Ivy
Nagising ako dahil sa tama ng sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Nag inat ako sa higaan. Dinilat ko ang mata at bumungad sa akin ang malaking elesing umiikot at barnis na kahoy na kisame. Iba naman ito sa kisameng namulatan ko kahapon. Wala na ako sa impyernong bahay na yun na pugad ng mga demonyo. Nakatakas ako. Tinulungan ako ng isang gwapong mama.
Napangiti ako at bumangon. Suot ko pa rin ang t-shirt ni sir Jeiz na mukhang bestida ko na dahil sa laki. Pagkatapos nya akong pakainin kagabi ay dinala nya ako dito sa isang kwarto sa second floor. Ito daw muna ang pansamantalang tulugan ko habang nandito ako.
Sinuklay ko ng daliri ang buhok at niligpit na ang higaan. Naging komportable ang pagtulog ko kagabi. May kalakihan ang kwarto. Halos kasing laki na nga ng bahay ni tiyang Linda. Malaki ang kama at malambot. May sarili pang banyo. Kahoy ang dingding at sahig na may barnis. Halatang hindi basta bastang kahoy lang ang mga ginamit dito. Malamig din dahil may aircon bukod sa malaking electric fan na nakasabit sa kisame. Unang kita ko pa lang sa bahay na to sa labas kagabi ay gandang ganda na ako lalo na ng makapasok na ako sa loob. Ganitong bahay ang pangarap ko. Gawa sa bato at kahoy. Ang presko at ang classic ng dating.
Mabuti na lang talaga sa loob ako ng sasakyan ni sir Jeiz nagtago kagabi. Dahil hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala naman akong pera pamasahe at nakayapak lang ako. Hindi ko rin alam kung saan ako pupunta. Ayokong umuwi sa bahay dahil siguradong bugbog ang aabutin ko kay tiyang dahil tumakas ako at sigurado ding pupuntahan ako doon ng mga lalaking yun.
Sa isiping yun ay parang bumalik ang takot ko kagabi. Lalo na nasa isang bayan lang kami at ilang baranggay lang ang pagitan ng baranggay na ito at baranggay namin. Dasal ko lang na sana hindi maligaw sa lugar na to sila tiyang Linda at tiyong Oca o kahit na sinong nakakakilala sa akin. Ayoko nang bumalik sa bahay natatakot na ako. Baka kung ano pa ang sunod na gawin nila sa akin. Pero kung magkakalakas loob ako ay gusto kong bumalik para kunin ang mga gamit ko. Lalo na ang mga pictures namin ni mama.
Pero saan naman ako pupunta? Hindi naman pwedeng mamalagi ako dito ng matagal. Wala naman akong ibang kakilala na close ko maliban kanila Tina at Christy, na kilala din nila tiyang at tiyong. Mas lalo na kay lola Mila. Ayoko namang magsumbong sa pulis dahil kapag nakulong sila tiyang Linda at tiyong Oca ay kawawa naman ang mga pinsan ko. Kaya mas mabuting lumayo na lang ako sa kanila para na rin sa kaligtasan ko.
Bumuntong hininga ako. Saka ko na nga muna iisipin yun. Kailangan ko nang bumaba. Nakakahiya naman kay sir Jeiz tanghali na ako bumangon.
Lumabas ako ng kwarto at sinarado ang pinto. Medyo naaasiwa ako dahil t-shirt lang ang suot ko at panty. Mabuti na lang at malaki sa akin ang t-shirt. Hindi kasi kasya ang boxer shorts na pinahiram ni sir Jeiz dahil malaki ang bewang. Nakakahiya nga dahil pinahiram nya ako ng damit nya. Pero kakapalan ko na rin ang mukha at manghihiram ulit.
Habang pababa ako sa kahoy na hagdan ay tinitingnan ko ang mga malalaking pictures na nakasabit sa pader na kahoy. Natuon ang mata ko sa isang family picture. Namukhaan ko ang batang lalaki. Si Sir Jeiz. Ang lalaki at babae na nasa likuran nya na parehas nakangiti ay natitiyak kong mga magulang nya. Nasaan kaya sila? Ang sabi nya kasi sya lang mag isa ang nakatira dito sa bahay.
Ang pinagtuonan ko naman ng pansin ay ang larawan ni sir Jeiz na nakapang sundalo. Seryosong seryoso ang gwapong mukha nya. Matiim kung tumingin ang malalim nyang mga mata. Matangos ang ilong at manipis ang mga labi. Ang tikas nyang tingnan sa suot nyang uniporme.
"Gising ka na pala neng."
"Ay butiki!"
Muntik pa akong mapatalon sa nagsalita.
Isang matandang babae ang nakatayo sa baba ng hagdan at nakatingala sa akin. Mabait syang ngumiti sa akin.
"M-Magandang umaga po ma'am." Nahihiyang bati ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Love Me Angel
General FictionSimula ng mamatay ang pinaka importanteng tao sa buhay ni Ivy, ang mama nya ay naging impyerno na ang buhay nya sa kamay ng tiyahin at tiyuhin nya. Nagawa syang ipambayad ng mga ito sa utang, sa may ari ng beer house kung saan talamak ang bentahan n...