Ikatlong Tula

228 16 8
                                    

May maituturing pa bang mahalaga kung ang mundo ay magtatapos na?


Kaya kung pwede, harapin mo ako ngayon dahil mahalaga para sa akin na lumisan nang walang pinagsisisihan.


Hayaan mo akong sabihin sa'yo kung paano kita isipin, araw at gabi. Sa bawat kilos ko ay iniisip ko kung ano bang ginagawa mo, kung sumasagi rin ba ako sa isip mo.


Na sa bawat pagpikit ko ay nakikita ko ang hinaharap kung saan tayo'y masaya. Kung paano ko pinapangarap na ipakilala ka sa pamilya ko at matuwa dahil magugustuhan ka ng Lola ko.


Na kung paanong sa pagdilat ng aking mga mata sa umaga ay iikot ang paningin at hahanapin ko. Sasabihin ko sayo ang totoo, na hindi ako mapakali habang nasa sasakyan dahil atat na atat na akong makita ka sa labas ng aming opisina.


Na kung paano ako magtampo sa bawat araw na lilipas at hindi ka nagpapaalam kapag uuwi ka na. Wala kang ideya kung gaano mo ako napasaya noong unang beses na kumaway ka, pero ngayon ay alam mo na.


Aaminin ko na nalulungkot ako sa bawat lumilipas na oras na walang pagpaparamdam mula sa'yo. Gusto kong malaman kung bakit may mga oras na nagpaparamdam ka pero may mga araw na nawawala kang parang bula.


Itatanong ko sa'yo kung ano ang ibig sabihin ng mga tingin sa pagitan nating dalawa, kung may ibig sabihin ba. Baka kasi ako lang yung nagbibigay ng malisya kahit sinasabi nila na wag akong aasa.


Pwede ko bang malaman kung pagkatapos ng lahat ng ito ay siya pa rin ba, o kahit minsan ay naging ako naman?


Masagot lang lahat ng ito ay mapapanatag akong iwan ang mundo, ang mundong minamahal ko dahil ito ri'y minsan naging natahan mo.


Huling tanong, minahal mo rin ba ang mundo dahil naging kabilang ako rito?

Promises Etched in Poetry (Arte del Amor #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon