THIRD PERSON'S POV
Nagulat ang binatang si Tsuyu sa biglaang pagyakap sa kanya ni Celeste. Mayamaya ay nakarinig na siya ng hikbi mula rito.
"U-umiiyak ka ba?" Nag-aalangan niyang hinawakan ang tuktok ng ulo nito at sinipat-sipat ang mukha kung umiiyak nga.
Hindi siya magaling sa ganito. Sa pagpapatahan ng umiiyak na babae ay wala siyang ideya kung ano ang gagawin.
"Huwag mo akong iyakan. Hindi pa ako patay. Nakabalik ako!" natatawang sambit niya kaya kumawala sa yakap si Celeste at pinunasan ang basang-basa nang pagmumukha.
"Pambihira, ang pangit mo umiyak," nakangiwi niyang biro rito kaya halos masapak siya ng dalaga.
"Siraulo ka! Masama bang umiyak kasi buhay ka! Na-miss kitang mokong ka!" bulalas ni Celeste habang natatawa kahit umiiyak pa rin. Hindi niya mapigilan ang sariling emosyon na makitang ligtas na nakabalik ang prinsipe.
"M-Miss?" Nakakunot ang noo ni Tsuyu sa narinig. Hindi nga pala nito alam ang salitang iyon.
"Miss! Ibig sabihin...a-ano...espesyal ka. Ganoon," napaiwas ng tingin si Celeste at pinahid ang luha. "At saka tears of joy 'to! Maligayang pagbabalik!"
"Tears of joy? Ano naman 'yon?" Napakamot naman sa ulo si Tsuyu. "Ayusin mo naman. Hindi kita maintindihan," dagdag pa nito.
"Wala, hayaan mo na. Masaya akong makita ka ulit," napangiti si Celeste at tinitigan ang prinsipe. Napabuntong-hininga naman si Tsuyu at napatingala sa langit.
"Bakit narito ka sa labas? Dapat naroon ka rin kasama nila," suhestiyon ng dalaga at sinundan ang binata na ngayon ay naglalakad-lakad na rin.
"Mas gusto kong mapag-isa. Pero di ko inaasahan na makikita kita rito," sagot ni Tsuyu na hindi nililingon ang kausap. Napaiwas ng tingin si Celeste.
"Bakit naman? Pamilya mo sila."
"Kung pamilya, bakit hindi ko ramdam?" May hinanakit ang tono ng boses nito kaya natahimik na lamang ang dalaga.
"Masaya lang sila na naipanalo ang laban pero 'yung nagpanalo?" Nagpakawala ng mapait na ngiti si Tsuyu. "di bale na. Ayoko sa mapagpanggap."
Namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa.
"Hera." Sa muling pag-angat ng tingin ni Celeste ay sobrang lapit na sa kanya ni Tsuyu. Bumilis na naman ang tibok ng puso niya."Ang lapit mo masyado," naiilang na sambit niya at pilit na tinulak palayo ang binata. Hindi na niya gusto ang nararamdamang ito. Kanina ay si Jin ang nagparamdam ng ganito sa kanya, pero mas malala ata nang si Tsuyu na. Hindi na tuloy niya maintindihan ang sarili. Humalakhak na lamang ang binata.
Pinagtitripan na naman siya nito.
"Apat na taon na ang nakararaan nang makaramdam ako ng ganito," ani Tsuyu habang nakangiti at nakatingala sa kalangitan na tadtad ng bituin.
"A-anong pakiramdam?"
"Masaya." Nakaramdam si Celeste ng kakaibang kirot sa dibdib niya kaya napahawak siya rito. Bakit naiiyak na naman siya? Bakit pakiramdam niya magkakonekta ang damdamin nila ng lalaking kausap niya ngayon?
"Noong nawala siya, parang nawala na rin ako. Ang hirap. Ang sakit mawalan." Hindi na umimik si Celeste at nakinig na lamang sa sinasabi ni Tsuyu. "Pinapili ako. Kung ang pananatili rito sa kaharian o ang makasama siya."
"Pinili kita, Hera..." pumiyok ang boses ni Tsuyu na waring bumabalik ang sakit ng nakaraan. Hindi na mapigilan ng dalaga na maluha ulit dahil sa mga naririnig.
"Pinili kita sa araw-araw. Ikaw ang...paborito kong tao." Napalunok si Tsuyu at naipikit ang mata. "Kaya ipangako mo sa akin, na ngayong nagbalik ka na, hindi ka na muling aalis. Dahil kahit anong mangyari, susundan na kita. Kahit sa kabilang buhay pa."
