Pag-aalala
Dahan-dahan kong binitawan ang gas ng aking sasakyan nang matanaw ang mga nakaharang na police mobile, ginawang panangga ng mga pulis ang kanilang sasakyan habang nakatutok ang kanilang baril sa balasubas na kotse. Na-corner ito at wala nang maaatrasan dahil nasa likuran kami ni Amanda.
Napahigpit ang paghawak ko sa manobela nang bumaba si Amanda sa motor niya at mayabang na naglakad palapit sa kotse. Napa-igtid ang aking panga nang hindi man lang siya bumunot ng baril. Masyadong siyang agresibo.
Bumaba ang tatlong lalaki habang nakataas ang kanilang mga kamay ngunit nagulat ang lahat nang bumunot ng baril ang isang lalaki at pinaputukan si Amanda. Mabilis na nakaiwas si Amanda at hinabol ang lalaking tumakbo. Napababa ako sa aking sasakyan. Mabilis rin namang nahuli ng mga pulis ang dalawa at ang iba ay humabol na rin. Kahit alam kong wala akong maitutulong ay hindi ko napigilan ang sariling hindi sumunod. Matindi ang pag-aalalang nararamdaman ko sa mandirigmang imperyal.
Isang malakas na putok ang aking narinig bago ko naabutan ang pagsipa ni Amanda sa lalaki bago sinundan ng palm strike sa dibdib at sa leeg dahilan para bumagsak ang lalaking wala ng malay. Dinampot ito ng mga pulis.
Napaatras ako nang masamang tumingin sa akin si Amanda. Ang mga mata niyang walang buhay ay tila kutsilyong tumatarik sa buo kong pagkatao.
"Let's talk. Just give me a minute," may diin niyang sabi.
Napalunok ako nang talikuran niya ako. Hindi ko alam kung bakit siya pa ang galit, gayung ako itong dapat magalit sa kanya dahil sa dami ng kapabayaang ginawa niya para sa kaligtasan ng kanyang buhay.
Naabutan namin na nagpupumiglas ang dalawang lalaki ngunit walang alinlangang lumapit dito si Amanda. Napasinghap kami nang biglang suntukin ni Amanda ang isang lalaki. Napamura ito at ilang ulit na umubo ngunit hindi pa tapos si Amanda, walang sabing hinila niya ang damit ng lalaki dahilan para mapunit ang nasa tapat ng dibdib nito. Nanlalaki ang mga mata ko nang hindi ko makita ang logo ng Amian. Lahat ng mga Amianian ay may tattoo sa dibdib, ang logo ng aming bayan. Mabilis na kumilos ang mga nagulat na pulis para punitin din ang damit ng dalawa pang lalaki.
"Isa silang mga banyaga!" hintatakot na sigaw ng isang pulis.
Nag-aalala akong tumingin kay Amanda. Nakakuyom ang mga kamao niya at napaigtad ang kanyang panga. Napalunok ako. Nasisiguro kong matindi ang galit na nararamdaman niya dahil ganitong-ganito ang kanyang mukha nung kinalaban niya si Apo sa Saferiane Camp.
"Dalhin sila sa Piitan at hintayin ang utos ko," galit niyang sabi.
Agad namang tumalima ang mga pulis. Natatakot akong napatingin sa tatlo. Sa pagkakaalam ko, ang Piitan ay nasa palasyo, ito ay para sa mga banyagang pumapasok nang sapilitan sa Amian at para sa mga taong sinusuway ang batas ng Apo. Hindi ito kulungan ng mga ordinaryong nakagawa ng kasalanan dahil ang Piitan ay katumbas ng kamatayan.
Nakapagtataka, paano sila nakapasok ng Amian gayong mahigpit ang seguridad sa himpapawid at sa karagatan? Paano sila nakalusot sa aninong mga mata ni Lorcan?
Nasisiguro kong hindi makakaligtas ang mga taong tumulong na makapasok ang mga banyaga. Hinding-hindi ito papalampasin ng Royal Judge at ng Imperial Force.
"What the heck are you doing?"
Hindi ako makakilos dahil sa sigaw ni Amanda. Aaminin kong tinamaan ako ng matinding takot ngayon. Hindi ako sanay na sumisigaw ang babae.
BINABASA MO ANG
Who Am I? (Amian Island Series 1)
Historical FictionMateo Sebastian -- Ang lalaking maraming katanungan sa kanyang pagkatao. -- Obsess sa pagtuklas ng kakaibang batas ng Amian Island. -- Itataya ang buhay sa pagtuklas sa pagkatao ng haring walang mukha, Apo Yamashita. -- Nahulog sa babaeng bato...