36

1.6M 52.3K 178K
                                    


"Anak... May pinagdadaanan si Via ngayon. Huwag mo siyang iiwan, ha... Manatili ka sa tabi niya hangga't maaari." 


Iyong mga salita ni Mama ang nanatili sa akin simula noon. Sa katotohanan, nakatatak na sa utak kong kailangan ako ni Via dahil kung walang mag-aalaga sa kaniya, bakit hinding ako na lang? 


Nangako ako sa sarili kong sasamahan ko siya at hindi ko siya iiwan kahit anong mangyari. Mananatili ako sa tabi niya dahil alam kong kailangan niya ng kasama. Palagi siyang mag-isa. Kung wala ako, wala siyang ibang papapasukin sa buhay niya. 


"Via..." Hinawakan ko ang mukha niya pagkahinto ko sa tapat niya. Bumaba ako ng isang palapag sa hagdan para makita ko siya nang maayos. Nakatakip siya sa mga tainga niya gamit ang dalawa niyang kamay at nanginginig. 


Nang marinig niya ang boses ko ay inangat niya ang tingin. Parang may kumirot sa puso ko nang makita ko siyang umiiyak nang ganoon. Kumikinang ang luha sa mga mata niya, halatang gustong magsalita pero hindi alam ang sasabihin. 


"Arkin..." Nanginig ang boses niya. Nang marinig ko 'yon, parang gusto ko nang i-alay lahat sa kaniya. Ang buong buhay ko, gusto ko nariyan ako sa tabi niya. Hindi ko siya kayang makitang malungkot. 


Masaya ang pamilya ko, marami akong kaibigan, at wala akong problema sa buhay... pero bata pa lang ako, natuto na akong masaktan... dahil halos araw-araw kong nakikitang nahihirapan si Via.


Hindi ko na matandaan kung kailan ba nagsimula ang buhay kong kasama si Via. Basta, sa pinakamaaga kong memorya, alam kong naroon na siya. Magkasama na kami bilang magkaibigan. Noong bata ako, akala ko normal lang lahat ng 'yon... na normal lang lahat ng nararamdaman ko. 


"Umiyak ka na ba?" tanong ko kay Via habang nakaupo kaming dalawa sa may maliit na hagdanan sa tapat ng doorstep nila. Kagagaling lang namin sa libing ng Mama niya. 


Hindi siya nagsalita at tumingala lang, suot ang salamin. Tumingin din ako sa taas dahil gusto kong makita ang tinitignan niya pero itim na langit lang iyon. Ni wala man lang bituin. 


"Malungkot ka ba?" tanong ko ulit sa kaniya. "Anong nararamdaman mo ngayon?" Bilang bata, marami pa rin akong tanong sa utak ko. Hindi ko kasi maintindihan kung paano niya nakakayanan ang hindi umiyak pagkatapos ng libing ng Mama niya. Kung ako 'yon, baka magkulong na ako sa kwarto ko. 


"Si Aidan pala... Baka umiiyak na 'yon. Nagigising 'yon nang ganitong oras..." Tumayo siya bigla at papasok na sana pero hinatak ko ulit ang kamay niya at pinaupo.


"Naroon ang Papa mo, Via. Hindi mo 'yan kailangan gawin ngayon," pagpapaalala ko sa kaniya. Natahimik siya at umupo ulit. Ang bata-bata pa namin... pero iyon na ang inaalala niya. Iyon na ang naging parte ng buhay niya... ng childhood niya. "Ano? Malungkot ka ba?" 


Hindi ulit siya sumagot pero humawak siya sa dibdib niya. "Kumikirot 'to..." inosenteng sabi niya. 


Napaawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. Dinadama niya ang tibok ng puso niya habang nakatingin sa langit, at bigla na lang may tumulong luha mula sa mga mata niya nang hindi niya napapansin. Ni hindi man lang nagbago ang mukha niya.

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon