title of your story

135 0 0
                                    

“HalleluYAH… Bakit nga ba HalleluYAH pangalan mo ah?”, nakangiting tanong sa akin ni Ma’am.

Sa bagay, di naman talaga ganoon ka-popular ang pangngalan ko. Sa katunayan eh ako lang naman ata ang may pangngalang HalleluYAH sa buong Pilipinas. Kakaiba, pwede namang Juan, o kaya John, Gerardo o kaya Gerald, Antonio o kaya Anthony… Kaso hindi eh. Ang pangalan ko ay HalleluYAH… Praise the LORD!

“Bakit po ba Ma’am? May masama po ba?”, nakangiti kong tanong…

“Ah, hindi naman. Naiintriga lang talaga ako sa ngalan mo. At napansin ko rin kasing pag isinusulat mo ito, palaging naka-capital letters yung YAH. Di ganoon ang normal na pagsusulat ng ngalan. Under normal circumstances, isinusulat ng mga tao ang ngalan nila sa tatlong paraan. Una ay naka-capital lahat, ikalawa ay naka-lowercase lahat, ikatlo ay naka-capital ang lahat ng mga initial letters. Pero sa kaso mo, hindi mga initial letters ang naka-capital. Sa katunayan, ang naka-uppercase eh ang tatlong huling letra ng iyong ngalan…”

Napangiti ako sa mahabang sinabi ni Ma’am. Napansin niya yun? Napaka-observant talaga niya. Pero mamaya ko sasagutin ang tanong niya. Ako muna magtatanong…

“Kayo po ba Ma’am? Bakit po Princessa?”

“Dahil maganda ako?”, pabirong sagot ni Ma’am…

Natawa ako. Bumusangot si Ma’am at tinanong ako…

“Bakit, tutol ka?”, nakabusangot niyang tanong.

“Di naman po…”

“So, nagagandahan ka sa akin?”, pabiro niyang tanong.

Di ako sumagot. Tumawa lang ako…

“Seryoso po Ma’am… Bakit po Princessa?”, iniligaw ko na lang ang usapan at ng di ako mabuko…

“Noong unang panahon, may isang lalaki na patay na patay sa isang babae. Ang tawag niya sa babae eh Princessa. Niligawan niya ito. Pero sa una, di siya pinalad. Medyo pihikan kasi ang babae, at medyo suplada pa. Kaso etong si lalaki ang pinakapursigidong tao sa daigdig. Di siya sumuko. Naghintay siya ng anim na taon para sa babae… at sa huli, di na siya nabigo… Ikinasal sila, at mula noon, nangako siyang wala ng magiging Princessa ang buhay niya maliban sa babaeng yaon, at sa anak nila…”

“At ikaw ang anak nila?”, tanong ko…

“Oo…”, kinikilig na sagot ni Ma’am… “Sabi pa nga ni Papa, bagay na bagay daw apelyido niya sa amin. Ang kahulugan kasi ng Espera eh ‘naghihintay’…”…

“Edi ang ibig sabihin ng ngalan mo eh ‘Ang Princessang Naghihintay?’”, pabiro kong tanong…

“Yap…”, nakangiting  sabi ni Maam. “Teka, di ba ang ngalan mo ang pinag-uusapan natin?”, nakapansin siguro si Ma’am na inililigaw ko ang usapan…

“Ang Tatay ko ang pumili sa ngalan ko. HalleluYAH! Yun kasi ang una niyang nasabi ng maipanganak ako at ligtas kaming pareho ni Mama. Medyo kritikal kami kasi noon… Kung yung paraan ng pagsusulat naman ang itinatanong mo, Tatay ko rin may sabi noon. Ang tatlong huling letra kasi sa ngalan ko eh ang tatlong unang letra sa Ngalan ng DIOS. Sabi pa niya, pwede ko raw i-lowercase ang unang letra sa ngalan ko, pero hindi ang Ngalan ng DIOS na nakapaloob dito.”, paliwanag ko.

“Napakaganda naman pala ng ibig sabihin ng pangngalan mo. Pagkakatanda ko, ang salitang Yanasa eh ang panumbas ng Amen sa capampangan. Ibig sabihin ang ngalan mo eh nangangahulugang ‘Purihin si YAHWEH… Amen!’?”

“Yap!...” Purihin si YAHWEH!... Amen…

Atin cu pung SingsingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon