Can You Love Me Instead?
“Kanon, doon ka nga muna! Hindi pa kami tapos sa laban namin, o? Can’t you see? Tsupi! Tsu! Tsu!” masungit na pagtaboy ng tukmol kong kuya na hindi man lang ako makuhang tignan. Naglalaro kasi sila pagkatapos kumain ni Kana ng Plants Vs. Zombies sa aming sala, at ayaw niya akong pasingitin.
“Ehhh… Kanina ka pa naglalaro, ako naman. Daya mo. Kami naman ni Kana, Kuya. Sige na.” Pagmamarakolyo ko at inalog-alog ang balikat niya pero sinungitan niya lang ako at dinedma.
“Ayan na ang mga Zombies! Kanon huwag kang magulo. Buti pa tapusin mo na lang assignment ko.” sambit naman ni Kana habang busy sa kapipindot ng wireless controller ng playstation. Napangiwi ako sa sinabi niya at parang nagpintig ang ugat ko sa ulo sa kakapalan ng bestfriend kong isa’t kalahating tukmol din.
“Excuse me? Ang kapal mo po? FYI, kanina ko pa tapos yang leche mong assignment. Akin na yang controller. Kami na lang ni Kuya ang maglalaro. Usog!” pagtataray ko ng nakapamaywang sabay pasigang tulak sa kanya sa sofa at kuha sa controller para maglaro. Sumimangot siya sa ginawa ko at magpoprotesta pa sana, pero biglang nagring ang cellphone niya. Kinuha niya ito mula sa bulsa ng kanyang pantalon at tinignan ang screen kung sino ang tumatawag. Nang nakita ang pangalan ay napangiti ito at napatayo. Sabay sumenyas sa akin at tinuro ang terrace.
“Labas lang…” mahina niyang saad bago tumalikod at sinagot ang tawag. Napabuntong-hininga at simangot na lang ako habang pinagmamasdan siyang palabas ng bahay. Bumaling na lang ako sa malaking flat screen namin para magfocus na lang sa paglalaro, at napailing. Naramdaman ko naman ang pahaging na sulyap sa akin ni Kuya Shino habang naglalaro kami ng playstation kaya tumingin ako sa kanya.
“What?” kibit-balikat kong tanong habang pumipindot pa rin sa controller.
“Wala. Masama na bang tumingin?” patay-malisya niyang tugon sabay ngumisi. Inirapan ko siya at nginiwian bago bumaling muli sa screen. Halos hindi ako makapagconcentrate sa nilalaro namin ni Kuya dahil sa lutang kong utak na walang ibang laman kung hindi si Kana. Sa ngiti niya pa lang ay gets ko na kaagad kung sino ang tumawag. Sa isang tao lang naman kasi siya napapangiti ng ganoon, walang iba kung hindi doon sa prinsesa ng mga patatas na si Sarah. Kung sana ay ako na lang… Kung kaya ko lang sana siyang pangitiin ng kagaya ng ngiti niya kay Sarah… Hayyyy… bulong ko sa aking sarili. Kakaiba kasi ang ngiti niya kapag si Sarah na ang pinag-uusapan. Kita mong may halong kilig at pagnanasa ang mga ngiti niya kay Sarah, samantalang pagdating sa akin ay ngiting pang-bro lang. Tingin ata sa akin ng tukmol ay lalaki ako o kaya naman julalay niya na taga-gawa ng assignment, projects niya, at minsan tagalaba pa ng brip niyang inaamag na kapag wala silang labandera.
“Game over! Panalo ako! Whoohoo!! Asan na yung premyo kong tumatagingting na isang daan? Give it to me…” masayang sigaw ni Kuya sabay naglahad ng kamay pero nakatulala pa rin ako sa harap ng screen habang hawak-hawak ang controller at malalim ang iniisip.
“Huy… Kanon. Ano na? Natulala ka na diyan. Asan na yung one hundred ko?” tinapik ni Kuya ang balikat ko na siyang nakapagbalik sa akin sa ulirat.
“Huh? Ah, saglit kukunin ko.” tugon ko sabay nag-ambang tatayo at pupunta sa aking kwarto pero hinila ni Kuya ang kamay ko. Napatingin ako sa kamay kong hinahawakan niya bago nilingon ang mukha niyang seryosong nakatingin sa akin.
“Halata ka masyado.” saad niya at napayuko na lang ako habang si Kuya ay napabuntong-hininga.
“Why not try dating other boys? I’m sure naman may ibang nagkakagusto sa baby Kanon ko.” payo niya pero umiling kaagad ako.
“Wala kayang nagkakagusto sa akin Kuya. Hindi ba nga, kakasabi lang ni Kana kanina na walang magtangka kasi para akong lalaki kung umasta. Tapos hindi rin ako fashionable. Sino namang makikipagdate sa akin?” paliwanag ko sa kanya. Totoo naman kasing walang nanliligaw sa akin. Paano ba naman simula pagkabata ay si Kana lang ata ang lagi kong kasa-kasama. Mayroon naman akong mga kaibigang babae pero hindi ako gaanong sumasama sa kanila dahil naO-OP ako sa topic nila. Panay kakikayan kasi ang pinag-uusapan nila madalas kaya hindi ako makarelate.
