Chapter 8

1.7K 20 0
                                    

"Kana, akin na yan! Ibalik mo na sabi si Kermit!" utos ko sa batang Kana habang pilit inaabot mula sa kanyang kamay ang stuffed toy kong si Kermit the frog. Nasa second floor kami ng aming bahay, malapit sa hagdanan.

"Ayaw ko nga! Itatapon ko na 'to. Bakit ba itinatago mo pa 'to? Kahit anong gawin mo hindi na siya babalik Kanon!" nakakunot noong pagmamatigas ni Kana habang inilalayo sa akin si Kermit. Ang kanyang likod ay nakasandal na sa railing sa may hagdanan.

"Babalik siya! Nangako siya na babalikan niya ako, at nangako din ako na sa pagbabalik niya isasauli ko sa kanya si Kermit kaya akin na iyan!" naiiyak kong utas sa sobrang frustrated ko sa batang Kana.

"Sinabing hindi na siya babalik! Bakit ba ang kulit mo Kanon?! Kinalimutan ka na niya kaya kalimutan mo na rin siya!"

"Kinalimutan ka na niya Kanon..."

"Kinalimutan ka na ni-"

"Hindi!" sigaw ko sabay napabalikwas at upo sa aking kama. Hingal na hingal ako at sobrang pinagpapawisan.

"Ano ba yun? Panaginip lang pala..." bulong ko sa aking sarili habang hinahabol ang aking hininga at napalunok. Ang aking isang palad ay nakatakip sa aking isang mata habang nakatitig ng blanko sa aking kumot. Gusot na gusot ang aking kobre kama, at maging ang iba kong unan ay nahulog na sa sahig. Marahil ay kanina pa ako nanaginip.

"Panaginip lang iyon, Kanon... Panaginip la-panaginip nga lang ba? Bakit parang totoo?" tanong ko sa aking sarili at biglang sumakit ang aking ulo. Pinilig ko ito at mariing pumikit, pilit inaalis ang kung ano mang bumabagabag sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero parang bigla akong nakaramdam ng lungkot at pangungulila nang dahil sa tila bangungot kong iyon.

Nang medyo nahimasmasan ay nag-angat ako ng tingin at bumaling sa lumang stuffed toy na nakapatong sa isang upuan sa tapat ng aking kama. Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking kama, at naglakad papunta sa kinalalagyan ng stuffed toy kong si Kermit. Bata pa lang ako ay nasa akin na ito, at sa sobrang tagal na nito sa akin ay hindi ko na maalala kung kanino ito nanggaling o kung paano ko ito nakuha.

Nanatili ang tingin ko sa lumang stuffed toy pilit inaalala kung paano ko ito nakuha pero kahit anong gawin ko ay hindi ko talaga matandaan. Lalo lang sumakit ang ulo ko sa pag-iisip kaya napabuntong-hininga na lang ako sabay kuha kay Kermit mula sa upuan.

"Haayyy... Bakit kaya hindi ko maalala kung paano kita nakuha Mr. Kermit? Saan ka ba talaga nanggaling?" parang tanga kong kinausap si Kermit habang pinaglalaruan ang mga kamay nito pagkatapos ay niyakap ko ito ng mahigpit sa aking dibdib.

Ilang saglit ko pa itong hinagkan bago nagdesisyong maligo na at baka masermonan na naman ako ni Mama. Sabado kasi ngayon at wala akong pasok kaya kailangan kong tumulong sa gawaing bahay kung hindi bubulyawan na naman ako ni mama. Binalik ko sa dati nitong puwesto si Kermit bago tuluyang nagtungo sa banyo para maligo.

Matapos kong maligo at magbihis ay nagmadali na akong bumaba papuntang kusina para tumulong. Humuhuni-huni pa ako to the tune of Blank Space by Taylor Swift at umiindak-indak habang papuntang kusina, good mood dahil naalala ko na naman ang mga kalokohang pinaggagawa namin ni Froglet kagabi. Mula Plaza Benavides kasi ay inaya pa ako ng palakang kumain dahil sa malakas na pagkalam ng sikmura ko na dinig na dinig niya. Pinagtawanan niya pa ako at as usual, hinampas ko siya. Gusto niya pa sana akong ilibre sa isang mamahaling resto pero hindi pa naman ganoon kakapal ang mukha ko kaya pinilit ko siyang sa turu-turo na lang kami kumain.

In fairness sa prinsipe ng mga kokak, kahit na mukha siyang mayaman, de kotse at hindi sanay sa pagkain ng mga commoner na gaya ko, ay wala siyang kiyemeng kumain sa karinderya. Sobrang siba at PG pa nga ng loko, at pati tokneneng sa kanto ay hindi pinatawad. Tawa ako ng tawa noong nasamid siya sa katakawan niya sa tokneneng na kinailangan ko pang tapikin ng makailang ulit ang likod niya, mailuwa niya lang ang sumabit na itlog sa lalamunan niya. Halos dalawang oras din kaming nagliwaliw ng palaka at ayaw ko pa sanang umuwi kaso ay sobrang late na. Hinatid niya ako gamit ang kanyang Bumblebee Camaro sa bahay pero hindi na siya bumaba ng sasakyan. Ayaw ko pa nga sanang pumayag na ihatid niya ako dahil kaya ko namang umuwi mag-isa pero sobrang kulit niya talaga at ayaw niya akong tantanan kaya hindi na ako nag-inarte. Buti na lang at tulog na ang mga tao sa bahay namin noong hinatid niya ako kaya nakaligtas ako sa pang-uusisa nila.

The Best ReboundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon