THIRD PERSON'S POV
"Hindi ikaw ang pakay namin rito, kuya. Kaya ipaubaya mo na sa amin ang babaeng iyan." Ibinaba ni Kaisei ang espada bilang hudyat na hindi sila pumunta upang makipaglaban. Gusto lamang niyang kausapin ang kapatid nang masinsinan at hayaan niyang sumama sa kanila si Hera."Kung ipinadala ka ng hari upang tingnan kung gaano kamiserable ang buhay ko rito, nagtagumpay na kayo. Maaari na kayong makaalis," anas ni Tsuyu at hindi pa rin ibinababa ang samurai na nakatutok sa kapatid. Napahigpit ang yakap ni Celeste sa binata.
"Baka gusto mong mas maging miserable ang buhay mo kung hindi mo siya pakakawalan." Napangisi si Kaisei at sinulyapan ang umiiyak na ngayong si Celeste. Paulit-ulit itong napalunok at pinipigilan ang humikbi.
"Hindi siya tagarito. Hayaan nating makabalik na siya sa totoo niyang mundo."
"Hindi na siya makakalabas. Ginusto niyang pasukin ang Gokayama. At itinakda siyang makita ng hari. Bakit mo hahadlangan ang nakasulat sa---"
"Kung ganoon, bakit mo hinadlangan ang pagkamatay niya noon?" tanong pabalik ni Tsuyu sa kapatid kaya napaiwas ito ng tingin. Mayamaya ay nagtiim-bagang ito nang maalala ang pangyayari. Ang pagmamakaawa niya sa amang hari upang alisin ang sintensya ng kamatayan sa babaeng naging malapit sa kanyang puso. Ang pagiging martyr niya.
"Gugustuhin mo rin bang mangyari ulit ang nakaraan? Gusto mo bang may mamatay na naman dahil sa atin?" Nanginginig ang boses ni Tsuyu. Dahil sa narinig ay itinaas ulit ni Kaisei ang samurai niya at itinutok sa kapatid. Humanda rin ang mga kawal na nakapalibot sa kanila.
"Ikaw," panimula ni Kaisei at tinitigan si Celeste. Mas kinabahan ang dalaga dahil sa kanya nito itinutok ang samurai. "Gaano na nga ba kahalaga sa'yo ang buhay ng kapatid ko?" nakangisi nitong tanong sa kanya.
"Kaya ikaw ang hahayaan kong magdesisyon. Buhay mo...o buhay ni Tsuyu?"
Namilog ang mga mata ni Celeste at bumuka ang mga labi ngunit walang boses ang lumabas mula roon."Marahil kaya itinadhana kang bumalik sa lugar na ito, ate Hera, sapagkat may misyon ka pang kailangang tapusin. May mga bagay na hindi mo nagawa noon. May mga pangyayaring kailangan pang itama."
Kusang tumulo ang mga luha niya. Hindi niya hahayaang matapos lamang sa ganito ang buhay ng lalaking yakap niya ngayon. Hindi niya alam kung anong pakiramdam ito. Tila natutunaw ang puso niya na makita pa lamang ang paghihirap ni Tsuyu. Hindi sila magkaano-ano. Ngunit bakit pakiramdam niya ay matagal na ang kanilang pagsasama? Bakit pakiramdam niya, kailangan niyang magpaubaya?
"Huwag kang makinig sa kanya," utos ni Tsuyu at hinawakan ang kamay niya nang mahigpit. Ramdam niyang nag-aalala na rin ito sa kanya. Ngunit kusang lumuwag ang yakap niya kay Tsuyu at agad napaatras. Napalingon sa kanya ang binata nang may pagtataka.
"Huwag mo sabihing---"
Ngumiti siya at napatango. Pagkatapos ay tumitig kay Kaisei. Sinalubong nito ang titig ng binata at nagsalita.
"Sasama ako."
Dahil sa naging sagot ni Celeste ay napangisi si Kaisei at ibinaba ang espada. Otomatikong lumapit ang dalawang kawal sa dalaga upang bihagin siya at isakay na sa kabayo patungong kaharian.
Sa huling sulyap niya sa binatang si Tsuyu ay nagtagpo muli ang kanilang paningin. Ngumiti muli siya na tila nagsasabing magiging maayos rin ang lahat. Inayos niya ang salakot at sumampa ng kabayo.