“Owws??? Sus, pahumble pa itong baby ko. Panigurado, meron yan di mo lang pansin. Paano iyang mga mata mo isa lang ata ang nakikita.” aniya at sabay ngumiti ng makahulugan. Pinagkibit-balikat ko na lang ito at hindi na nagsalita hanggang sa nakabalik si Kana sa loob.
“O, tapos na?” tanong ni Kuya kay Kana at tumango si Kana.
“Oo. Ay siya nga pala, alis na ako. May pupuntahan lang…” paalam niya ng nakangiti at nakapamulsa. Ngumuso ako at pinigilan ang sarili na makapagsalita ng kung ano dahil sa selos. As much as possible, ayaw kong mahalata niyang nagseselos ako. Baka malaman niya pang may gusto ako sa kanya na mukhang imposible sa sobrang manhid niya. Makikipag-date na naman siguro siya sa Sarah na iyon kaya mukhang nagmamadali siyang umalis.
“Sige, ingat na lang bro. Basketball tayo sa Saturday para wala akong pasok.” tango ni Kuya kay Kana.
“Alright, bro. Sige, alis na ako. Kanon alis na ako.” ngisi ni Kana kay Kuya sabay bumaling sa akin para magpaalam pero hindi ko siya tinitignan.
“Teka! Saglit, maghintay ka diyan!” sikmat ko sabay padabog na naglakad patungong dining table kung saan ko nilapag ang assignment at bag ni Kana. Pagalit ko itong kinuha at mabilis na naglakad pabalik sa sala kung nasaan si Kana at Kuya. Inihagis ko ang notebook at bag ni Kana sa kanya at hindi siya magkanda-mayaw sa pagsalo nito.
“Ayan na yung assignment mo! Baka makalimutan mo pa, masisi mo pa ako kapag wala kang maipasa. Sige umalis ka na!” nakakunot noo kong sikmat habang inilalagay niya ang kanyang notebook sa loob ng bag.
“Sungit. Siguro meron ka na naman ano? Salamat sa assignment ha? Da best ka talaga bespren! Ahlabyu!” natatawa niyang pang-aalaska sa akin sabay kumindat. Kahit na pabiro lang ang pagsabi niya ng ‘ahlabyu’ at alam ko namang iba ang kahulugan noon sa kanya, hindi pa rin nito naawat ang puso ko sa pagtibok ng mabilis. Parang lumundag ang puso ko pagkarinig nito at nag-init ang aking pisngi. Pinilig ko ang aking ulo para walain ang nararamdaman ko at pinanindigan ang nakagusot kong mukha.
“Tse! Utot mo mabaho! Umalis ka na nga. Baka bigwasan pa kita diyan kapag hindi ka pa umalis.” utas ko habang nakahalukipkip at nagawa pang dumila ng ugok at mag-peace sign.
“Eto na nga aalis na. Pasabi na lang kina Tito’t Tita alis na ako. Bye.” paalam niya habang kumakaway at pumihit na palabas ng aming bahay nang may bigla akong naalala.
“Ay sandali! Kana!” tawag ko at tumigil siya sa paglalakad at nilingon ako.
“Bakit?” tanong niya.
“Huwag mong kalimutan bukas sa may Botanical Garden, kita tayo. 4 pm sharp. Hihintayin kita.” sabi ko. Bukas kasi ang ika-14 na anibersaryo ng pagiging magbespren namin ni Kana. Five years old kami ng nagdesisyon kaming maging matalik na magkaibigan, at simula noon ay taon-taon na naming pinagdiriwang ang araw na tinatawag naming Best friendship Day. Noong nakaraang taon ay sinorpresa ako ni Kana sa pamamagitan ng pagdala sa akin sa isang burol sa Antipolo kung saan tanaw ang siyudad, at naghanda pa siya ng mga pagkain pam-picnic doon. Naglatag siya doon ng kumot sa damuhan at doon kami nagpalipas ng oras habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw.
Kaya naman naisipan kong ngayong taon ay ako naman ang maghahanda para sa Best Friendship Day namin. Balak kong magbake ng paborito niyang cake na mocha crumble, magluto ng carbonara, at nag-gantsilyo rin ako ng beanie para sa kanya. Palihim ko itong ginawa ng ilang araw kapag wala si Kana. Madalas tuloy akong aantok-antok sa klase dahil madalas ko itong gawin sa gabi para matapos ko kaagad.
“Ukie. Dadating ako. Sige kita-kitz na lang.” tugon niya at tuluyan nang umalis.
BINABASA MO ANG
The Best Rebound
ChickLitA typical story of a girl who has fallen in love with her best friend who happens to be in love with someone else.