"Hala, lagot, hinahanap na tayo ni Pres! Asikasuhin na raw natin 'yung mga food stalls!"
Kumakain kami sa bukas na café booth sa school nang biglang napatayo si Sevi nang mabasa ang text sa kaniya ni Pres. Nag-panic kaagad si Luna at Sam kaya binilisan ang pag-kain para makabalik na sa trabaho. Pagkatapos kasi sa horror booth ay nag-aya silang kumain dito. Ngayong last day ay magtatayo naman ng mga food stalls ang clubs para may ma-kain ang mga bisita habang concert. Open gate kasi mamayang 3 PM kaya ibig sabihin, makakapasok ang mga outsiders para makanood din ng concert.
Malaki naman ang school kaya paniguradong magkakasya. Last year, noong Foundation Day, ay marami ring pumunta. Halos lahat ay galing sa mga katabing school, Heinrich at Lopez. Hindi naman ako nanatili nang matagal sa concert at umuwi kaagad ako nang maaga pagkatapos mag-perform ni Kino. Hinihintay kasi ako ng mga kapatid ko.
Ngayon, pwede akong gabihin dahil uuwi naman daw si Papa nang maaga. Wala na kasi siyang part-time job dahil nakuha niya raw ang bagong trabaho sa isang malaking construction company. Malaki na raw ang bayad doon at mabait pa raw ang engineer nila sa bagong project na ginagawa nila ngayon.
"Dalian n'yo! Ako malalagot! Kapag pinagalitan tayo ni Pres, sasabihin ko si Luna ang may pakana!" Kabadong kabado naman itong si Sevi dahil hindi pa rin tapos kainin ni Luna ang isang slice ng cake na in-order niya.
"Shaglet larng!" Punong puno pa ang bibig ni Luna at nakatayo pa habang sinusubukang pagkasyahin ang cake sa bibig. Nagsuot na rin siya ng bag habang ngumunguya para ready na silang umalis.
"It's fine. Eat slowly. Baka mabulunan ka." Tinapik ni Sam ang likod ni Luna, puno ng pag-aalala ang mga mata. Para na kasi itong hindi makahinga sa dami ng laman ng bibig. "Chevy won't get mad..."
"Si Pres!" Siguro dahil sa reflexes ni Sevi ay bigla na lang siyang umupo sa sahig at tinago ang sarili sa pamamagitan ng pag-takip sa gilid ng mukha niya gamit ang dalawang palapulsuhan. Pumasok kasi bigla si Pres sa café at mukhang may hinahanap.
Nang makita kami ni Pres ay naglakad siya palapit at huminto sa tapat ni Sevi, nakahalukipkip na ngayon. Mas binilisan ni Luna ang pag-nguya sa cake at inalok pa nga si Pres kahit kapiranggot na lang ang natitira. Tahimik lang naman na kumakain si Yanna, Kierra, at Kino sa table, walang pakialam sa tatlo.
"Pres, hindi ako 'to, ah!" Sabi ni Sevi, nakaupo pa rin sa sahig at kabado.
"Oo, hindi ikaw 'yan." Umiling lang si Pres at hinawakan ang likod ng shirt ni Sevi para hatakin siya patayo. "Tara na. Tapos na ang break time. Bumalik na kayo sa trabaho n'yo."
"Yesh, Presh!" Sumaludo pa si Luna habang ngumunguya. Hinatak na ni Pres si Sevi paalis kaya agad namang sumunod si Sam at si Luna sa kanila.
Naiwan tuloy ako sa tatlong natira sa table. Nang tignan ko si Kino ay abala siyang naghihiwa ng in-order niyang slice din ng cake. Akala ko kung para saan pero bigla niyang tinulak ang plato papunta sa harapan ko at inosenteng ngumiti sa 'kin nang taasan ko siya ng kilay.
"Hati tayo," pagpapaliwanag niya.
BINABASA MO ANG
Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)
RomanceUNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from UP Film were inseparable, not until Larkin's fame grew over time, and they suddenly found themselves taking different roads at the same time.