"Ang sakit na ng kamay ko, ah!"
Ngumuso si Kino at umupo roon sa taas ng table para ilagay ang gitara niya sa loob ng case. Narito kami sa loob ng Music room para kuhanin ang mga gamit niya. Kakatapos lang ng program kaya pwede na kaming umuwi. Nagpaalam ako kay Papa at pinayagan naman niya 'kong matulog sa bahay nila Kino ngayong gabi. Ang sabi niya ay maganda raw na makapag-relax naman ako, hindi 'yung puro ako asikaso sa mga kapatid ko.
Gamit ang puting athletic tape ata 'yon ay nilagyan niya na naman isa-isa ang mga daliri niyang namumula na kaka-gitara roon sa stage. Naka-ilang kanta rin sila, ah. Panigurado ay napagod na rin siya kaka-tugtog, lalo na't hindi naman siya sanay na ganoon katagal nagpe-perform sa stage.
Kinuha ko 'yung monoblock sa gilid at umupo roon. Hindi na nag-abala pa si Kino buksan ang ilaw kaya 'yung ilaw na lang sa hallway ang nagsisilbing liwanag sa loob ng Music room. Pagkatapos niyang ayusin ang gitara ay sinukbit na niya sa balikat niya 'yon at naglakad palapit sa akin. Huminto siya sa tapat ko at marahang ginulo ang buhok ko saka ngumiti.
"Anong iniisip mo?" Tanong niya kaagad kahit wala akong sinasabi at halos hindi naman niya makita ang itsura ng mukha ko.
"Marami," sabi ko naman. Marami akong iniisip. Ang kolehiyo, unibersidad na papasukan ko, mga kapatid ko, at 'yung pagkaka-'crush' ko raw sabi ni Luna! Dumagdag pa talaga 'yun sa pinoproblema ko ngayon. Sana ay hindi ko na lang narinig 'yon. "Marami kaya huwag na."
"Anong huwag na? Tara, sabihin mo lahat sa 'kin habang pauwi tayo." Kinuha niya ang bag ko at sinukbit sa kabila niyang balikat bago lumabas ng room.
Tumayo ako at sumunod na lang sa kaniya, pero pagkalabas namin ay bumungad naman ang mga Student Council officers na nagliligpit ng mga ginamit na table at upuan sa program kanina. Nang magtama ulit ang tingin namin ni Pres ay agad akong umiwas at tumalikod. Hindi ko alam kung bakit, pero iyon ang unang naging reaksyon ko. Nagulat siguro siya dahil biglaan kong ginawa.
"Ito 'yung susi ng storage room. Paki-lagay na lang doon, and please don't leave it open," sabi ni Pres kila Sevi. Agad namang nag-buhat ang mga ito ng tables kasama ang ibang officers. Sila Luna ay abala sa pagtutupi ng mga table cloth. Ang ibang club officers ay naroon din para i-ligpit ang food stalls. Ito na pala ang last day ng Foundation Day. Babalik na naman pala ako sa training next week.
"Uuwi na kayo?" Tanong ni Luna nang makita kami ni Kino. Tumagal ang titig niya sa 'kin bago nilipat ang tingin kay Pres. "Pres, si Via, oh." Tinakpan niya pa ang bibig niya para pigilan ang tawa niya.
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya, lalo na noong lumingon pa sa akin si Pres na nagtataka rin kung anong mayroon. Pilit na lang akong ngumiti.
"Una na ho kami, Pres," sabi ko na lang para hindi siya mailang. Hindi pa siya nakakasagot ay hinatak ko na kaagad si Kino paalis para makatakas sa sitwasyong 'yon. Putek... Ano ba 'yon?! Bakit ako 'yung naiilang bigla?!
"Anong mayroon?" Nagtatakang tanong ni Kino dahil bigla ko na lang siyang hinatak. Hinimas pa niya ang braso niya dahil mahigpit ang hawak ko roon. "Excited ka na bang umuwi?"
BINABASA MO ANG
Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)
RomanceUNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from UP Film were inseparable, not until Larkin's fame grew over time, and they suddenly found themselves taking different roads at the same time.