Tuluyan nang naglandas ang luha ni Celeste at napakagat-labi. Napahigpit ang hawak niya sa laylayan ng suot na mahabang damit. Pigil ang hikbing napatingin siya sa nakatalikod na binata.
"Hinayaan kitang masaktan noon. Hindi ko na hahayaang may manakit pa sa'yo ngayon. Poprotektahan kita, hanggang sa huli, Hera..."
Dapat hindi siya makaramdam ng ganito. Hindi siya ang totoong Hera. Sa katunayan ay hindi niya kilala ang dalagang tinutukoy nito.
Pero wala naman sigurong masama kung hiramin muna niya ang pagkakataong ito na makasama nang matagal ang binata. Wala naman sigurong masama kung mula ngayong gabi ay totohanin niya ang lahat. Na hiramin muna niya ang pagkatao ng dalagang pinagkakamalan na "siya".
Ngayong gabi, siya si Hera Ether Yakagami. Ang paboritong tao ni Tsuyu.
"Hindi kita iiwan, pangako," tanging sambit lamang ni Celeste at nagpakawala ng isang tapat na ngiti.
"Anong kataksilan ito?!" Sa isang iglap ay umalingangaw ang galit na tinig ng reyna na papalapit na sa kinaroroonan niya. Kasunod nito ay sina Kaisei, Takumi at Itsoru. Pare-parehong hindi maipinta ang pagmumukha nila.
"M-magpapaliwanag po---" Hindi na naituloy ni Celeste ang sasabihin nang makatanggap siya ng isang malutong na sampal mula sa reyna.
"Sinabihan ka ng ilang beses na huwag mapalapit sa mga prinsipe! Gaano ba katigas iyang bungo mo?!"
"I-Ina, tama na," saway ni Itsoru na nakaramdam ng awa sa dalaga.
"Hindi ko mapapatawad ang kalapastangang ito. Dapat noong una pa lang tumutol ako sa hari na manatili ka rito sa loob ng palasyo! Sinabi ko na nga bang mangyayari ito!" sigaw pa nito.
"Ako ang may kasalanan. Dinala ko siya rito," kalmadong sabat ni Tsuyu pero hindi siya pinakinggan ng reyna.
Halos hindi naman makaimik si Takumi na pilit pinapakalma ang reyna dahil sa galit. Hindi rin niya mapigilan ang sarili na mapasulyap kay Tsuyu. Naiinis siya. Bakit pinagtatanggol pa nito ang hampaslupang si Hera?
"Pakisabi sa mga alagad na patawan ng parusa ang babaeng ito bukas na bukas rin!"
Agad tumalikod at umalis si Reyna Seina. Nagkatinginan naman si Takumi at Itsoru na mayamaya'y sinundan ang reyna. Tanging naiwan sa hardin ang tatlo.
"Hera," tanging sambit na lamang ni Tsuyu sa dalagang sapo pa rin ang namumula nang pisngi.
"Susuwayin mo na naman ba ang reyna? Gusto mo talagang mapalayas na naman rito sa palasyo, ano?" sarkastikong nagsalita si Kaisei dahilan para samaan siya ng tingin ni Tsuyu.
"Pareho lang tayong sumusuway," makahulugang sagot ni Tsuyu at akma na sanang hahatakin si Celeste palayo nang hugutin ni Kaisei ang kanyang espada at itutok ito sa kapatid.
"Lalayuan mo si Hera o hindi?" Dahil sa hamon ng Kaisei ay napatawa si Tsuyu at agad hinugot rin ang espada. Napaatras na lamang ang kinakabahang si Celeste.
Anumang sandali ay posibleng magkasakitan ang magkapatid at hindi niya alam ang dapat na gawin.
"Bakit hindi mo rin tanungin ang sarili mo kung kaya mo siyang iwasan?" Nagtiim-bagang si Kaisei sa narinig.
"This scene, this is so familiar. Parang nangyari na 'to dati," mahinang bulong ni Celeste at naipilig ang ulo nang maramdamang nanlalabo ang kanyang paningin. Nanghihina na ang kanyang tuhod pero malinaw pa sa kanya ang nangyayari na nagkakainitan ang dalawang prinsipe sa harap niya. Nakakarinig siya ng boses, tinatawag siya. Nakakahilo, kumikirot ang ulo, parang hinahalukay.
"Hera!" Nakarinig siya ng boses ngunit tuluyan nang kinain ng kadiliman ang diwa niya.
***
BINABASA MO ANG
HIRAETH | COMPLETED
FantasyCeleste San Pedro, a typical senior-high school student of Hirokoshi High tends to live a normal life in Tokyo City, Japan with her older brother. Her life as a student was quite okay until she started to experience unusual dreams with voices callin...