"Sinasabi mo lang ba 'yan para bumalik tayo sa dati?"
Alam kong ginusto kong marinig mula sa mga bibig niya 'yon ngunit kailangan kong manigurado kung totoo ngang naguluhan lang siya at hindi niya lang sinasabing wala siyang gusto sa akin kahit mayroon para lang makabalik kami sa dati. Nakakailang isipin 'yon kung ganoon... Pero may parte sa aking kahit malaman kong kasinungalingan 'yon, papaniwalaan ko na lang din para lang sa friendship naming dalawa.
"Hindi." Umayos siya ng tayo at bumuntong-hininga. "May... gusto akong iba. Hindi pala ikaw 'yon. Nasanay lang pala ako sa presensya mo kaya nalito ako," seryosong sabi niya.
Napangiti ako roon at hinawakan ang pisngi niya gamit ang isa kong kamay. Matagal akong napatitig sa mukha niya at tumingin siya sa akin pabalik. Kung nagsisinungaling siya, hindi niya makakayanang tignan ako nang ganito kaya naniwala na lang ako.
"Okay! Sinong gusto mo? Si Naya?" Nakangiting tanong ko pero hindi siya sumagot. "Hmm, ayaw mo pang aminin huh? Sige, okay lang. Tara, balik na tayo."
Umakbay ako sa kaniya kahit mas matangkad siya sa 'kin para hatakin siya pabalik doon sa may sofa ng hotel room. Nakaupo ang iba sa sahig, may bote ng alak sa may table ngunit walang umiinom. Sinarado na 'yon ni Sam at tinabi dahil baka kuhanin pa ulit ni Sevi kahit lasing na. Kami naman nina Luna ay hindi pwedeng uminom. Tumikim lang ako pero hindi ko rin nagustuhan.
Umupo ako sa sahig at sinandal ang likod ko sa sofa at umupo naman si Kino sa tabi ko. Hinubad niya ang coat niya at nilagay sa balikat ko bago tinaas ang isang tuhod at pinatong ang braso roon habang nakatulala sa sahig, nag-iisip ng kung ano.
"Ngayon ko lang 'to sasabihin, ha..." Napatingin kaming lahat kay Sevi na nakaupo sa sofa at nakasandal ang ulo. Nakatingala siya ngayon kaya kita ang Adam's apple niya lalo na noong napalunok siya, mukhang nahihirapan sa sasabihin. "Iniwan na kami ni Papa noong nakapasa ako ng USTET kaya hindi ako nakapag-celebrate."
Nagkatinginan sina Yanna bigla, gulat sa biglaang pag-oopen ni Sevi. Ako ay alam ko na 'yon dahil nabalitaan ko kay Papa. Nang tignan ko si Arkin at Luna ay walang bakas ng gulat sa kanila. Mukhang alam na rin pala nilang dalawa. Sinabi siguro ni Sevi.
"Gago, pwede pala 'yon, 'no? 'Yong ma-realize n'yong dalawang hindi pala kayo bagay sa isa't isa kahit may mga anak na kayo? Anong shit 'yon?" Lasing na sabi ni Sevi at natawa pa nang sarkastiko.
"I'm so sorry, Sev..." Hindi alam ni Samantha ang sasabihin niya. "Well... Since we're here already, if you guys want to open up, just talk. We're going to listen..."
"Wala na 'kong sasabihin. Hindi naman ako galit sa Papa ko. Hindi rin galit si Mama... Naaawa lang ako sa mga kapatid ko, lalo na kay Sofia." Napabuntong-hininga si Sevi. "Bukod doon, wala naman na 'kong problema. Ayos naman ako sa school, pati sa basketball team. Si Yanna, mukhang maraming gustong sabihin. Nakita ulit kita sa bilyaran noong isang araw, nakikipag-away." Napailing si Sevi at tinakip ang braso sa mga mata para hindi masilaw sa ilaw ng living room.
Napaawang ang labi ni Yanna at sinamaan ng tingin si Sevi pero nawala rin nang makitang nakatingin na kami sa kaniya. Napangiti siya at niyakap ang dalawang tuhod saka sinandal ang ulo roon, nakatingin sa gilid niya para makaiwas sa amin.
BINABASA MO ANG
Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)
RomanceUNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from UP Film were inseparable, not until Larkin's fame grew over time, and they suddenly found themselves taking different roads at the same time.