21

1.2M 51.4K 167K
                                    


"Via, kumalma ka muna... Via... Hinga..." 


Hinawakan ni Arkin ang dalawang braso ko at marahan akong hinatak palapit sa kaniya bago niya hinawakan ang mukha ko gamit ang dalawa niyang kamay. Puno ng pag-iingat ang mga mata niya habang dahan-dahang pinupunasan ang luha ko at tinuturuan akong huminga nang malalim. 


"Shush... Shush... It's okay... Hindi kita iiwan..." Paulit-ulit na bulong niya habang pinapakalma niya ako. Hinawakan niya ang dalawang palapulsuhan ko at binaba ang mga kamay kong nakatakip sa tainga ko bago ako niyakap. "I'm sorry... Shush..." 


Halos hindi na ako makahinga kakahikbi ko. "Magbabago ka rin... Mawawalan ka ng pakialam sa 'kin... at iiwan mo 'ko katulad ng ginawa niya sa 'kin." Hindi ko na alam kung naintindihan niya ang sinabi ko pero humigpit ang yakap niya sa akin. 


"Hindi..." Hinaplos niya ulit ang buhok ko. "Kahit kailan, hindi ako mawawala sa tabi mo. I'm sorry kung hindi ko sinabi sa 'yo. Natakot lang ako na baka bumalik 'yong sakit na naramdaman mo noon kaya... Hindi ko masabi sa 'yo. Sorry, Via." 


Kumalas ako sa yakap niya at pinunasan ang mga luha ko bago ako humakbang patalikod para malayo sa kaniya. Matagal ko siyang tinitigan ngunit unti-unti na ulit siyang naging blur sa paningin ko nang nagbadya na naman ang mga luha sa mga mata ko. 


"Hindi mo alam kung ilang beses kong hiniling na sana narito pa rin si Mama para alagaan ako... Iniisip ko kung narito pa rin ba siya, magkakaroon ako ng normal na buhay katulad n'yo? Na hindi ko kailangang isiping responsibilidad ko ang mga kapatid ko... Kahit ganoon niya 'ko tinuring noon... At iniisip ko kung hindi lang siya pumasok sa industriyang 'yan, sana narito pa rin siya ngayon." Tuloy-tuloy lang ang luha ko. 


"Via... Alam ko-" 


"She died!" Sigaw ko sa kaniya kaya tinikom niya ulit ang bibig niya. "Alam niyang may problema na siya sa kidney niya kakainom niya ng gamot pero... Bakit ganoon? Wala siyang pakialam? Gusto ba talaga niyang mamatay noon? Bakit? Ayaw na ba niya sa akin? Sa amin?" Humina ang boses ko kasabay ng paghawak ko sa dibdib ko. "Wala ba siyang pakialam kahit kay Aidan man lang na sobrang bata pa noon? Hindi ba niya 'ko mahal? Bakit ang dali sa kaniyang iwan sa akin lahat? Bakit ang dali sa inyo?" 


"Hindi naman siguro sa ganoon. Mabait naman ang Mama mo, Via... Alam kong mahal-" 


"Hindi mo alam ang naramdaman ko noong mga panahong imbis na nakikipaglaro ako sa labas ay kalong ko ang kapatid kong umiiyak habang si Mama ay walang ginawa kung hindi atupagin ang musika na 'yan! Ano ba 'yan?! Ganoon ba kahalaga para sa inyo 'yan?! Putang inang atensyon 'yan! Hindi ba kayo mabubuhay kung wala 'yan?! Bakit n'yo ba kasi gustong..." Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang bumigat ulit ang mga iyak ko at lumakas ang hikbi ko. Napatakip ako sa mukha ko at napaupo sa sahig, umiiyak. 


"Kailangan kong gawin 'to, Via. Intindihin mo naman ako..." Lumapit si Kino sa akin at pilit akong hinahatak patayo. 


"Kino, bakit... Bakit mo ba gusto 'to? Alam mo ba kung... Ilang beses umuwi si Mama pagkatapos pagbabatuhin ng kung ano-ano? Kung ilang beses umiyak si Mama dahil sa mga taong kinilala lang siya noong nasa taas siya ngunit tinapak-tapakan na lang noong nasa baba na? Masakit para sa 'kin makita siyang ganoon... Kino, hindi ko kakayanin kung mangyari rin sa 'yo 'yon kaya bakit? Bakit mo gustong ilagay ang sarili mo roon? Sa spotlight na 'yon? Hindi ba pwedeng ituon mo na lang ang atensyon mo sa pag-aaral mo?" Ang daming tanong na tumatakbo sa isip ko. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon