38: Flashback

66 1 0
                                        

Jillian's POV

"So, ano ang nagtulak sa 'yo para pumunta dito? In the middle of the night." tanong ni Tristan sa akin nang maibigay niya ang beer-in-can sa akin, saka naupo sa couch kasama ko.

Napasugod ako sa bahay niya para lang ikwento ang lahat nang nangyari sa akin ngayon, sa unang araw ng shooting ng pelikula ko. Hindi kase ako makatulog, naiisip ko kase ang mga pinag-usapan namin ni Lian kanina, sa may Greenhouse.

"Nakita ko na siya." panimula ko tapos sumimsim ako sa beer na hawak ko.

"Sino?" nakakuno't noo nitong tanong sa akin.

"Sino pa ba ang hinahanap ko?" naiiritang tanong ko.

"Si Lian!" hula niya.

"Oo, siya nga."

Napangisi ito at napainom ng marami sa beer na hawak niya. "Kumusta siya?"

"She's okay."

"Oh, tapos? Nagka-usap na kayo?" sunod pa niyang tanong.

"Oo. Nasabi ko rin ang mga gusto kong sabihin.."

"Bakit parang malungkot ka?"

Napatingin ako rito. "Ayaw na niya sa akin."

"Talaga? E di may pag-asa na pala ako!" natutuwa niyang wika sa akin na kinaasar ko! Dahil hindi ko alam kung seryoso ba siya o nagbibiro.

Binigyan ko eto nang masasamang tingin. "Subukan mo lang!" banta ko sa kaniya.

"Heyy!!!" natatawang saad niya. "Nagjo-joke lang ako. Relax!" biglang bawi niya na nagpakalma sa akin. Dahil kahit kaibigan ko siya kung aagawin naman niya si Lian sa akin, bibigwasan ko talaga siya!

"Tulungan mo lang ako. Yun 'yong ipinunta ko rito." seryosong wika ko.

"Ano naman klaseng tulong ang kailangan mo?" usisa niya.

"I want to win her back." desperadong sagot ko sa kaibigan ko, dahilan para maubos ko ang natitirang laman nang hawak kong inumin. At naihilig ko ang ulo ko sa sandalan ng couch dahil bigla akong nahilo.

"Anong ginagawa niyo?" tanong ng Ate ni Tristan, na si Annica. Tatlong taon ang tanda nito sa kapatid niya na kaedaran ko lang. Mukhang galing siyang trabaho dahil naka-office attire ito at ang lalaki ng mga dalang bag nito. Napaayos tuloy ako sa pagkakaupo ko.

"Sis!" tawag sa kaniya ni Tristan habang nagtatanggal ng sapatos sa may pinto. Pagkatapos ay lumapit ito sa amin. "Tulungan mo nga kami." sabi ni Tristan.

"Para saan?" tanong nito, tumungo ito sa kusina at kumuha rin siya ng beer sa refrigerator. Saka bumalik sa amin at nakiupo na rin siya.

"Kase itong Jillian, gusto niyang bumalik si Lian sa kaniya. Tulungan ko raw siya. Kaso wala naman akong alam sa ganiyan." kwento niya sa kapatid niya. "Alam mo na--- Ako kase 'yong binabalikan, hindi ako 'yong bumabalik!" pagmamayabang niya.

Hindi nagustuhan ni Annica ang pinagsasabi niya. Kaya umakma itong hahampasin ang kapatid, hindi niya lang tinuloy dahil nakita niyang nakatingin ako sa kanila.

"Kahit kelan ka, talaga!" saad ni Annica nang maibaba niya ang kamay niya. "Ikaw naman!" sabay tingin sa akin, napaatras ang mukha ko dahil nagulat ako rito. "Sinaktan mo siya, three years ago, tapos ngayon babalikan mo!" reklamo niya.

"Actually, halos ganyan din ang sinabi niya. Pero, anong gagawin ko? Mahal ko talaga siya! At pinagsisisihan ko na ang katangahang pinakawalan ko siya. Kaya nga ang laki nang pasasalamat ko sa Diyos, na muli niya kaming pinagtagpo. At ngayong nakita ko na siya, ayoko nang mawala pa siya dahil baka ikamatay ko na---" naputol ang sasabihin ko nang bigla akong hampasin sa ulo ni Annica. "Ano ba! Masakit!" sigaw ko rito habang hinihimas ang kawawa kong ulo. "Bakit mo ba ginawa 'yon?"

"Dahil gusto ko! May reklamo ka?" tugon niya. Siguro'y epekto na 'yon nang pag-inom niya ng alak, kaya naging sadista na siya. Kaya hindi ko na rin ito pinatulan.

Napahinga ito nang malalim at umupo na ulit. "Okay-- Pagselosin mo kaya siya?" seryosong saad niya. Napatingin kami sa kaniya ni Tristan. "Nakuha ko lang 'yon sa mga napapanood ko. Mukhang effective naman 'yon."

"Kase drama 'yon, malamang magwo-work 'yon!" sabi ko.

Biglang tumalim ang tingin nito sa akin. "Bakit? Hindi pa ba pagdadrama ang tawag don sa ginagawa mo kanina? Ang drama-drama mo kaya! May nalalaman-laman ka pang patay-patay!"

~•~

Nandito kami sa Tagaytay, kasama sina Tristan at Annica. Ngayong araw namin gagawin ang binabalak ni Annica na pagselosin si Lian. At clueless ako sa binabalak niya. Wala kase siyang sinabi kung ano at paano niya pagseselosin si Lian. Kasalukuyang nandito kami sa loob ng kotse.

"Ready ka na, Jillian?" tanong sa akin ni Annica.

Sa totoo lang, kinakabahan ako. Hindi ko alam kung magwo-work ba 'tong gagawin namin. "Teka, ano bang gagawin mo? Paano mo siya pagseselosin?" curious kong tanong.

"Hindi ko pwedeng sabihin sa 'yo, baka kase mamaya hindi maging natural ang acting mo. Huwag kang mag-alala, akong bahala!" Tapos ako ang kawawa! Sabi niya at lumabas na ito. Pagkasara ng pinto, dumungaw ito sa bintana ng kotse. "Mauna na 'ko! Tapos te-text kita kapag nakita ko na si Lian, okay?" At tumango na lang ako.

Pagkapasok ko nang Coffee shop, nagtinginan lahat ng tao sa akin. Natanaw ko agad si Lian na nagse-serve sa mga customer. At nakita ko na rin kung saan nakaupo si Annica. Sinenyasan niya ako na lumapit sa gawi niya, sa pamamagitan nang kaniyang mga mata. Nang papalapit na ako kay Annica, biglang lumapit si Lian sa akin.

"Anong ginagawa mo dito?" pabulong niyang tanong sa akin.

"Nami-miss ko na kase 'yong kape mo at saka sabi ko sa 'yo kahapon, 'Babalikan kita'." palusot ko rito, pagkatapos ay itinaas-taas ko ang kilay ko rito.

Napapailing na lang ito sa inis. "Maupo ka na nga!" utos niya.

"Excuse me, Miss." singit ni Annica. Ano kayang binabalak ng babaeng 'to?

"Bakit?" tanong ni Lian nang lingunin niya 'to.

"Pwede bang picture-ran mo kami? Heto, oh." pakiusap ni Annica, kunwari. Sabay abot ng cellphone dito. At kumapit pa ito sa braso ko. Pansin kong napasulyap si Lian sa kamay ni Annica na kumapit sa braso ko.

Napilitan sumunod si Lian kahit na taliwas sa hitsura niya. Siguro'y ginawa niya 'yon dahil customer si Annica. Paghawak niya ng cellphone, mabilis yumakap sa akin leeg si Annica. Para siyang sawa na lumilingkis sa aking leeg. Sinasadya pa niyang idikit sa akin ang malulusog niyang dibdib, na kapag napapayuko ako nang konti ay tanaw na tanaw ko dahil sa sobrang baba ng neck line ng damit niya.

Napakarami pa namang tao ngayon dito. Ako ang nahihiya sa ginagawa nang babaeng ito. Eto pala ang binabalak niya, kaya pala ayaw niyang sabihin sa akin!

"Hawakan mo 'ko sa bewang!" pabulong na utos ni Annica sa akin. At sumunod naman ako.

"Okay. One, two, three. Smile!" walang kasigla-siglang pagbibilang ni Lian. Sabay 'click' ng camera.

"One more, please?" sabi pa ni Annica.

Kahit mukhang naiinis na si Lian pinagbigyan pa rin niya ito.
"Okay. One, two, ---"

Hindi ko na narinig na natapos ang pagbibilang ni Lian. Nang bigla akong halikan sa pisngi ni Annica. Gulat na gulat ako sa ginawa niya, pati na rin ang mga taong nandoon, lalo na si Lian. Pansin kong nanlaki ang mga mata nito at napanganga sa kaniyang nakita.

"Eto na 'yong phone mo!" padabog niyang ibinalik kay Annica ang cellphone nito. Muntik na ngang malaglag sa sahig mabuti na lang ay nasalo niya ito. Pagkatapos ay lumabas ng Coffee shop si Lian.

"Habulin mo siya!" utos ni Annica sa akin.

"Okay." sabi ko rito nang walang boses. At sinenyasan ko na rin si Annica na lisanin na ang lugar na 'to.

Mukhang nagtagumpay naman kaming pagselosin si Lian.

UnexpectedlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon