Ivy
Kasal? Kasal ang kapalit ng pagtulong nya sa akin?
Naikuyom ko ang kamao at hirap na lumunok. Bigla ay parang nag iba ang tingin ko sa kanya. Bakit sa dami ng pwede nyang hinging kapalit ay kasal pa? Bakit? Dahil wala naman akong perang pambayad? Akala ko ay iba sya sa mga lalaking yun. Pero mukhang nagkamali ako.
Nagngingitngit na padarag akong tumayo at lalabas ng pinto pero hinawakan nya ako sa braso.
"Ivy wait!"
"Bitiwan mo ko!" Asik ko sa kanya.
"Makinig ka muna sa akin! Mali ka kung ano man yang inaakala mo." Wika nya.
Naniningkit ang matang nilingon ko sya. Bumibigat na rin ang paghinga ko sa galit. Bakas ang pangamba sa kanyang mukha.
"Talaga? Mali ang isipin ko na mapagsamantala ka kagaya ng iba?" Inis na sabi ko at pumiksi sa hawak nya.
Napasuklay sya ng buhok at nagpamewang. May gumuhit na sakit sa kanyang mata. Ngunit hindi ko na binigyan ng pansin yun dahil nananaig ang galit sa dibdib ko.
"Sa loob ng halos tatlong linggo na nasa bahay kita, may natandaan ka bang pinagsamantalahan kita?" Tanong nya. May hinanakit akong nahimigan sa boses nya.
Natigilan naman ako at napalunok. Sa loob ng halos tatlong linggo ay wala naman syang pinakita sa akin kundi puro kabutihan. Pero sapat na ba yun para lubos ko syang pagkatiwalaan? Eh yung tiyahin ko nga na kadugo ko at kasama ko na sa sampung taon ng buhay ko nagawa nga akong ibenta eh. Sya pa kaya na hindi ko kaano ano at sandaling panahon ko pa lang nakilala at nakasama. Naguguluhan na ako. Hindi ko alam kung sino pa ang pagkatiwalaan ko.
Ngunit may nagbubulong sa utak ko na iba sya sa mga lalaking yun at sa tiyahin at tiyuhin ko.
"Bakit.. Bakit kasi kasal ang gusto mong kapalit?"
Humugot sya ng malalim na hininga. "Para maprotektahan ka. Look, kapag kasal na tayo at mabayaran ko na ang mga lalaking yun, hindi ka na nila hahabulin pa. Lalo na kapag nalaman nilang dati akong sundalo at maraming koneksyon."
Tinitigan ko sya sa mata habang pinag iisipan ang sinabi nya. May punto naman sya eh. Magandang solusyon ang alok nya sa problema ko. Naalala ko ang sinabi nila Tina at Christy. Ang paraan lang para makaalis ako sa poder nila tiyang Linda at tiyong Oca ay mag asawa. Heto na, may nag aalok na sa akin ng kasal.
"A-Anong mangyayari sa akin kung sakaling pumayag ako sa alok mong kasal?"
Sinuksok nya ang kamay sa bulsa ng pantalon at matiim na tumingin sa akin. "Babalik ka sa normal mong buhay maliban nga lang sa asawa na kita. Makakapagtrabaho ka na. Pag aaralin kita kung gusto mo."
Napanganga ako sa huling sinabi nya. "Pag aaralin mo rin ako?"
Tumango sya at ngumiti
Nakakatukso ang alok nya. Napalunok ako.
"Bakit ba napakabait mo sa akin?"
Nag iwas sya ng tingin at nag himas ng batok. "Dahil.. k-kaibigan kita."
"Parang sobra sobra naman yata tong ginagawa mo para sa isang kaibigan lang." Dapat pala sa kanya nag pari eh.
Bumuntong hininga sya. "Naaawa din kasi ako sayo. Sa edad mo dapat nag aaral ka kagaya ng iba hindi yung nagtatago sa mga humahabol na masasamang loob at takot na takot."
Napakagat labi ako at bahagyang napayuko.
"Pwede bang.. pag isipan ko muna yung alok mo?"
Ngumiti sya at tumango. "Oo naman, hindi naman kita pinipilit. Na sa'yo pa rin ang desisyon."
"At sorry din kung hinusgahan agad kita." Napapangiwing sabi ko.
"Wala yun, kahit naman sino sigurong alukin ng kasal ay ganun ang iisipin."
Sa byahe namin pauwi ay wala kaming imikan. Tahimik lang akong nakatanaw sa labas ng bintana at nag iisip. Pinag iisipan ko ng mabuti ang alok nya. Hindi ako pwedeng magpadalos dalos sa pagdesisyon dahil hindi biro ang pag aasawa. Pero sabik na akong mag aral ulit. Yun kasi ang pangako ko kay mama noong nabubuhay pa. Ang makapag tapos ng pag aaral.
Huminto ang sasakyan namin dahil sa traffic. Malapit na kami sa baranggay namin. Madadaanan namin ang kanto ng bahay ni tiyang Linda.
Nahigit ko ang hininga ng makita ko si tiyang Linda at tiyong Oca na nasa gilid ng kalsada sa tapat ko at tila nag aaway. Napatuwid ako ng upo at tinago ang mukha sa gilid ng sasakyan. Bumundol ang kaba sa dibdib ko. Bumalik sa akin ang takot nung gabing halos kaladkarin nila ako pasakay ng tricycle.
"Ayos ka lang?" Baling sa akin ni Jeiz.
"S-Sila tiyang Linda at tiyong Oca." Anas ko sabay turo sa labas ng bintana.
Kunot noong tiningnan nya ang tinuturo ko. Nakita ko pa ang pag tiim bagang nya.
Tiningnan nya ako. "Don't worry, heavily tinted ang mga salamin ng sasakyan ko. Hindi ka nila makikita."
Nakahinga naman ako ng maluwag sa sinabi nya. Ngunit ang kaba at takot sa dibdib ko ay naroon pa rin.
Pasimple kong sinilip sa bintana sila tiyang Linda at tiyong Oca na mukhang nag aaway pa rin. Napabuntong hininga ako. Wala pa rin silang pinagbago. Kamusta na kaya sila Lileth at Kiko?
Hanggang sa makarating na kami sa bahay ay dala ko pa rin ang mga alalahin ko. Hindi tuloy ako nakakain ng maayos. Pinagpahinga na lang ako ni Jeiz sa kwarto ko.
Pabiling biling ako sa kama at dilat na dilat pa rin ang mata. Alas nueve pa lang ng gabi. Sa mga oras na to dapat ay nanonood ako ng tv kaya lang okupado ang isip ko ng samu't saring alalahanin.
Humugot ako ng malalim na hininga. Nakatitig lang ako sa malaking elesi na umiikot. Ilang sandali pa ay bumalikwas ako ng bangon. Sinuot ko ang tsinelas at lumabas ng kwarto. Dinig ko ang tunog ng tv sa baba. Mukhang nanonood si Jeiz.
Bumaba ako ng hagdan. Prente syang nakaupo sa sofa. Nakasandal ang kanyang likod at nakabukaka ang kanyang mga hita habang may hawak na beer in can at nanonood ng action movie sa Netflix.
Lumapit ako sa kanya at tumikhim. Lumingon naman sya at agad na tumuwid ng upo. Nilapag nya ang beer in can sa lamesita.
"Ivy, gising ka pa pala." Bulalas nya.
Tipid akong ngumiti.
"May kailangan ka?" Tanong nya sabay abot ng remote control at pinatay ang tv.
Umupo naman ako sa kabilang sofa. Humugot ako ng malalim na hininga at tumingin sa kanya.
"Y-Yung inaalok mong kasal.. tinatanggap ko na."
Ilang sandali syang hindi umimik at kumagat labi. Bahagya syang yumuko at humimas sa batok.
Nag angat sya ng tingin sa akin. "Sigurado ka na?"
Tumango ako nang di inaalis ang tingin sa kanya. Buo na ang desisyon ko. Magpapakasal ako sa kanya.
Kinuha naman nya ang beer in can at tinungga. Muntik pa nga syang masamid. Inubo ubo pa sya. Tinaas nya ang kamay ng akmang tatayo ako at lalapitan sya. Hinintay kong maging ok muna sya. Tumikhim sya at hinimas himas ang dibdib.
"Ahm Jeiz, kelan tayo magpapakasal? Gusto ko kasing umuwi sa bahay ni tiyang Linda para kunin ang mga gamit ko at gamit ni mama na iniwan nya." Sabi ko.
Tumikhim pa sya ng isang beses. "Pagkatapos ng birthday mo magpapakasal tayo sa huwes. Bale next week."
"Ah." Tumango tango ako. Bigla ay naging sari sari ang nararamdaman ko. Kaba at pananabik.
"Mas maganda kasi kung kasal na tayo bago ka umuwi sa bahay ng tiyang mo para wala na syang panghawakan sayo. Sasamahan pa kita." Aniya at ngumiti sa akin.
Ngumiti lang din ako. Maganda nga iyon. "Salamat Jeiz."
Dumukwang sya at hinawakan ang kamay ko habang matiim ang mga matang nakatingin sa akin. "I'll take care of you Ivy, just trust me ok?"
Tango lang ang sinagot ko. Mula ngayon sa kanya ko na ipagkakatiwala ang lahat. Panghahawakan ko na lang ang mga salita nya at magtiwala sa kanya.
*****
BINABASA MO ANG
Love Me Angel
General FictionSimula ng mamatay ang pinaka importanteng tao sa buhay ni Ivy, ang mama nya ay naging impyerno na ang buhay nya sa kamay ng tiyahin at tiyuhin nya. Nagawa syang ipambayad ng mga ito sa utang, sa may ari ng beer house kung saan talamak ang bentahan n...