"Pagbuksan! Papasok ang prinsipe!" Umalingawngaw ang sigaw ng punong-kawal. Kasabay noon ang dahan-dahang paghatak ng ibang alagad sa mabigat na tarangkahan papasok ng palasyo.
Pagkababa pa lamang ng kabayo ay tinanggal ni Kaisei ang suot niyang armor at dinukot sa bulsa ang napulot na hairpin. Dire-diretso siyang naglakad papasok ng palasyo at walang pakialam sa mga kawal na yumuyuko kapag nakakasalubong siya. Hindi na ito bago sa kanya. Bilang isa sa mga anak ng hari, tungkulin talaga ng mga ito na magbigay pugay tuwing daraan ang alin man sa kanilang tatlo na magkakapatid.
"Anong!" reklamo niya at napahawak sa braso nang dumaplis sa makapal niyang kasuotan ang isang humahagibis na punyal na nanggaling sa kung saan. Ang isang punyal na iyon ay nasundan pa ng pangalawa, pangatlo, hanggang sa pinaulanan na siya ng kung sino mang Poncio Pilato ang nagtatago sa makakapal na haligi ng palasyo. Nagsalubong ang kilay niya nang makilala kung sino ang nagbabato nito. Isa lang naman sa kanilang tatlo ang mahilig makipaglaban gamit ang mga patalim.
"Alam ba ni ama na pinaglalaruan at sinasamantala mo na naman ang kakayahan mo?" sarkastiko niyang sambit at tinago ang hairpin upang harapin ang kapatid na si Itsoru. "Kung hindi pa alam, hayaan mong sabihin ko ulit nang harapan sa kanya. Tutal, roon naman ang punta ko ngayon," dagdag pa niya. Ngunguso-ngusong lumabas mula sa pinagtataguan ang bunsong si Itsoru habang nilalaro sa kaliwang kamay ang natitirang punyal.
"Ang daya n'yo talaga, eh noh? Kayo, pinahihintulutan ni ama na makalabas ng palasyo at makipagdigma o mangaso. Samantalang ako, dito na nga lang ako nag-eensayo, pinagbabawalan pa ako. Pambihira!" pagmamaktol nito sa ikalawang nakatatandang kapatid.
"Aba, s'yempre! Maiintindihan mo rin kapag sumapit na ang ikalabing anim mong kaarawan. At ayos lang naman sana na gamitin mo ang mga patalim na 'yan. Ngunit huwag naman ang sobra dahil baka may mapahamak dahil sa'yo. Alalahanin mong limitado ang bawat galaw mo, natin rito sa palasyo," paalala ni Kaisei sa kapatid sapagkat nalilimutan ata nitong pinangangalagaan nila ang pangalan ng kanilang ama at ang imahe nila bilang isa sa mga susunod na tagapagmana ng trono.
"Wala naman akong balak umupo sa trono, eh." Dahil sa sinabi ng nakababatang kapatid ay napangisi si Kaisei at inakbayan ito habang kapwa na naglalakad. Mayamaya ay hindi na niya napigilang mapahalakhak dahil sa inaasal ni Itsoru. Ang halakhak niya ay umalingangaw sa buong pasilyo dahil gawa ang buong kaharian sa makakapal na bato at pader.
"Oh, anong nakakatawa?" asar na tanong ni Itsoru.
"Ano bang gusto mong mangyari sa buhay mo, bata?" tanong niya pabalik habang naglalakad pa rin sa pasilyo ng palasyo.
"Ang gusto ko lang ay makaalis sa lugar na 'to kapag nasa wastong edad na ako. Gusto ko ring maranasan ang mangaso tulad mo, ang makipagdigma tulad ni nisan Jin at magkaroon ng simpleng buhay gaya ni Tsu---" hindi na naituloy ni Itsoru ang sasabihin niya sapagkat nag-iba agad ang reaksyon ng kapatid. Napakagat-labi na lamang ito at nag-isip ng magandang paksa para pag-usapan. "K-kumusta nga pala ang pangangaso mo?" bigla niyang sambit at tumingin kay Kaisei.
"Mauna na ako. Kailangan ko pang makausap si ama," paalam nito at dali-daling naglakad palayo sa kanya. Napabuntong-hininga na lamang si Itsoru habang pinagmamasdan ang kapatid. Pagkatapos ay nilaro-laro muli ang isang patalim sa kaliwang kamay at umiba ng direksyon ng paglalakad.
***
Yumuko bilang paggalang ang binatang si Kaisei sa harap ng kanyang ama. Pagkatapos ay umayos ng tayo, sapagkat magsasalita lamang siya oras na kausapin siya nito kung anong sadya.
"Hindi ka na naman nagpaalam na lalabas ka pala ng palasyo. Paano na lamang kung may nangyari sa'yo?" nag-aalalang tanong ng ina nilang si Seina na nasa kaliwang upuan katabi ng kanyang ama. Itinaas ni Haring Taiyo ang hintuturo senyales na kumalma ang reyna. Nagiging emosyonal na naman kasi ito dahil sa pag-aalala niya sa magkakapatid. Ayaw na kasi nitong mangyari pa ang trahedyang naganap apat na taon na ang nakararaan.
"Hayaan mo siya. May mga utak na ang mga iyan. Hindi na ako magugulat kung darating ang araw na sila rin ang mag-aagawan sa iiwanan kong trono," kalmadong saad ng hari habang nakatingin sa malayo. Ibinaba nito ang kupita matapos lumagok ng alak. Napatungo naman si Kaisei sa narinig.
"Taiyo, ano na naman ba ito? Marami pa tayong problema tulad ng tagtuyot. Ano at ganyan pa ang iniisip mo?" Maging si Seina ay hindi rin makapaniwala sa sinabi ng asawa.
"Anong sadya mo at nais mo akong makausap?" Tila hindi narinig ni Taiyo ang sinabi ng asawa. Nakatuon na ang atensyon nito sa pangatlong anak. Napatingin naman sa kanya si Kaisei at may dinukot mula sa kanyang bulsa. Itinapat niya sa liwanag ang bagay na natagpuan niya bago makarating sa palasyo.
Kung titingnan ay isang pangkaraniwang hairpin lamang ito. Ngunit iyon ang pagkakamali ng mga titingin. Isa itong uri ng hairpin na hindi matatagpuan sa buong bayan ng Gokayama. Naningkit ang mga mata ng hari nang maaninaw ang hawak ng binata.
"Saan mo..."
"Aksidente ko itong nakita sa paanan ng balon bago makababa ng kapatagan." Hindi na niya pinatapos magtanong ang ama. Napanganga naman si Seina sa sobrang pagkabigla.
"K-kung ganoon ay...m-may nagbabalik?" nauutal na sambit ng reyna.
"May nagbalik man o may bagong dumating, ang mahalaga ngayon ay mapatunayan kung totoo nga ang sinasabi sa propesiya. Ang kailangan ng bayan natin ay ang katawan ng isang shojo mula sa kabilang mundo upang maibsan na ang tagtuyot na ito," determinadong saad ng hari kaya napatitig sa kanya si Kaisei na seryoso ring nakikinig. Itinago na niya ang napulot na hairpin.
"At sa tingin mo ay may naligaw na naman na isang shojo matapos ang apat na taon nating paghihintay?" tanong ni Seina sa asawa na ang tinutukoy ay ang birheng katawan ng isang dalagita.
"Iyon ang kailangan nating malaman. Kaisei, pangunahan ang pagkilos. Alamin at saliksikin kung sino ang umakyat at bumaba ng kabundukan bukod sa'yo. Hanapin ang bakas ng mortal ngayon rin," maotoridad na utos ng hari kaya agad napayuko si Kaisei at humakbang ng ilang metro bago tumalikod.
Sa mismong pagtalikod ay nakuyom niya ang kanyang kamao at naramdaman ang agad na pagkabog ng kanyang dibdib. Hindi niya alam kung tama pa bang sinabi niya ang pagbabalik ng isang dalaga. Mukhang mauulit na naman ang nangyaring trahedya. At sa pagkakataong ito ay dapat mabago ang takbo ng kwento. Pipilitin niyang walang magbubuwis ng buhay at walang dadanak na dugo.
***
BINABASA MO ANG
HIRAETH | COMPLETED
FantasyCeleste San Pedro, a typical senior-high school student of Hirokoshi High tends to live a normal life in Tokyo City, Japan with her older brother. Her life as a student was quite okay until she started to experience unusual dreams with voices callin...