•Kabanata 28
•BreakMAYA'T maya ako kung bumalik sa kwarto nila Snow at Winter. Nakalock pa rin iyon at tahimik na sila sa loob. Sobrang sakit na marinig ang pag-iyak nila, hindi ko alam ang dahilan kaya mas nasasaktan ako. Bumaba ako para lang hanapin si manang Osmet, natagpuan ko siya na kausap si Bert.
"Sigurado ka bang walang umaway kay Snow? Umiiyak yung bata pagkauwi."
Umiling si Bert. "Manang nasa labas na sila ng gate nang dumating ako. Tahimik lang si Snow nang nakarating ako pero nang papunta na kami dito doon na siya nagsimulang umiyak. Hindi naman sila nag-away ni Winter. Hindi ko rin ho alam, manang."
Tumango si manang Osmet. Tiningnan ako ni Bert nang mapansin ang presensya ko kasunod nang pagbaling sakin ni manang. Nabigla din siya nang makita ako.
"Candice." Aniya.
"Manang, hihiram sana ako ng duplicate key sa kwarto nila Snow. Gusto ko lang e-check sila." Mababa na ang boses ko nang sabihin ang huling salita.
Tumango siya. "Halika, kukunin ko."
Sabay kaming pumasok sa mansyon. Saglit lang siyang umalis para kunin ang kumpol ng mga susi at ipinakita sakin ang isa.
Nang makuha ko iyon ako na lang ang tumuloy sa kwarto ng mga bata at binuksan iyon. Tulad ng inaasahan ko, mahimbing na natutulog ang dalawa. Yakap ni Winter si Snow habang nakatihaya ito. Namumugto ang mga mata at dahil natural silang maputi kagaya ng nyebe, kitang-kita ko ang mapupula nilang ilong. Siguro ngayon-ngayon lang sila nakatulog.
Patagal nang patagal ang tingin ko sa kanila, mas naninikip ang dibdib ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari pero ang takot sa mga mata ni Snow ang nagbibigay sakin ng matinding kaba. Noong una ko silang makita ni Winter, pinagtataguan nila ako. Noong unang beses na nalapitan ko sila, nagmamakaawa at puno ng takot ang boses. Noong unang beses na makita ko ang mga mata nila, malinaw na malinaw ang takot doon. Nang mga panahon na yon, naiintindihan ko, alam kong para kay Candice ang mga emosyon na yon at hindi para sakin. Ang nangyari kanina ay kakaiba, ang lahat ng pagkamuhi, takot at pangamba sa mata ni Snow ay para sakin. Para sakin bilang si Aurora.
Gusto kong haplusin ang buhok nila. Ibulong kung gaano ko sila kamahal. Ngunit hindi ko na ginawa, nakatulugan na nila ang pag-iyak kaya kapag magising sila na narito ako samantalang naka-lock ang pinto, baka hindi nila yon magustuhan.
Ilang buntonghininga ang kumawala sa labi ko habang tinitingnan sila. Nagpasya lang akong bumaba para ipaghanda sila ng meryenda mamayang paggising nila. Palapit pa lang ako sa kusina ay naririnig ko na ang mahinang paghikbi galing doon. Isa lang naman ang kilala kong laging naroon.. si Sonya.
Dahan-dahan akong naglakad at nang makita siyang naghuhugas ng baso sa sink tumigil din agad. Yumuyugyog ang balikat niya, impit na humihikbi at madalas na sumisinghot. May problema nga.
"Sonya." Marahan kong tawag sa kaniya.
Nanigas siya sa kinatatayuan. Nakita ko rin ang pasimple niyang pagpunas ng luha at naghilamos pa. Akala yata hindi ko nahuli ang pag-iyak niya.
"Bakit po?" Tanong niya na hanggang ngayon ay nakatalikod pa rin.
Tumuloy ako sa paglalakad at tumigil sa tabi niya. Tumungo siya at nagpunas ng mukha gamit ang kamay.
"Anong problema?"
Naging mabait sakin si Sonya, kung mayroon mang malapit sakin sa lahat ng kasambahay, siya iyon. Kaya ngayon na alam kong may problema siya, gusto kong makatulong.
"Huwag mong sasabihin na wala dahil alam kong mayroon. Sabihin mo sakin, baka may maitulong ako." Panghihikayat ko pa.
Umiling siya pero hindi pa rin ako magawang tingnan.
BINABASA MO ANG
His Fake Wife [COMPLETED]
RomanceShe is Aurora Sandoval but this man named Alted Dela Fuente insisted that she is Candice Entrata-Dela Fuente, his wife. There's no way that she got married without her consent and knowledge. How come? Her name is Aurora and she didn't even know him...