CHAPTER 18

225 16 1
                                    

CELESTE'S POV

"Ang kamay mo." Inilahad niya ang palad niya kaya napalawak ang ngiti ko.

"Saan naman tayo pupunta ngayon?" tanong ko matapos naming malibot ang buong bayanan at pamilihan. Mabuti na lamang at pumayag siyang hindi muna ako umalis. Pakiramdam ko kasi ay tama si Yamaro. Kailangan niya ako, hindi ko alam kung paano o anong dahilan. May nag-uudyok sa akin na manatili muna sa tabi niya ng pansamantala.

"Uuwi na. Hindi ka ba napapagod?" nakangiwi niyang sagot kaya natawa ako. Tumango ako at inabot ang kamay niya. Magkahawak-kamay kaming naglakad papalabas ng pamilihang-bayan. Napasulyap ako sa kanya at nakita ang tipid niyang ngiti habang iginagala ang paningin sa paligid. Papagabi na rin at nag-uumpisa nang magliwanag ang daan dahil sinisindihan na ng ilan ang lanterns. Napakaganda sa paningin.

"Tsuyu!" Napatigil kami sa paglalakad nang salubungin kami ng isang lalaki na tingin ko ay kaedad rin lamang namin. Bakas sa mga mata nito ang takot at pag-aalala.

"Ang mga kapatid mo, sinalakay sila ng mga kawal! Hinahanap ka, at ang kasama mo!" Nanlalaki ang mata ko nang mapatingin kay Tsuyu. Nabitawan niya ang kamay ko at aligagang napatakbo.

"Tsuyu!" sigaw ko at nakitakbo na rin.

Sirang pintuan. Magulong mga gamit at tilmasik ng dugo ang bumungad sa amin pagpasok pa lamang ng bahay. Napatakip ako sa bibig at hindi ko mapigilang mapahikbi nang makita sa sulok ang duguang bangkay nina Yamaro at Yuri. Nanginginig na lumapit si Tsuyu sa kanila at isa-isang pinakiramdaman ang mga pulso nito. Mayamaya ay dahan-dahan siyang napalingon sa akin na may luha na ang mga mata.

Sa isang iglap ay palahaw niya ang narinig ko habang yakap ang mga walang-buhay niyang mga kapatid. Gusto ko siyang lapitan at patahanin. Pero alam kung hindi ako ang kailangan niya ngayon. Hindi ako ang makapagpapaalis ng sakit na nararamdaman niya.

Tinuring niyang mga kapatid ang dalawang bata kahit hindi niya ito kadugo. Kahit sa maikling panahon rin ay napalapit na rin naman sa akin ang mga ito. Hindi ko mapigilang mapaiyak na lamang at mapaupo sa gilid habang pinagmamasdan ang duguan nilang katawan.

"T-Tsuyu?" Naiangat ko ang tingin ko nang makita ko siyang tumayo at pinahid ang luha gamit ang manggas ng kanyang kasuotan. Bakas sa kanya ang matinding pagdadalamhati at galit. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko nang saglit siyang sumulyap sa akin.

"A-anong binabalak mo?" tanong ko. Nakita kong hinugot niya ang espada at humigpit ang hawak rito.

"Pagbabayaran nila, to!" Nagtiim-bagang siya at malalaki ang hakbang na lumabas ng bahay. Inihanda niya ang kabayo at akmang sasakyan na ito ngunit agad kong nahawakan ang braso niya.

"Tsuyu, huwag! Hindi dahas ang sagot sa isa pang dahas!" naiiyak kong kontra pero iwinakli niya ang kamay ko.

"Buhay ng mga kapatid ko ang kinuha nila. Gagantihan ko sila! Gaganti ako!" Nanlilisik ang mata niya habang lumuluha. Alam kong napakasakit mawalan ng mahal sa buhay. Pero hindi naman tama na dahas rin ang gamitin niya para sa hustisya.

"Tsuyu, makinig ka---"

"Wala kang alam! Manahimik ka, pwede? Ako na lang sana ang namatay! Narito sana ako nang mga oras na 'yon. Ako sana ang magtatanggol sa kanila! Pero ano? Sinamahan kita para makauwi sa peste mong mundo! Mas pinili kong samahan ang mangmang na gaya mo! Kasalanan mo 'to!" dinuro-duro niya ako.

Biglang kumirot ang puso ko. Parang tinusok ng paulit-ulit. Masakit palang masisi pero alam ko namang tama siya. Kasalanan ko.

Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko kayang salubungin ang mga titig niyang naninisi at luhaan.

"Umalis ka sa paningin ko ngayon rin. Ayaw kitang makita." Isinukbit niya ang espada sa bewang at napasandal sa kabayo. "Alis!" sigaw niya.

Napaatras ako at unti-unting naglakad palayo sa kanya. Napakagat-labi ako upang pigilan ang iyak at dire-diretso nang umalis. Iniwan ko siya roon nang naghihinagpis.


***

"Kain, kailangan mong magpalakas," alok ko kay Tsuyu at inilapag sa tabi niya ang basket ng pagkain na niluto ko para sa kanya. Kanina ko pa siya hinahanap upang ibigay ito at narito lang pala siya sa lugar kung saan tanaw ang buong kaharian ng Gokayama. Malayo ang titig niya at waring napakalalim ng iniisip.

"K-kumusta?" Hindi siya sumagot kaya naupo na lamang ako sa tabi niya.

Isang linggo na ang nakararaan mula nang mangyari ang trahedya. Nailibing na rin ang magkapatid. Pero hindi pa rin bumabalik sa dati ang Tsuyu na nakilala ko. Iyong Tsuyu na kahit sobrang nasusuka kapag nakikita ako, ngumingiti naman at nakikipag-usap. Hindi gaya ngayon.

"Pasensya ka na," panimula ko at agad tumayo. Suot ko na muli ang uniporme ko. Sukbit na rin ang bagpack. Desidido na talaga akong makauwi.

"Gusto ko lang humingi ng paumanhin sa panggugulo ko sa inyo. Hayaan mo, ito na ang huling beses na makikita mo ako! Ako na ang bahalang humanap ng daan pauwi. Hindi na kita gagambalain pa. Salamat sa---"

"At tingin mo ay makakaalis ka pa rito?" Hindi man siya nakatingin sa akin habang sinasabi iyon ay alam kong ako ang kausap niya. Nanlaki ang mga mata ko nang sundan ko kung saan siya nakatingin. Sa baba ay makikita ang isang batalyon ng kawal papunta na sa kinaroroonan namin ngayon. Sumiklab ang kaba sa dibdib ko.

"Tinutugis ka na nila ngayon," wika niya at napatingin sa akin. Napalunok ako.

Ayoko pang mamatay.

"Bihagin ang dalaga!" Nakarinig ako ng mga yabag ng kabayo papalapit sa amin. Sa isang iglap ay nagliparan ang mga sibat at ang paghatak ni Tsuyu sa bewang ko palapit sa kanya. Sobrang higpit ng hawak niya sa akin. Pero mas natatakot ako para sa buhay niya dahil ngayon ay napaliligiran na kami ng lahat.

Halos mangatal ako dahil sa takot. Isinalag ni Tsuyu ang samurai sa sinumang kawal na nagtatangkang lumapit sa amin. Napapikit na lamang ako. Diyos ko, ano bang kasalanan ang ginawa ko sa nakaraang buhay ko upang maipit ako sa gusot na ito?

"Layo!" sigaw ni Tsuyu at mas hinapit ako sa bewang. Napayakap na lamang ako sa kanya.

"Mas pipiliin mo bang kampihan ang dalagang iyan kaysa gustuhing ibalik ang tiwala ng mahal na hari?" Napatingin ako sa lalaking kakababa pa lamang ng kanyang kabayo. Matikas ang tindig nito at may magarang armor. Isa ba siyang prinsipe?

"Kaisei," rinig kong banggit ni Tsuyu sa pangalan niya.

"Kumusta, kuya?" nakangising bati nito at agad hinugot ang espada niya. Pagkuwa'y napasulyap siya sa akin. Nagtagpo ang aming mga titig.

Pamilyar ang mga titig niya. Di kaya ay nakita ko na siya noon? Ngunit saan? Sino ba siya? At bakit gusto nila akong makuha?

"Hayaan mong bigyan kita ng isang pabor na mula pa sa pasya ng kamahalan upang hindi na dumanak pa ang dugo rito. Ngunit bago iyon ay nakikiramay ako sa pagkamatay ng iyong---"

"Manahimik ka!" Ramdam ko ang galit sa boses ni Tsuyu kaya mas napahigpit ang yakap ko sa kanya mula sa likod.

"Hayaan mong sumama sa akin si Hera. At gagawaran ka ng pagkakataon na makaapak at manirahan muli sa kaharian kasama namin," seryosong saad ng lalaki.

Tumulo ang luha ko at napatingin kay Tsuyu.
Ipagkakanulo na ba niya ako? Nangyayari na. Nangyayari na ang nakasulat sa libro.

***

HIRAETH | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon