THIRD PERSON'S POV
"Magandang gabi, mahal na prinsesa. Ipinag-utos po sa akin na ako ang mag-asikaso ng susuotin mo sa pagsasalo mayamaya," magalang na bati ni Celeste pagkapasok pa lamang sa silid ni Takumi. Dahan-dahang ibinaba ni Takumi ang tasa ng tsaa habang nakaharap sa salamin. Blanko ang ekspresyon na tumingin ito kay Celeste na hanggang ngayon ay nakayuko pa rin.
"Ikaw ang...dalagang mula sa ibang mundo. Tama ba ako?" nakataas ang kilay nitong tanong. Hindi makapagsalita si Celeste. Napangisi naman si Takumi.
"Palagay ko naman alam mo na tinuturing ka nila rito bilang si Hera. Nakakainsulto hindi ba? Iyong pinipilit nilang ibalik ang taong matagal nang patay," aniya at malutong na humalakhak. Halos itungo na ni Celeste ang ulo niya sapagkat ayaw niya makita ang mapanuyang tingin ng prinsesa.
"Iangat mo ang ulo mo kapag kinakausap kita. Ayoko ng bastos." Napakagat-labi si Celeste at tiningnan ang prinsesa ngunit napaiwas rin siya ng tingin.
"Gusto kong gawin mo ang lahat ng makakaya mo para maging mas maganda ako ngayong gabi. Gusto kong ako lang titingnan ng lahat. Gusto kong sa akin lang titingin si Tsuyu." Agad napatingin si Celeste sa dalaga na ngayon ay nakaharap na muli sa malapad na salamin.
"Bakit ka napatigil? Huwag mong sabihin na...apektado ka kay Tsuyu?" Nakataas ang kilay ni Takumi habang sinusuklay ang mahaba niyang buhok.
Napaiwas ng tingin si Celeste. Parang sumisikdo ang dibdib niya sa mga sinasabi ng prinsesa. Agad siyang umiling.
"H-hindi po. Isa lang siyang kaibigan sa akin. Siya ang...tumulong sa akin upang mabuhay sa mundong ito. Utang ko sa kanya ang buhay ko," pag-amin ni Celeste kaya napangisi lamang ang prinsesa.
"Mabuti naman kung kaibigan lang. Dahil balak ng reyna na ikasal ako sa alin mang prinsipe. Si Tsuyu ang gusto kong pakasalan."
Mas bumilis ang tibok ng puso ni Celeste. Napahigpit ang hawak niya sa bitbit na kahon dahil sa narinig. Napalunok siya at napatango.
"Napakagandang desisyon po. Tiyak bagay kayo sa isa't isa," sambit na lamang niya at agad lumapit sa prinsesa upang ayusan na ito.
Sa loob ng ilang oras na pag-aayos at pag-aasikaso niya sa prinsesa ay ni hindi niya ito matingnan sa mga mata. Hindi niya kaya. Parang nanghihina siya at nanliliit.
Pagkalabas pa lamang ng silid ng prinsesa ay napabuntong-hininga siya sa sobrang panlulumo.
"Fudge, why am I crying?" mura niya sa sarili nang maramdaman ang panunubig ng mga mata. Napatingala siya at kumurap upang pigilan ang luha. "Ugh, I hate this feeling!"
"Hera!" Napalingon siya sa tumawag at nakita sina Jin at Itsoru na papalapit sa kanya. Malawak ang ngisi ni Itsoru habang si Jin naman ay seryosong nakatitig lamang sa kanya. Napangiti na lamang siya.
"Kumusta?" bati ng dalaga sa dalawang prinsipe at napayuko bilang paggalang.
"Masaya akong makita ka ulit! Laro naman tayo minsan!" Tila batang naghahanap ng kalaro ang prinsipeng si Itsoru kaya binatukan siya ni Jin.
"Hindi ka na bata! Magtino ka nga!"
"Aray! Kuya naman!" reklamo ni Itsoru sa kapatid. Natatawa na lamang si Celeste habang pinagmamasdan ang dalawa.
Sa hindi inaasahan ay naalala niya ang kuya Chester niya. Ganitong-ganito siya batukan ng nakatatandang kapatid noon tuwing may ginagawa siyang kalokohan. May lungkot ang mga matang nakatingin lamang siya sa dalawa.
"Ay Hera, nasa piging ka ba mamaya?" nakangiting tanong pa ni Itsoru. Napaubo si Jin para kuhanin ang atensyon ng kapatid.
"Ang piging na 'yon ay para sa mga maharlika lamang. Kung meron man na mapadpad mamaya, tiyak maghahanda lang iyon ng tsaa." Si Jin ang sumagot.
"Sayang naman." Napasimangot si Itsoru. "Sandali, may nakalimutan pala ako sa silid. Babalik muna ako!" paalam pa ng bunsong prinsipe at tumakbo pabalik nang maalalang nalimutan niyang bitbitin ang bagay na nakaligtaang dalhin.
Napatango na lamang sina Celeste at Jin. Akma na rin sanang aalis si Celeste nang hawakan ni Jin ang palapulsuhan niya. Nagulat siya sa ginawa ng binata.
"M-may gusto lang akong sabihin," untag ni Jin at napaiwas ng tingin. Agad umayos ng tayo si Celeste at nahihiyang tumingin sa prinsipe.
"A-ano iyon?"
"Gusto ko lang humingi ng paumanhin. Naparusahan ka dahil sa..." Hindi maituloy ni Jin ang sasabihin ngunit alam na ito ni Celeste. Ito ay tungkol sa pagpaparusa sa kanya matapos siyang makita na nakikihalubilo sa kanya sa loob ng silid-aklatan.
Agad yumuko ang dalaga.
"Pakiusap, igen. Para wala nang maging problema, hinihiling kong huwag mo na rin lang akong lapitan. Ako na rin ang iiwas. Ayokong dumating ang oras na pati kayo madamay!" hiling nito at halos itungo na ang ulo. Napakagat-labi si Jin at napangisi.
"Hindi ko kaya." Dahil sa sinabi nito ay napaangat ang tingin ni Celeste. Sinuklay ni Jin ang buhok at napasandal sa pader.
"Anong hindi mo kaya?"
Imbes na sumagot ay hinapit ni Jin sa bewang ang dalaga hanggang mayakap niya ito. Nanlaki ang mata ni Celeste sa sobrang gulat lalo na nang bumulong ito malapit sa tenga niya."Hinayaan kitang mawala noon. Ngayon, sisiguraduhin kong magiging akin ka, Hera."
Gusto nang sumabog ng puso ng dalaga. Hindi siya makakilos nang pakawalan siya nito. Ngumiti lamang si Jin na parang walang nangyari at walang sinabi.
"Mauna na ako. Magandang gabi," paalam nito at agad naglakad palayo. Iniwan ang tulalang dalaga. Napasandal na lamang ito sa konkretong pader sa panghihina. Napahawak ito sa dibdib at napapikit.
Sakto namang kadarating lamang ni Kaisei at namataan ang ginawang pagyakap ng kapatid kay Celeste.
Nakuyom nito ang kamao.
CELESTE'S POV
Napabuga ako ng hangin at paulit-ulit na sinuntok ang dibdib. Pakiramdam ko aatakehin ako sa puso anumang oras.
"Phew!" Nakita ko ang pagtakas ng lamig sa hininga ko. Napapikit ako. Rinig ko mula sa loob ang masisiglang musika at mga nagkakasiyahang tao. Tiyak pinararangalan na si Tsuyu ngayon dahil sa tagumpay niyang pagbabalik.
Pero ni anino niya, hindi ko man lang nakikita pa kahit nalibot ko na ang buong palasyo kahapon. Akala ko pagbalik pa lamang niya, ako ang unang dadalawin niya. Mukhang nalimutan agad niya ako.
Naaalala pa kaya niya ako?
Nakakatampo ng konti. Mukhang ayaw niya magpakita sa akin.
Dahil wala na naman akong masyadong gagawin, napagpasyahan kong maglakad-lakad sa hardin kahit gabi na. Napatingin ako sa kalangitan. Sobrang daming bituin. Nakakagaan ng pakiramdam. Kung sana lang ay alam ng bituin ang daan pauwi sa totoo kong mundo, sana matagal na akong nakaalis rito.
"Tiwala lang. Makakauwi ka rin," Masaya kong bulong habang kinakausap ang sarili.
Sa di inaasahan ay napapitlag ako nang maramdaman ang pagtakip ng dalawang palad sa mga mata ko. Pilit ko itong tinatanggal pero ayaw alisin ng kung sino man ang nasa likuran ko ngayon.
"Hinihintay mo ba ako?"
Ang boses na iyon. Tila nanlambot ako nang maramdaman ko ang init ng hininga niya malapit sa tenga ko. Parang nawala lahat ng sama ng loob ko, pati ang pagod na nararamdaman. Gusto kong umiyak sa mga oras na 'to.
"T-Tsuyu!"
"Kumusta, Hera?" Unti-unting lumuwag ang pagkakatakip niya sa mga mata ko. Tumambad ang nakangiti niyang mukha habang nakatitig sa akin.
"Tsuyu!" Tumakas ang hikbi sa bibig ko at di na napigilan ang sariling yakapin ang lalaking minsan ay kinaiinisan ko, minsan naman ay nami-miss. Hindi ko maintindihan.
But one thing is for sure. Tonight, I am longing to hug him tight like this.
***
BINABASA MO ANG
HIRAETH | COMPLETED
FantasyCeleste San Pedro, a typical senior-high school student of Hirokoshi High tends to live a normal life in Tokyo City, Japan with her older brother. Her life as a student was quite okay until she started to experience unusual dreams with voices callin...