Chapter 39

162 3 0
                                    

Hindi ko alam kung paano ako nakauwi. Tanging ang mahihinang paghikbi ko lamang ang maririnig habang binabagtas ko ang hagdan patungo sa kwarto ko. Sa takot na marinig ng mga natutulog na tao sa buong bahay ay pinilit kong kagatin ang labi. Mahinto lang sa pag iyak.

Pagkarating sa dati kong kwarto ay mas lalong piniga ang puso ko. Pikit matang pinilit kong pigilan lalo ang sarili na mag isip pa tungkol sa nakaraan namin. Pikit mata kong pinilit na paulit ulit na itinanggi sa sarili ang bawat halik at yakap niya sa mismong kwarto na 'to.

Gusto ko siyang balikan. Pero natatakot ako. Natatakot ako na baka kapag pinapasok ko muli siya sa mundo ko, ako na naman ang umuwing luhaan. Natatakot ako na masaktan. Natatakot ako, na baka ako na naman ang mas magmahal.

Natatakot akong balikan siya, dahil alam ko sa dulo. Kung magkamali man muli ako. Siya, at siya pa rin ang babalikan ko. Babalik ako sa kanya. Nang walang pag aalinlangan. Babalik ako dahil mahal ko siya. Mahal na mahal ko pa rin siya.

Oo, sinabi niyang mahal niya ako. Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko kayang maniwala sa mga sinabi niya. Kung dahil sa hindi niya pagsagot sa tanong ko ay hindi ko alam. Mas natatakot akong malaman kung bakit niya pa nagawa sa akin ang mga bagay sa nakaraan. Natatakot ako dahil baka mas hindi ko kayanin ang magiging dahilan niya.

Gusto kong isumbat sa kanya ang lahat. Gusto kong sabihin sa kanya na siya ang pinili ko noong panahong marami akong pagpipilian. Siya ang pinili ko kahit na mismong ang mundo ang kinakalaban ko. Pero bakit noong unang beses na hiniling kong piliin niya ako, hindi man lang niya nagawa? Hindi niya magawang piliin ako sa kabila ng lahat. Hindi niya magawa, dahil hindi ako ang mahal niya.

Tapos ngayon... babalik siya. Magmamakaawa. Samantalang hindi ako ang pinili niya noong panahong nagmamakaawa ako. Noong panahong halos gawin ko na ang lahat wag niya lang akong iwan.

Pero parang tanga lang kasi... kahit ganon, nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan ako kasi hindi ko alam kung bakit sa bawat pagpatak ng luha niya... mas nasasaktan ako.

Mahal na mahal ko siya na kung sasaktan ko man siya, para ko na ring sinaktan ang sarili ko.

Nang mag umaga hindi ko alam kung anong palusot ang ginawa ko para lang hindi sila magtaka kung bakit ako umuwi. Kung bakit mugto ang mata ko.

Gusto ko man magkulong sa kwarto ay hindi pwede. Pinilit kong ayusin ang sarili. Pinilit ko kahit na parang bibigay na ang buong katawan ko. Pinilit kong itago sa kanila dahil naisip ko. Maraming problema sa mundo. Ang problema ng puso ko ay hindi naman ganon kahalaga para pagtuunan nila ng pansin. Para bigyan ko pa lalo ng pansin.

Pero kahit anong tago yata ang gawin ko, mismong ang sarili ko na ang nagiging kalaban ko.

May mga pagkakataon na nahuhuli nila akong tulala. Kung magtanong man ay taliwas lagi ang naisasagot ko. Siguro nga, kapag puso na ang problema mo, buong pagkatao mo na yata ang magugulo. Ang hirap nga yatang kalabin ng puso. Ang hirap kasi... buong mundo mo na 'yong wawasakin nito.

Pero kahit ganon, hindi nila tinangkang ungkatin ang tungkol doon. Pinakiramdaman lang nila ako. Hinayaan nila ako.

Wala rin naman kasi akong balak na pag usapan ang nangyari. Isa pa'y pinanatili ko rin abala ang sarili para kahit paano'y malibang din ako. Kaso, may mga pagkakataon lang talaga na kinukwestyon ko ang naging desisyon ko.

Am I selfish? For choosing myself this time? Mali ba na hindi ko muna siya pinakinggan? Mali ba na mas pinakinggan ko ang sinasabi ng isip ko kesa ng puso ko? Nasaktan ko siya... nasaktan ko rin ang sarili ko. Naduwag na naman ba ako?

Pakiramdam ko tuloy... bumalik na naman ako sa umpisa.

Noong umuwi ako akala ko ayos na ako. Akala ko, kaya ko na. Akala ko hindi na ulit ako magkakaganito. Pero sino nga bang niloko ko?

Lies Behind His EyesWhere stories live. Discover now