"Anong problema n'yong dalawa? Magkaaway na naman ba kayo?"
Napatingin ako kay Dan na kanina pa nagtataka kung bakit nilalayuan ko si Arkin kahit magkakasama kami ngayon sa bahay ni Clea para tingnan ang progress ng bahay. Ang bilis nga at malapit na siyang matapos. Iyong interior na lang talaga ang aayusin at pwede nang malagyan ng gamit. Malaki rin kasi ang binabayad ni Clea rito kaya marami ring construction workers ang gumagawa. Napapabilis noon ang proseso namin.
Hindi ako makatingin kay Arkin ngayon dahil tuwing nakikita ko siya ay naaalala ko ang nangyari sa amin sa dressing room noong isang araw. Hindi na 'yon nawala sa utak ko! Hindi ko na rin matingnan si Clea na abala sa pagpili ng gusto niyang design ng interior dahil ang bed scene nila ang dahilan kung bakit kami napunta sa ganoon!
Hindi naman dapat nandito si Arkin pero dinalhan niya ako ng pagkain dahil hindi pa ako naglu-lunch. Galing kasi akong Bulacan at dumeretso ako rito kasama si Dan. Sumabay lang siya pabalik dahil iniwan niya ang sasakyan niya sa may kumpanya.
"Hindi kami magkaaway," simpleng sabi ko kay Dan habang may inaayos sa laptop ko. Kung ano-ano na lang ang ginagawa ko habang pumipili si Clea dahil ayaw kong pansinin si Arkin.
Kinuha ko ang panukat at tumayo para sukatin ang mga cabinet na balak naming ilagay. Tumungtong ako sa may foldable metal stairs at nilagay ang lapis sa may tainga ko habang nagsusukat. Ramdam ko ang titig ni Arkin sa likod ko kaya kinakabahan pa ako! Nakakalimutan ko nga ang mga sukat!
Hinawakan din ni Dan ang hagdan para hindi ako mahulog. Nang mapansin niyang natatagalan ako, nagprisinta siyang siya na lang ang magsusukat pero umiling ako. Kapag ginawa niya 'yon, paano na ako magiging busy?! Kailangan ko maging busy para hindi ako kausapin ni Arkin!
"Via, kumain ka muna." Muntik na akong mahulog sa hagdan nang marinig ko ang boses ni Arkin. Natataranta akong lumingon sa kaniya habang nakaupo siya roon sa may kitchen island.
"M-mamaya na!" Umiwas kaagad ako at pinagpatuloy ang pagsusukat. "Clea, okay ba sa 'yo ang hanggang dito?" Iniba ko na kaagad ang topic.
Bumaba na ako ng hagdan pagkatapos ni Clea magsabi at nag-usap na rin kami kung kailan pwedeng matapos. Ang sabi ko, tutulong lang ako sa interior pero iyong partner ko na ang bahala roon. Magiging maayos naman 'yon dahil alam ko na ang mga gagamiting materials at naayos na rin ang cut ng bahay.
"Tapos ka na?" Nakapahalumbaba si Arkin at bored na bored akong tiningnan. "Kumain ka na." Mahina niyang tinulak papunta sa akin iyong dala niyang takeout. Gutom na ako kaya wala akong choice kung hindi umupo sa harapan niya para kumain.
"How was the shoot the other day?" tanong ni Clea kay Arkin.
"It was good," sagot naman ni Arkin at tumingin sa akin. "The dressing room was so nice."
Muntik ko nang mabuga ang kinakain ko! Naubo kaagad ako at inabot ang inumin para malunok ko nang maayos ang pagkain. Nangati ang lalamunan ko roon! Hindi ko alam kung ano ang reaksyon ko! Mahahalata kapag masyado akong nagpakita ng reaksyon kaya nanahimik na lang ako!
BINABASA MO ANG
Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)
RomanceUNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from UP Film were inseparable, not until Larkin's fame grew over time, and they suddenly found themselves taking different roads at the same time.