Ang sumpa
Third person
Nagmamadali sa pagpasok ang babae sa palasyo. May katandaan na ito ngunit hindi makikitaan ng pagod habang umaakyat sa mahabang hagdan ng palasyo. Mabibigat ang bawat paghakbang nito. Bawat taong madaanan ay yumuyuko sa paggalang at alam ng mga taong nandoon na mabigat ang rason dahilan upang tumungtong ito ng palasyo. Dire-direstso ito sa templo ng Apo. Walang nakakapigil nang pumasok ito sa loob.
Naabutan ng babae ang Apo na nakaupo sa mesa habang nagtsa-tsaa.
"Bakit hinayaan mong mangyari ang nais nila? Bakit hindi mo sila pinigilan?" galit na sabi ng babae.
Samantalang, ang Apo ay kampanteng umiinom. Dahan-dahang ibinaba nito ang tasa bago nagsalita. "Magtsaa ka muna."
"Alam mo ang mangyayari kapag nagsama sila! Mauulit ang itinakda! Alam mo iyan!"
"Hindi ko kayang pigilan ang mga taong nagmamahalan," malungkot na sabi ng Apo.
"Kung hindi mo kaya, ako ang pipigil sa kanila! Ang pagmamahalan nina Mateo at Amanda ay isang sumpa! Namatay sila sa unang digmaan ng Amian ngunit nabuhay silang muli! Para ano? Para ipagpatuloy ang pagmamahalan nila? Isang kahangalan! Nang ipinanganak silang muli ay nangyari ang pangalawang digmaan! Ang digmaang iyon ang dahilan ng pakawala sa akin ng aking anak at pagkamatay ng aking asawa! Hindi ako makakapayag na magkaroon pa ng pangatlong digmaan!"
"Huminahon ka, Lyra." Tumayo ang Apo upang hawakan ang babae ngunit pumiksi ito.
"Paano ako huhuminahon? Babaylan ka rin Apo, alam kong nakikita mo ang hinaharap!"
"Naniniwala akong ang pagmamahalan nila ang magbabago sa nakatadhana."
Napaatras ang babae at malungkot na tumingin kay Apo. Hindi makapaniwala sa narinig. "Bakit parang nais mo ang mga nangyayari? Kaya mo bang isakrapisyo ang mga nasasakupan mo para sa pagmamahalan nila? Nawala sa akin ang anak ko, Apo. Iyon din ba ang gusto mong mangyari sa mga Amianian?"
"Kahit kailan ay hindi ko gusto na magkaroon ng digmaan, Lyra. Dalawamput-dalawang taon na ang nakakaraan, anak, palayain mo na ang iyong sarili sa mga alaala ni Myra."
Hindi agad nakasagot ang babae. Ilang ulit siyang naghabol ng hininga para pigilin ang pagluha ngunit hindi niya ito nakayanan. Tuloy-tuloy ang pag-agos nito. Ang sakit-sakit para sa kanya ang mawalan ng mag-ama, ng anak na tatlong taon pa lamang. Kapag naaalala niya ay parang kahapon lang ito nangyari.
"Hindi! Hindi ko siya kayang kalimutan! Hanggat hindi ko nakakausap ang kanyang kaluluwa, alam kong buhay pa si Myra!"
Nakaramdam ng matinding awa ang Apo sa nag-iisang anak. Saksi siya sa paghihirap nito ngunit wala na siyang magagawa. Kahit pigilan niya ang pagmamahalan nila Mateo at Amanda, alam niyang mangyayari at mangyayari ang itinakda.
"Hindi mo kayang pigilin ang itinakda ngunit kaya mo itong baguhin sa ibang paraan."
"Mababago ko sana iyon kung hindi mo ako pinigilan noon na patayin sila. Mapuputol ko sana ang sumpa."
"Lyra, hayaan mong mabuhay sila dahil iyon lang ang tanging paraan na mapagbabayaran nila ang kanilang kasalanan. Kapag tayo ang bumago sa propesiya, baka mas higit pa ang galit na ibibigay sa atin ng nakakataas. Hayaan mong sila Mateo at Amanda ang umayos sa nakatadhana para sa kanila. Ang magagawa lang natin ay gabayan sila."
Napapailing si Lyra sa mga naririnig mula sa bibig ng Apo. Hindi siya makapaniwala na pinipili pa rin nito sina Mateo at Amanda. "Sila na lang palagi Apo! Sila na lang palagi! Ilang buhay pa ng mga Amianian ang isasakrapisyo mo para sa kanila? Ilang katawan pa ang nanakawan mo para manatiling kang buhay at gabayan sila? Sila ang naghahatid ng paghihirap sa atin at sa mga Amianian! Hindi mo ba nakikita ang pighati ng buong bayan?"
BINABASA MO ANG
Who Am I? (Amian Island Series 1)
Ficción históricaMateo Sebastian -- Ang lalaking maraming katanungan sa kanyang pagkatao. -- Obsess sa pagtuklas ng kakaibang batas ng Amian Island. -- Itataya ang buhay sa pagtuklas sa pagkatao ng haring walang mukha, Apo Yamashita. -- Nahulog sa babaeng bato...