Paalis na sila. Hindi niya alam kung kailan muli niya makikita si Tsuyu. Pero ang mahalaga ay ligtas na ito. Ang tangi na lamang bumabagabag sa isip niya ay ano ang magiging kapalaran niya pagdating sa loob ng kaharian? At kung may pag-asa pa ba na makabalik siya sa totoo niyang mundo.
CELESTE'S POV
Napangiwi ako dahil sa sakit nang pagkabagsak ko mula sa kabayo. Tuhod ko mismo ang tumama sa konkretong sahig kaya napakagat-labi ako upang pigilan mapaiyak. Tingin ko ay dumudugo na ito ngayon. Nakatali na rin ang mga kamay ko sa likod kaya hirap akong makalagaw. Nakapatindi ng init ng araw. Hindi ako makatingin ng maayos, nanlalabo na rin ang paningin ko at nanunuyot ang lalamunan. Papatayin na ata nila ako sa ganitong paraan.
Inalis nila ang suot kong salakot. Mas nasilaw ako sa liwanag. Itinaas ni Kaisei ang baba ko gamit ang hintuturo niya.
"Hera..." sambit niya habang nakatitig sa mga mata ko. Kitang-kita ko ang pangungulila niya. Pero alam ko sa sarili kong hindi ako ang tinutukoy niya. Hindi ako 'yon. Agad kong iwinaksi ang kamay niyang nakahawak na sa pisngi ko. Nagulat siya at napaiwas ng tingin. Kasunod noon ang biglaang pagbuhos ng napakalamig na tubig sa ulo ko. Napasinghap ako.
"Dalhin siya sa hari," utos niya sa mga kawal at agad naglakad palayo. Napaubo ako.
Katapusan ko na ba?
Tulad ng paghatak nila sa akin, ay marahas nila akong kinaladkad papasok kung saan nilugmok ako sa harap ng trono. Hinang-hina na ako. Nanunuot na sa mga buto ang kirot nang paulit-ulit kong pagkabagsak. Pero hindi ko magawang umiyak. Hindi ito ang oras para ipakita kong mahina ako. Ginusto ko 'to, kaya paninindigan ko.
Napakurap-kurap ako upang sanayin ang paningin at tumambad sa harap ko ang isang matandang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad na anim napu't mahigit. Nakasuot rin ng magarang kasuotan at pinapaypayan pa ng ilang alalay. Siya ang hari, kung hindi ako nagkakamali.
Tinitigan niya ako ng maigi mula ulo hanggang paa na waring kinikilatis ang buo kong hitsura kaya napaiwas ako ng tingin. Kinakabahan ako sa mga susunod pang mangyayari. Ngunit kailangan maging handa ako.
"Ikaw ang...babaeng nagmula sa kabilang mundo," panimula nito at hindi pa rin inaalis ang titig sa akin. "Kamukhang-kamukha mo nga siya. Sayang dahil magkapareho kayo ng kapalaran." Nailing nitong sambit at napalagok sa hawak niyang tasa ng tsaa.
Napanganga ako.
"Paliguan, linisan at bihisan ang dalaga. Mag-uumpisa ang ritwal, alas-otso y media ng umaga bukas. Magmadali, ibalita ito sa buong mamamayan ng Gokayama. Tapos na ang matagal na paghihintay. Ang birhen na dalaga ay dumating na!"
Dahil sa narinig ko ay sumiklab ang matinding kaba na nararamdamn ko kanina pa.
"Tayo!" Pwersahan nila akong pinatayo mula sa pagkakaluhod at kinaladkad na naman kung saan. Ramdam ko na ang pagkirot ng tuhod ko sa bawat pagkahakbang na ginagawa ko. Hanggang sa tumigil kami sa isang silid. Agad nila akong itinulak papasok at sinarado ang pinto.
Napahikbi na lamang ako at napasandal sa mismong pinto.
"Hayaan munang mamahinga ang babae. Mayamaya ay paliguan at bihisan tulad ng iniatas ng hari. Mangyaring maghanda para sa ritwal bukas." Nakarinig ako ng boses na nag-uusap at mga yabag papalayo ng silid kung nasaan ako. Paulit-ulit akong napasinghap.
Hindi ko alam ang mangyayari sa akin bukas. Pero nasisiguro ko, ako ang tinutukoy nila na alay.
***
Itsoru, everyone.
BINABASA MO ANG
HIRAETH | COMPLETED
FantasyCeleste San Pedro, a typical senior-high school student of Hirokoshi High tends to live a normal life in Tokyo City, Japan with her older brother. Her life as a student was quite okay until she started to experience unusual dreams with voices callin...