001

146 3 1
                                    

Unang Pahina ng Nakaraan: Madaling magbitaw ng salita kaya papatunayan sa gawa

July 28, 2022

Inilapag ko ang aking mga kagamitan sa lamesa at pagod na pagod na humiga sa sofa. Puro aral na lamang ang inatupag ko at hindi na ako nakapagsulat ng aking akda. Kinuha ko ang laptop mula sa aking bag at binuksan ito. Napagdesisyunan kong isulat ang kasunod na pangyayari sa aking istorya.

"Maaari ba kitang ayain sa paborito kong lugar?" Tanong ko sa kaniya. Tumango naman ito at ngumiti.

"Sige, saan ba iyon?" Dagdag niya pa at dahan dahan akong ngumiti. Hinawakan ko ang kaniyang kanang kamay at nagsimulang maglakad. Malakas ang ihip ng hangin habang naglalakad kaming dalawa. Ramdam ko ang lamig ng kaniyang palad habang nagrereklamo ito.

"Anong gagawin natin don?" Reklamo niya pa at tumawa na lamang ako.

"Malapit na ang oras ng uwi mo kaya gusto kong panoorin nating dalawa ang paglubog ng araw," tumingin ako sa kaniyang mga mata at napaawang naman ang kaniyang labi sabay tango.

Ilang hakbang na lamang ay nakarating na kami sa lugar kung saan madalas kong puntahan tuwing nalulungkot ako at napagiisa. "Wow! Mahangin pala rito!" Namamanghang sambit niya.

"Makikita mo nga ang mga bundok at ulap," tumango ako at lumapit ng kaunti sa kaniya.

"Tama ka, napakatahimik din," dagdag ko pa at tumingin naman siya sa akin.

Ngumiti ako habang nakatingin sa kaniyang mga mata at pinagmasdan ang kaniyang mukha. Napakaganda ng kaniyang mga mata na kaya kong titigan ng matagal. Napakatangos ng kaniyang ilong na mas lalong nagpapagwapo sa kaniyang itsura. Ang kaniyang labi na sa tingin ko ay napakalambot kahit hindi pa ito dumadampi sa aking mga labi. Ang kaniyang buhok na napakalambot at napakasarap sabunutan. Natawa ako sa aking iniisip at tiningnan lamang siya. Nalulungkot ako sa katotohanang matagal ko muli itong masisilayan.

"Napakaganda talaga ng mga mata mo," puna ko at ngumiti naman siya. Nagulat ako nang inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin at tumingin sa aking mga mata. "Tila mga tala ang iyong mga mata," nakangiting sambit niya habang nakatingin sa akin. Dahil sa hiya napaiwas ako ng tingin sa kaniyang mga mata.

"Masyado mo naman akong napapangiti,"

"Ang cute mo talaga,"

Nakaramdam ako ng init sa aking mga pisngi at lumayo ng kaunti sa kaniya. "Napakalapit mo naman," reklamo ko at mas lumapit pa lalo sa akin.

"Kahit saan ka pa pumunta, ikaw lang gusto ko," dagdag niya pa at napatingin naman ako sa kaniya. Inilagay ko ang aking dalawang braso sa kaniyang leeg at nagsimulang magsalita.

"Ikaw lang ang gusto ko at magugustuhan ko, tandaan mo iyan," seryosong sambit ko habang nakatingin sa kaniyang mga mata.

"Madaling magbitaw ng salita kaya papatunayan sa gawa," sabay naming sambit kaya natawa na lamang kaming dalawa. Pinisil niya ang aking pisngi at hinalikan ako sa noo.

Nakabalik ako sa realidad at natawa sa aking isinulat. Corny ba to pakinggan o basahin? Siguro ganito kapag single ka. Napapikit na lamang ako dahil sa pagod at nag-isip ng mabuti.

Siyang tunay, napakadaling magbitaw ng salita ngunit kadalasa'y nababaliwala na lamang ito. Totoo naman ang katagang actions speak louder than words, pero ang pinaka the best sa lahat ay kung magkatugma ang salita at gawa.

--------------------------------------------

#UnangPahinaNgNakaraan

Isang Pahina ng NakaraanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon