01

2.3M 79.1K 281K
                                    


"Via! Anak, gising na! May pasok ka ngayon!" 


Rinig na rinig ko ang sigaw ni Papa sa baba pero sa totoo lang, hindi naman na niya 'ko kailangan gisingin dahil kanina pa 'ko bumangon para magluto ng breakfast ng mga kapatid ko, pati ang baon nila. Umakyat lang ulit ako para maligo at mag-suot ng uniform. Isang kulay gray na palda na hindi lumalagpas sa tuhod, white na knee socks, at white blouse na naka-tuck in sa palda. May kasama pa iyong grey na necktie at I.D lace. Sa necktie ay may nakalagay na 1st year H.S. 


Iyon ang uniform ng Valeria High School. Hindi ko naman talaga gustong doon pumasok pero nakatanggap ng discount si Papa roon sa kaibigan niya tungkol sa tuition fee. Ang sabi nila, naiiba raw ang school na 'yon sa ibang high school dito sa Manila. Para sa 'kin, pare-pareho lang naman 'yon. Basta makapag-aral ay okay na. 


Kinuha ko ang puti kong bag at sinabit sa balikat ko bago ako bumaba. Pagkapasok ko sa kusina ay nag-aaway na naman ang dalawa kong nakababatang kapatid na babae sa pink na lunchbox na hinanda ko kanina. 


"Ate, oh! Si Alysha, inaagawan ako! 'Di ba akin 'to?!" Inagaw ni Almira 'yung pink na lunch box. 


"Pareho lang ang laman niyan. Huwag n'yong pag-awayan," seryosong sabi ko habang kumukuha ng tubig para lagyan ang water jug nilang dalawa. "Ang tanda mo na, Mira, nakikipag-agawan ka pa sa kapatid mo." 


8 years old na si Mira at 5 years old naman si Ysha. Pareho na silang nag-aaral sa malapit na school dito sa bahay pero elementary si Mira at kinder pa lang si Ysha. Kakamatay lang ng nanay ko sa sakit last year kaya ako na ang tumatayong ina sa mga kapatid ko bilang panganay o pinakamatanda sa kanilang lahat. 


"Anak, late na 'ko! Ipapabantay ko na sa kapitbahay 'tong si Aidan, ah!" Bumaba ulit si Papa, buhat-buhat ang bunso kong kapatid na lalaki. 2 years old pa lang siya. 


Walang maiiwan sa bahay kaya kapag wala kami, pinapabantayan na lang si Aidan sa kaibigan ni Papa. May pasok kasi siya sa construction kaya lahat kami ay wala tuwing may pasok. Hindi ko naman pwedeng dalhin si Aidan sa school dahil hindi ako makakapag-aral nang maayos. 


"Pa, 'yung baon mo!" Sigaw ko bago siya lumabas ng bahay. Tumakbo pa 'ko para i-abot 'yon sa kaniya bago siya umalis. Isasara ko na sana 'yung pinto nang biglang may lumitaw na lalaki sa tapat ng bahay, tumatakbo pa. Huminto lang para mag-mano kay Papa bago kumaway sa 'kin. 


"Hoy, Via! Aga-aga, nakabusangot mukha mo! Dalian mo! Late na tayo!" Sigaw ni Arkin. Nambubulabog pa ng kapitbahay. Nakakahiya. 


Si Arkin o Kino, best friend ko. Magkaibigan na kami simula pa lang noong pinanganak kaming dalawa dahil magkaibigan ang nanay namin, pati ang tatay. Sobrang dikit ng pamilya naming dalawa kaya naging close na rin kami. Hindi ako pala-kaibigan dahil iniisip kong hindi ko naman kailangan. Masyado na 'kong maraming pinagkakaabalahan at sa tingin ko kasi ay dagdag lang sa drama sa buhay ang magkaroon ng kaibigan. Ang sabi nila, marami raw plastikan at gulo sa highschool kaya mas gusto ko na lang mag-isa... Pero dumating 'tong kumag na 'to, e. 


"Mira! Ysha, halika na! Ihahatid na namin kayo!" Sigaw ko sa labas. Nagsitakbuhan naman ang mga kapatid ko palabas ng bahay bago ko sinara ang pinto. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon