"Bakit mo ginawa 'yun? Paano kung nahuli ka ng teacher, ha?"
Kanina ko pa pinapagalitan si Arkin habang naglalakad kami pauwi matapos i-announce ang bagong officers sa Student Council. Nanalo si Acel as President, si Sevi as Vice, si Sam as 3rd year representative, si Luna sa 2nd year, at ang iba ay hindi ko na kilala dahil hindi naman ako interesadong kilalanin sila.
"Anong gusto mong gawin ko? Sinaktan ka niya, e! E 'di sinaktan ko pabalik!" Pagrarason naman ni Arkin.
Napailing na lang ako at tumingin sa kamao niyang tinatago niya sa bulsa. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at hinatak 'yon para pilit malabas ang kamay niya. Napahinto siya sa paglalakad at napatingin sa 'kin, nagtataka.
Hinawakan ko ang daliri niya at saka hinatak kaya napasigaw siya. Agad niyang binawi ang kamay niya at hinimas ang kamao, masama ang tingin sa 'kin. Tinitigan ko rin siya pabalik. Medyo napuruhan iyong isa niyang daliri dahil sa pagkakasuntok niya pero hindi niya sinabi sa akin.
"Ite-tape ko na lang daliri ko mamaya. Aayos din 'yan," sabi niya at naglakad na ulit.
Napairap ako at sumunod sa kaniya para sabay ulit kaming maglakad. Pati ang palapulsuhan niya ay kanina niya pa minamasahe. Ngayon lang kasi siya sumuntok nang ganoon at sobrang lakas pa. Napwersa ata ang kamay at palapulsuhan.
"Pasalamat ka at pinalagpas kayo ni Pres. Huwag mo nang uulitin 'yan sa susunod dahil baka ma-suspend ka o kaya ma-expel," sabi ko ulit. Tinignan niya lang ako saglit bago umismid na parang ako pa ang may kasalanan kahit kalagayan niya lang naman ang iniisip ko!
"Gusto mong wala akong gawin habang hawak ka ng hayop na 'yon sa kwelyo?" Sarkastiko siyang tumawa at inis na sinipa ang maliit na bato sa harapan. "Huwag lang talaga siyang magpapakita sa 'kin sa school! Niloko niya pa si Luna! Ang inosente pa naman noon!"
Hinatid niya na 'ko hanggang bahay pero tinawagan na siya ng Mama niya kaya hindi na siya naki-dinner sa amin. Pagkauwi ko, naroon na si Mira at Ysha, naglalaro at naka-uniform pa pareho. Si Aidan ay nakahiga sa sofa at natutulog. Kinabahan kaagad ako dahil nagtatakbuhan sila Mira. Baka maapakan si Aidan.
"Mira! Ysha! Tigilan n'yo nga muna 'yan!" Pag-saway ko. Napatigil kaagad sila sa kakatakbo at hingal na hingal na pumunta sa kusina para uminom ng tubig. Binaba ko muna ang bag ko sa gilid bago kinuha ang bags nilang dalawa. Iche-check ko kung may assignment sila para bukas. Ang sabi ko ay ilista nila palagi para matulungan ko.
"Ate, gutom na po ako!" Sabi ni Mira pagkabalik. Napatingin ako sa suot niyang uniform. Ang dugyot na niyang tignan. Ang lagkit ng balat dahil sa pawis at gulo-gulo na rin ang buhok. Ganoon din lalo si Ysha. "Ah, may assignment nga pala ako!"
"Maligo na nga muna kayo tapos bumaba kayo kaagad dito para gumawa ng assignment," utos ko.
"Ate, may sugat ka," turo ni Ysha sa siko ko.
Tinignan ko na lang 'yon at umiling para sabihing wala lang 'yon. Nag-unahan pa sila sa banyo para maligo habang ako ay dumiretso kaagad ng kusina para maghanap ng maluluto dahil wala pa si Papa. Nilabas ko ang baboy at nilagay muna 'yon sa lababo para mawala ang yelo bago umakyat sa kwarto ko para ibaba ang gamit ko. Nakaupo lang si Mira sa tapat ng pintuan ng banyo para hintayin si Ysha matapos maligo.
BINABASA MO ANG
Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)
RomanceUNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from UP Film were inseparable, not until Larkin's fame grew over time, and they suddenly found themselves taking different roads at the same time.