"'Yan 'yong kabit ni Arkin..."
Tuwing naglalakad ako ay palagi na akong nakasuot ng facemask o kaya naman hoodie para lang hindi ako pagtinginan ng mga tao. May parte na sa aking natatakot lumabas. Hindi lang galit ang nararamdaman ko sa spotlight dahil sa Mama ko, takot na rin ngayon dahil kay Arkin. Hindi ko naman siya masisisi... Hindi ko siya kayang sisihin. Wala akong masisi kung hindi ang maruming industriya. Sila naman ang dahilan kung bakit kailangan naming magpanggap na hindi kami magkakilala.
Na para bang hindi kami naging magkasama simula bata. Na para bang wala lang lahat ng ginagawa namin para sa isa't isa. Na para bang... walang halaga lahat ng pinagsamahan namin. Kailangan ba ganito? Iniisip ko tuloy, kung hindi ba ako pumayag na maging loveteam sila ni Clea, kakailanganin pa ba niya akong itago sa karamihan? Malaya sana kami... Dahil wala naman siyang kailangang panghawakan.
Siguro tatlong araw na noong huli ko siyang nakita dahil mainit ang mga mata sa kaniya. Hindi sigurado kung may sumusunod ba sa kaniya o wala. Dumagdag pa itong bullying issue niya noong high school. Gusto ko siyang protektahan. Gusto ko siyang ipagtanggol pero alam kong makakasama lang lalo sa kaniya iyon dahil ako ang magsasalita para sa kaniya.
"Oo, shota niya 'yon, si Via! Isang beses nagkasagutan kami noon, binugbog ba naman ako ni Larkin sa likod ng school? Napakabayolente ng lalaking 'yan. Hindi na ako magtataka kung pati si Via sinasaktan niya nang pisikal," pagbasa ni Luna sa comment ng ex niya. "Bobo ka, puta ka!" inis na sabi niya.
"Buhay pa pala 'yan," sabi naman ni Kierra habang kumakain kami sa may Dapitan. Ang init-init kaya naka-cap na lang ako. Kapag naglalakad ako ay hindi na rin ako tumitingin masyado sa mga tao, dahil pakiramdam ko ay hinuhusgahan nila ako. "Sana ayos lang si Larkin ngayon."
Hindi ako sumagot sa sinabi niya at sinabing mauuna na muna ako pabalik sa room dahil may kailangan pa pala akong ipasa sa prof ko. Habang nasa labas ng faculty ay nakasalubong ko pa si Dan.
"Via." Hinawakan niya ang braso ko kaya napahinto ako. "Pwede ka bang makausap?" seryosong tanong niya kaya naman pumayag ako kaagad.
Pinasa ko muna sa prof ko ang gawa ko bago ako lumabas at nakitang hinihintay ako ni Dan sa may bench. Tumayo siya kaagad at sinabing pumunta muna kami sa may hagdan. Walang tao dahil nagkaklase pa ang iba kaya naman umupo na lang kami sa gilid. Nagtataka na tuloy ako kung ano ang gusto niyang pag-usapan.
"Okay ka lang ba?" unang tanong niya habang nakatingin sa harapan. Hindi ako nagsalita dahil hindi naman ako okay. Bakit ako magsisinungaling? Hindi ako okay sa lahat ng nangyayari ngayon, lalo na't tingin sa akin ng lahat ng tao ay naninira ng relasyon. "Sorry sa mga pictures na 'yon, Via..."
"Anong pictures?" Kumunot ang noo ko. "At bakit ka nagso-sorry?"
Napasabunot siya sa ulo niya bago bumuntong-hininga. "Nakita ko na pictures n'yo sa Rizal. Pinakita sa akin ng Kuya ko. Ang sabi niya big news daw 'yon at makakakuha raw siya ng malaking pera galing sa management ni Larkin kapag pinakita niya 'yon... Matagal na raw kasi siyang nakakaramdam na may kakaiba sa ArClea kaya niya sinundan si Arkin."
Napaawang ang labi ko at napalingon sa kaniya, hindi alam ang sasabihin. Gusto kong magalit. Gusto kong hampasin si Dan para ibunto ang galit ko sa Kuya niya pero wala namang mangyayari kahit gawin ko 'yon. Nasaktan lang din ako dahil akala ko ay magkaibigan kami... Bakit hindi niya man lang pinaalam sa akin? Iyon ba ang sinasabi niya dati?
BINABASA MO ANG
Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)
RomanceUNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from UP Film were inseparable, not until Larkin's fame grew over time, and they suddenly found themselves taking different roads at the same time.