11
•Calm

    TUMAGAL pa lalo ang tingin ko sa mga litratong nasa album. Candice, lahat iyon mga picture ni Candice. Tila may kung anong kumirot sa dibdib ko nang makita ulit ang larawan nila ni Alted kasama si Snow at si Winter. Walang ngiti sa labi ni Candice at matalim ang mga matang nakatingin sa camera. May munting ngiti sa labi si Alted habang malaki ang pagkakangiti ni Snow at ni Winter. Kung hindi ako nagkakamali apat na taon pa lang dito ang kambal. Hindi ko mapigilang hindi haplusin ang larawan habang sumisigid ang kirot sa kaibuturan ng puso ko.

May mga bagay na kinaiinggitan ko sa ibang tao, katulad ng masayang pamilya at karapatang mabuhay ng malaya, pero si Candice, lahat ng bagay sa kaniya kinaiinggitan ko. Hindi ko pa man siya nakikita at nakakasama pakiramdam ko gusto kong maging ako na lang siya. Hindi sa paraang lahat ng pagkatao niya ay maging ako, gusto ko lamang magkaroon ng masayang pamilya, kuntentong buhay at karapatan sa mga bagay na gusto kong gawin.

Malungkot akong ngumiti at ibinalik ang album sa kinalalagyan noon. Tumayo ako at naglakad palabas ng kuwarto. Tuloy-tuloy ang lakad ko papuntang harden at naupo sa isang upuan na nasa lilim ng mayabong na punong mangga. Nasa paaralan ngayon si Snow at si Winter samantalang umalis naman si Alted papunta sa kaniyang trabaho. Naglinis lamang ako ng kuwarto ng mga bata at tumulong mag-ayos sa library at ngayon nga ay wala ng ibang magawa. Hindi na rin nagbibilin si Alted ng gawain sa akin, hindi na rin ako inuutusan ni manang Osmet, sadyang nagkukusa na lamang ako.

Matagal rin ang pagtanaw ko sa mga bulaklak sa harden at ang pagpuna sa iilang paru-paro na nagdaraan.

Isang tikhim ang pumukaw sa atensyon ko kaya't lumingon ako sa pinanggalingan noon at nakita si manang Osmet na may dalang watermelon shake. Iniabot niya iyon sa akin kaya madali ko naman iyong tinanggap.

"Naku manang Osmet. Sana hindi ka na po nag-abala."

Isang tipid na ngiti lamang ang isinagot niya sa akin. Matuwid siyang nakatayo habang magkasiklop ang mga kamay at nakatingin din sa mga bulaklak. Makulimlim ang panahon ngayon kaya hindi gaanong mainit.

"Natutuwa ako sa pagbabago mo, Candice." Ani manang Osmet.

Uminom ako saglit ng shake at tiningnan siya. Mayroong kislap ng tuwa sa kaniyang mga mata na hindi na niya ikinubli.

"Sana ay tuloy-tuloy na iyan. Konti na lamang at alam kong babalik na rin si señorito sa dati, magiging maayos na rin kayong dalawa."

Muli na naman akong sumimsim sa inumin nang makaramdam ng banyagang emosyon sa dibdib. Kung dati sa tuwing nagsasalubong ang tingin namin ni Alted, galit at disgusto ang nakikita ko sa mga mata niya, ngayon ay blangko na lamang iyon at parang mata ng isang lawin na nagmamatyag sa bawat kilos ko.

"Gustong-gusto ka nila Snow at maging si Winter ay kinakausap ka na. Matagal kong hinintay iyon, Candice. Ang makitang masaya ang pamilya niyo. Hindi man sabihin ni señorito, alam kong natutuwa siya sa malaking pagbabago sa iyo."

Hindi ko alam ang sasabihin sa kaniya. Natatakot din ako sa mga puwedeng mangyari ngunit ang mga sinasabi niya ngayon ang siyang nagbibigay pag-asa sa puso ko. Masaya ako ngayon sa hiram na pagkatao ni Candice kahit pa marami ang may galit sa akin, paunti-unti naman ay nagugustuhan nila ako. Nakakalimutan din nila nang paunti-unti ang mga bagay na ginawa noon ni Candice.

"Manang," tawag ko sa mababang boses nang sandali kaming lamunin ng katahimikan. "Minahal ba ako ni Alted?"

Katangahan, Aurora! Katangahan ang tanong mo!

Dapat alam ko iyon kung ako si Candice. Ang pangamba na baka maghinala sa akin si manang Osmet ay nawala nang ngumiti siya sa akin. Ngiting may halong lungkot.

His Fake Wife [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon