"Ano kayang feeling ng mayaman?"
'Yan ang palagi kong tanong sa sarili simula noong tumungtong ako ng highschool.
Minsan naiisip ko na paano kaya kung mayaman kami? Siguro palagi kaming masaya. Siguro hindi madalas pag-awayan ng pamilya ko ang tungkol sa pera.
Sana mayaman na lang kami. Sana mayaman na lang ako . . . para nabibili ko lahat ng gusto ko, para nakakapasok ako sa pinapangarap kong eskwelahan. Higit sa lahat, para hindi kami lubog sa utang.
Lagi na lang ang daming maniningil sa bahay. Minsan naaawa na rin ako sa nanay ko na minumura ng kung sino-sino kapag hindi makabayad ng utang.
Ginagawa naman ng tatay ko ang lahat para maibigay niya ang pangangailangan ng pamilya namin pero hindi sapat. Kulang at kulang pa rin.
Construction worker sa umaga ang tatay ko. Sa gabi naman, siya ay tricycle driver. Naiisip ko nga na kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral at may maganda ng trabaho, gusto ko sa bahay lang sila. Ayoko na silang makitang nagtatrabaho at nahihirapan. Gusto ko ako naman ang magbibigay ng pangangailangan nila—'yon nga lang ay may plano kami ng tatay ko kapag nakapagtapos na ako sa aking kurso at kapag naipasa ko na ang board exam.
Lagi ko ring ipinapanalangin sa Diyos na bigyan pa sila ng mahabang mahabang buhay. 'Di ko kaya na mawala sila sa akin.
Lima kaming magkakapatid at ako ang pangatlo. Puro lalaki ang aking mga kapatid habang ako ay nag-iisang babae lamang sa 'min.
'Yong panganay naming kapatid—si kuya Daniel—sa edad na labing lima ay mas pinili na lamang ang magtrabaho kaya hindi na siya nakapagtapos pa ng highschool. Construction worker siya gaya ng tatay ko. Tumutulong siya sa aming magulang para may maidagdag man lang kahit papaano sa gastusin ng aming pamilya.
'Yong isa ko namang kuya—si kuya Gab—dating nag-aaral ng Aeronautics pero tumigil na rin sa pag-aaral dahil sa kakapusan ng pera. Bukod sa walang pambiling gamit, wala ring pamasahe sa araw-araw, medyo malayo kasi ang eskwelahan niya, kaya kaysa umupa ng bahay ay nagtrabaho na lang din siya para may pampaaral sa amin ng mga natitirang kapatid ko.
'Yong kapatid ko naman na sumunod sa akin— si Paul ay third year high school na at ang bunso namin na si Andrew ay second year high school pa lamang.
Samantalang ako ay college at nag-aaral malayo sa aking pamilya. No'ng first year hanggang second year college sa kursong civil engineering, isa akong scholar. Pero pagsapit nang 3rd year, natanggal ako sa pagiging scholar.
Hindi ako gaanong matalino. Kaya lang naman ako nakapasok sa scholar no'ng una, kasi pinaghirapan, pinagsumikapan at pinagpuyatan ko talaga 'yon. Ika nga ng iba, daig ng masisipag ang matatalino.
Pakiramdam ko rin ay impyerno ang buhay ko noong tumungtong ako ng kolehiyo. Sobra pa sa sobra ang pressure ko, kasi nga isa akong scholar at hindi maaaring bumaba sa 90 ang grado ko. Tapos bawat scholar kinakailangan na maglingkod sa school pagpasok at paglabas ng paaralan.
Kaya isa ako sa tumutulong sa office namin noon bago umuwi. Minsan wala na rin talaga akong panahong mag-aral dahil kinakailangan ko ang magtrabaho sa labas ng paaralan.
Hindi madali ang kursong tinatahak ko. Gusto ko ang engineering, bukod sa malaki ang sweldo . . . isa rin ito sa pangarap ko at ng tatay ko, pero halos wala akong panahong mag-aral kasi busy ako sa pagtatrabaho para sa pang-araw-araw kong gastusin—maliban sa pagkain, kundi maging ang mga gamit sa engineering ay kailangan kong pag-ipunan—gaya ng laptop, T-square, lab manuals, at kung ano-ano pang mga proyekto sa paaralan.
Ayoko namang umasa sa magulang at mga kapatid ko, construction worker lang sila at hindi sapat ang kinikita nila para matugunan ang aking pangangailangan.
Bago umuwi ng bahay ay ginagawa ko na ang aking assignment, kasi pagkakatapos ng klase ay kinakailangan ko ang magtrabaho.
May plano rin kami sa future ng tatay at mga kapatid ko na kapag engineer na 'ko—kukuha ako ng malalaking projects tapos tulong tulong kami sa mga proyekto na 'yon—construction worker ang tatay ko maging ang kuya ko, kahit anong uri ng gusali at bahay ay kaya nila. Tapos ang galing galing pa nila gumawa ng plano—daig pa nga nila minsan ang mga engineer e!
Ayokong tumigil sa pag-aaral dahil naniniwala ako na ito lang ang tanging paraan para mapaayos ang aming buhay. Kaya pinilit ko noong makapasa sa scholarship exam subalit naging pansamantala lamang iyon.
Napabayaan ko ang aking pag-aaral ng dahil sa pagtatrabaho.
Mas marami pa akong sinubukang trabaho noong matanggalan ako ng scholarship, dahil kinakailangan ko ang kumayod at kumita ng mas malaki. Hindi na nga ako nakabili ng laptop e, napupunta na lahat sa tuition ko ang kinikita ko.
Bumagsak kasi ako roon sa isa naming major subject. At para matustusan ang pag-aaral ko, halos subukin ko na lahat ng uri ng trabaho—pati nga networking pinasok ko na e, 'yon nga lang ay hindi nagiging sapat ang kinikita ko. Wala pa sa 1/4 ng tution fee ko ang kinikita ko sa pagtatrabaho.
Isa pa kaya ako nakasali sa isang networking dahil tinulungan ako ng mentor ko rito. Siya ang namuhunan sa mga produkto na ibinenta ko kaya iyon—kahit malaki ang puhunan sa networking napasali pa rin ako.
Nahirapan ako noong una na ipaalam sa mga magulang ko ang aking sitwasyon dahil alam kong mag-aalala sila sa akin. Ayoko rin namang ihinto muna ang aking pag-aaral kasi kaunti na lang ay makakatapos na 'ko, ayokong masayang lahat ng pinaghirapan ko. Kahit sobrang nakaka-stress, kahit madalas ay lutang na ako, kahit madalas ay tatanga tanga—kailangan ko pa ring magpatuloy.
Ngunit noong hindi ko na talaga kinaya, umiyak ako nang umiyak noon sa bahay na inuupahan ko—upang ilabas lahat ng bigat na nararamdaman ko, dahil sobrang nakakapagod! Umiyak din ako sa panalangin bago 'ko nakapagdesisyon na umuwi muna sa probinsya namin.
Nagulat ang mga magulang at kapatid ko noong makita nila ako, saka ko sa kanila ipinagtapat ang lahat. Kaya naman nagtulong tulong ang mga magulang ko, maging ang dalawa kong kuya na ihanap ako ng pera para sa gastusin ko sa paaralan.
Naging mahirap ang lahat para sa amin. Mga kamag-anak namin sa side ng nanay ko ay tinanggihan kaming tulungan.
Sobrang sakit sa puso na ma-tanggihan ng mga kamag-anak mo, kahit alam mo namang may maitutulong sila sa 'yo.
'Yong lolo at lola ko, sinumpa pa ang nanay ko na hindi na raw kami makakaalis sa kahirapan. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na magtatapos ako ng pag-aaral at papatunayan kong mali sila.
Palagi nilang sinasabi na tumigil na raw ako sa pag-aaral dahil wala ring mangyayari sa buhay namin.
Nilunok na yata ng nanay ko lahat ng pride niya kasi lumapit ulit siya sa mga kapatid niya na may kaya sa buhay pero tinanggihan na namang tulungan siya. Muli rin siyang lumapit sa mga magulang niya na ang laging sinasabi ay patigilin na ako sa pag-aaral.
Bilang anak, sobrang sakit na makita ang nanay ko na nagmamakaawa, parang ang gusto ng lahat ay walang makapagtapos sa aming magkakapatid.
Kaya sinabihan ko ang nanay ko na 'wag na 'wag ng lalapit sa magulang at mga kapatid niya.
"Nay, 'wag na po kayong mag-alala sa tuition fee ko. Tutulungan daw po ako ni Annie. May nakita raw po siyang trabaho na madali lang tapos malaki ang sweldo," pagsisinungaling ko.
Pinilit kong ngumiti para makumbinsi ko ang pamilya ko na solve na ang problema kahit hindi pa. Pinili kong magsinungaling kaysa makita silang nagmamakaawa sa mga walang pusong tao mapagtapos lang ako ng pag-aaral.
"Hindi ka ba mahihirapan anak mag-working student? Baka magkasakit ka at mapabayaan mo ang sarili mo," pag-aalala ni nanay.
Nilawakan ko ang aking ngiti kahit na nasasaktan ako. "Ako pa ba, nay?" Bahagya akong tumawa kahit pagod na pagod na ako sa buhay. "'Wag po kayong mag-alala, pag-uwi ko rito engineer na 'ko. Pangako po."
'Yan ang itinatak ko sa isip ko bago muling umalis sa probinsya namin.
Mahirap mag-aral pero mas mahirap ang magpa-aral kaya't hangga't may pagkakataon pa huwag mong pabayaan ang mga pagkakataon na nag-aaral ka.
Thanks for Reading.
Don't forget to vote if you like this prologue.
BINABASA MO ANG
Kissing Tutorial (COMPLETED)
Roman d'amourFaith Cabutihan is a graduating student, but two years ago she was removed as a scholar because of her failing grades. So she needs to work hard and find a job to pay her tuition fee. But all of her income is not enough for her daily needs, and she...
