CHAPTER 14

271 27 2
                                    

"Ate, anong hitsura ng Tokyo?" Napangiti ako dahil sa naging tanong ni Yuri, ang bunsong kapatid ni Tsuyu. Katabi ko sila ngayon ni Yamaro habang pinagmamasdan ang kalangitan na tadtad ng bituin. Tanging huni lamang ng panggabing ibon ang maririnig at mga kulisap. Napakarami ring mga alitaptap ang nagliliparan.

"Bakit mo natanong?" tanong ko pabalik at napatingala sa langit.

"Tulad rin ba ng lugar na ito ang lugar na pinanggalingan mo?" inosenteng tanong rin ni Yamaro na ngayon ay nakatingin na rin sa akin habang naghihintay ng sagot ko. Napakagat-labi ako.

"Ang lugar na ito ay kakaiba. Ibang-iba sa Tokyo..." bulalas ko at saka inalala ang mga lugar at pangyayaring kinagawian ko bilang isang normal na teenager sa Tokyo.

Naalala ko ang paggising ko ng tanghali kahit may pasok sa school. Ang sermon ni kuya Chester tuwing hindi ko kinakain ang mga pagkaing niluluto niya. Ang pagtambay ko sa Onibus Cafe malapit lamang sa Hirokoshi High kung saan ako nag-aaral. Ang palagi kong pagdiretso sa library after class. I miss my daily routine. I want to do it again.

Napangiti ako ng tipid at napatingin sa dalawang bata na naghihintay ng sagot ko.

"Kakaiba ang lugar na 'yon. Iba rin ang pamumuhay. Modernong sasakyan, sa himpapawid, sa karagatan, pati na sa lupa. Iba rin ang mga gamit kumpara rito. Tulad ng damit na suot ko ngayon..." pinagpagan ko ang suot kong palda na kakalaba ko lamang kanina pati na rin ang blouse upang idemonstrate sa kanila. Kitang-kita ko sa kanila ang pagkamangha.

"Mababait rin ba ang mga tao roon?" Napatango ako sa naging tanong ni Yamaro.

"Oo naman. Parang kayo, ang bait ninyo sa akin," sagot ko at ginulo ang buhok ng dalawa. Ngumisi naman sila na tila tuwang-tuwa sa mga kwento ko.

"Whoa, sana kami rin, nabuhay sa panahong iyon," ani Yuri at pinagdaop pa ang mga kamay na tila nagdarasal.

"Aba, walang imposible. Darating ang panahon na mangyayari iyon," wika ko.

"Sana managinip ako mamaya ng lumilipad na sasakyan sa ere o kaya ay ako mismo ang magpapalipad! Tapos sasakay tayo, maglalakbay at---"

"Tama na, kuya! Masyado ka na atang ambisyoso!" pang-aasar ni Yuri sa kapatid kaya natawa na lamang ako.

"Pero alam niyo ba? Ang buhay sa Tokyo...ay isa ring pakikipagsapalaran," sambit ko at napabuntong-hininga habang inaalala kung paano ako nahirapang mag-adjust noong nag-migrate kami ng kuya Chester ko. Sobrang hirap para sa akin na sanayin ang sarili ko sa bagong paligid. Sa aroma ng bagong flavor ng kape, sa lasa ng pagkain, sa public transportation pati na rin sa pakikipag-socialize. Thankful na ako at nagkaroon ako ng dalawang malalapit na kaibigan. At nami-miss ko na rin sila.

"Mas mahirap mabuhay rito sa Gokayama." Napapitlag ako pati na rin ang dalawang magkapatid nang marinig namin ang tinig ni Tsuyu sa di kalayuan. Kanina pa pala ito nakikinig sa mga pinagsasabi ko. Mayamaya ay lumapit ito sa amin. Sa bewang niya ay hindi pa rin niya inaalis ang kanyang espada. Iniisip ko tuloy na lagi itong makikipagdigma kahit wala naming kalaban.

"Nisan, ang galing ng mga kwento ni Ate Hera! Parang gusto ko na rin tuloy makapunta ng Tokyo!" namamanghang bulalas ni Yuri at akma sanang lalapit sa panganay na kapatid ngunit napayakap ito sa akin nang maramdamang nag-iba ang mood nito.

"Yuri, hindi siya ang ate Hera mo. Matulog na kayo. Yamaro, ihanda mo na ang higaan. Isama mo na si Yuri," utos ni Tsuyu kaya napatayo mula sa tabi ko si Yamaro. Yumuko muna siya sa akin at nagsalita.

"Salamat po sa napakagandang kwento, ate. Magandang gabi muli," magalang niyang paalam at saka inalalayan si Yuri na sumama sa kanya. Panay pa ang lingon ng bunso sa akin na tila ayaw pa akong iwanan. Ngumiti ako at nag-wave ng good bye. Nakita ko muli ang pagsilay ng ngiti niya at diretsong lakad paalis.

Napatikhim ako nang makaalis ang dalawa at yumuko na rin. Magpapaalam na sana ako upang bumalik na rin sa loob ng kubo nang bigla siyang magsalita.

"Masyado mo na silang pinapaniwala sa mga bagay na hindi naman totoo at hindi nila makakamtan," aniya habang nakatingin sa kalawakan na tadtad pa rin ng bituin. Napabuntong-hininga ako. Gustuhin ko mang barahin ang sinabi niya ay alam kong tama naman siya. Magkaiba kami ng mundo, magkaiba ng panahon at oras. Walang sigurado sa bawat isa sa amin. Tumayo rin ako sa tabi niya at napatingala.

"Masama bang ibahagi sa kanila ang ganda ng mundong pinanggalingan ko? Paano kung sa susunod na panahon, magkaroon ng tsansa na mapuntahan nila ang Tokyo? Hindi na sila magugulat. Dahil nabigyan ko na sila ng pangunahing kaalaman," determinado kong kontra at napatingin sa reaksyon niya.

I see nothing. He kept on staring the sky. I see coldness in his eyes. Hindi ko siya mabasa. Ang hirap niyang intindihin.

"Iisa lang ang buhay. At wala nang susunod pa. Ang Gokayama ay bayan na kailanman, hindi mo gugustuhing puntahan. Hindi ko alam kung bakit at ikaw pa ang pinili ng tadhana na mapadpad rito. Hindi ka magtatagal sa lugar na ito. Mahina ka," aniya at napatitig sa mga mata ko. Gusto kong umiwas ng tingin. Pero tila nalulunod ako sa mga mata niyang wala namang emosyon.

"A-anong ibig mong sabihin?" nauutal kong tanong.

"Kaya mo bang ipagsapalaran ang buhay mo rito sa mundong ginagalawan mo ngayon?" nanghahamon niyang tanong kaya bumilis ang tibok ng puso ko. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Pakiramdam ko binuhusan ako ng malamig na tubig. Nanginginig ako. Hindi ko alam kung sa pagkabahala ba o ang takot na baka totoo ngang rito na matapos ang buhay ko. Hindi ko alam.

"Kaya kung ako sa'yo, hahanap na ako ng paraan para makabalik. At sa pangalawang pagkakataon, sasabihin ko ito sa'yo..." Napalunok ako nang ilapit niya ang mukha niya sa mukha ko.

"Walang sinuman ang makatutulong sa'yo kundi ang sarili mo." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay naglakad na siya palayo.

Pabagsak akong napaupo sa lupa habang hinahabol ang hininga. Naninikip ang dibdib ko. Sa hindi malamang dahilan ay kusang tumulo ang mga luha ko. Napapikit ako at napatungo.

Gusto ko nang makaalis rito. Gusto ko nang makabalik. Ngunit paano ko tatakasan ang mundong kusa akong hinigop? Saan ako hihingi ng tulong? Dahil ako, alam kong hindi ko kayang tulungan ang sarili ko ngayon. Masyado akong mangmang sa lugar na ito.

"Hera..." Naingat ko ang ulo ko at nanlaki ang mga mata.

Tama! Kung totoo nga na may ibang tao ring gaya ko ang naunang mapadpad rito bukod sa akin, isa lamang ang ibig sabihin nito. May mahihingian na ako ng saklolo.

Hera. That lady named Hera. I need to find her as soon as possible. Alam kong matutulungan niya akong makabalik sa totoo kong mundo.

***


𝙔𝙖𝙢𝙖𝙧𝙤, 𝙚𝙫𝙚𝙧𝙮𝙤𝙣𝙚

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

𝙔𝙖𝙢𝙖𝙧𝙤, 𝙚𝙫𝙚𝙧𝙮𝙤𝙣𝙚. 𝙏𝙝𝙖𝙣𝙠𝙨 𝙛𝙤𝙧 𝙧𝙚𝙖𝙙𝙞𝙣𝙜 :))


HIRAETH | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon