34

1.5M 55.6K 169K
                                    


Click the video above for Larkin's new song: Ako at Ikaw, Diba? 


"Happy graduation to us!" 


Lahat kami ay niyakap ni Luna pagkatapos namin manguha ng litrato sa labas ng Arch of the Centuries. Inayos ko ang toga ko habang mahigpit pa rin ang yakap niya sa amin ni Kierra. Pakiramdam ko ay naiiyak na siya. Sino ba naman ang hindi? Limang taon kaming magkakasama sa unibersidad na 'to.


Limang taon kaming naghihirap mag-aral para lang makapasa. Limang taon kaming nagpupuyat, makatapos lang ng plates. Limang taon kaming nagtitiis para makamit ang diploma namin. Ito na nga... Sa wakas, nakapagtapos na ako ng pag-aaral ko.


Lumingon ako kay Papa na nakatingin sa amin at nakangiti. Napakalas ako sa yakap nang makita kong naluluha na siya. Naglakad kaagad ako palapit sa kaniya at mahigpit siyang niyakap. 


"Graduate na ako, Pa," mahinang sabi ko sa kaniya. Naramdaman kong pinipigilan niya ang iyak niya nang yakapin niya ako pabalik at tinapik-tapik ang balikat ko.


"Nakapagtapos na ang panganay ko," nanginginig ang boses niya. "Salamat, anak..." 


"Pa, ano ba..." Humiwalay ako sa kaniya at ngumiti, sabay hawak sa balikat niya. "Wala 'yon. Lahat ng 'to, dahil sa 'yo... sa inyo nina Mira."


"Pero maraming naging kapalit." Ngumiti siya nang tipid sa akin. "Gusto ko lang malaman mo, anak, proud na proud ang Papa sa 'yo... sa lahat ng ginagawa mo." 


Napatitig ako nang matagal sa kaniya bago ako ngumiti at tumango. Nagpaalam na ako kina Luna para makapag-celebrate na kami nina Papa sa bahay. 


"Pwede ba tayong dumaan muna sa sementeryo?" tanong bigla ni Papa sa akin. Hindi ako nagsalita at tumango na lang. Hindi pa rin pala niya alam na nagpunta ako roon isang beses. 


Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko nang makarating na kami roon at naglapag na si Papa ng bulaklak sa tapat ng puntod ni Mama. Nakatayo lang ako sa hindi kalayuan at pinapanood siyang makipag-usap. 


"Graduate na ang anak natin..." balita ni Papa. "Sayang at hindi mo nasaksihan." 


Hindi lang naman iyon ang hindi niya nasaksihan. Hindi niya rin nakita kung paano ako lumaki. Hindi niya nakita kung paano ko kuhanin lahat ng responsibilidad sa bahay. Hindi niya nakita kung paano ko pinalaki ang mga kapatid ko, kung paano ko alagaan si Papa, kung paano ko pinapanatiling maayos ang lahat sa bahay namin. 


Hindi niya nasaksihan kung paano ako umiyak, tumawa, nasaktan, natuwa, at kung paano ko dinadala ngayon ang takot na naramdaman niya rin noon. Ngunit ang pagkakaiba lang namin ay takot siya sa dilim. Ako ay takot sa liwanag niya. 


Liwanag nila. 


Ni hindi na ako makatingin sa mga mata ng ibang tao ngayon dahil pakiramdam ko hinuhusgahan nila ako. Noong naghiwalay kami ni Larkin, mas nanaig sa akin ang takot. I just... lost my safety net. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon