May mga pangyayari kung saan mas nanaisin mo na lamang maramdaman mag-isa ang sakit na iyong pinagdadaanan. Ang mga bagay na magpapabigat sa iyong puso at magpapapuno sa iyong isipan. Kung saan kusa na lamang tutulo ang mga luhang nagbabadyang bumuhos na hatid ng kalungkutan. Kadalasa'y wala namang nandyan para sa atin, sa oras na bumalot sa iyong kapaligiran ang kadiliman.
Ano pa nga bang magagawa mo? Kundi danasin ito ng mag-isa.
Hanggang ngayon napapaisip pa rin ako. totoo nga ba akong masaya? Sa unang pahina ng "ang aking saloobin", batid ko na ang kasagutan kung ano nga ba ang kasiyahan sapagkat minsan ko na itong naramdaman. Ngunit ang kapalit niyon ay kalungkutan. Ang iyong mga mata na sumisingkit sa tuwing ikaw ay tatawa o ngingiti at mapapalitan ng luhang walang tigil sa pagbuhos kung saan kusang mamamaga ang iyong mga mata. Ang iyong mga labi na nakakurba senyales na ikaw ay nakangiti at mapapalitan ng kalungkutan kung saan dahan-dahan kang mapapahikbi upang walang makarinig sa'yo. Kung saan mapapahalaklak ka ng malakas at napapalitan ng malakas na hagulgol. Ang ideya kung saan mapapahawak ka sa iyong tiyan sa walang tigil na pagtawa at mapapalitan ng sakit sa iyong puso kung kaya't mapapahawak ka sa iyong dibdib na ngayon ay naninikip. Natatakot sa oras na may makakita sa'yo na ganoon ang iyong kalagayan. Natatakot na sagutin ang katanungan na "Bakit ka umiiyak?" "Anong nangyari?" Sa kadahilanang walang taong magtatanong sa akin niyon kung kaya't takot ako sa katanungan na iyon.
Bakit ko nga ba alam ang lahat ng ito? Dahil ilang taon ko na itong dinadanas at kayang kaya kong gumawa ng istorya tungkol dito.
Umabot ako sa punto kung saan nais ko na lamang kitilin ang aking buhay. Ang ideyang naiisip ko sa tuwing ako'y umiiyak ay ang mga bagay na masaya akong gawin at ang mga pangarap ko. Mapapahikbi na lamang ako habang mapapapikit sa sakit na aking nararamdaman. Sunod-sunod na tutulo ang luha mula sa aking mga mata habang naiisip ang iba't ibang bagay. Ako'y nagbalik tanaw sa mga plano ko ngayong Agosto at nalulungkot na lamang ako sa ideyang nawawalan na ako ng ganang gawin iyon. Pawang mas nanaisin ko pang sumuko at pumikit na lamang. Pinapangarap na huwag nang magising kinabukasan.
Batid ko sa aking sarili na kasalanan iyon ngunit hanggang ngayon ay napapadaan pa rin sa aking isipan. Sa kadahilanang matatahimik na ang iyong buhay kapag nangyari iyon.
Napahiga na lamang ako sa malamig na sahig at bumuntong hininga. Napatulala na lamang ako sa kawalan habang walang ganang gumalaw. Ilang oras nang umiiyak at wala ng maibuhos na luha sa aking mga mata. Ang buong kapaligiran ay tahimik at tanging ang mahihinang paghikbi ko na lamang ang naririnig. Gayon din ang aking sipon na hindi maawat sa pagtulo kung kaya't pinupunasan ko na lamang gamit ng aking damit. Sinubukan kong pigilan ang aking hininga at umaasang mawalan ako ng malay, umaasang matapos na itong aking nararamdaman. Tumulo ang luha sa aking kanang mata senyales na hindi ko ito kayang gawin. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata habang walang awat sa pagbuhos ang mga likidong hatid ng sakit na nararamdaman. Mga hikbing hatid ng nakaraan. Pagsikip ng dibdib na hatid ng labis na kalungkutan .
Masama bang aminin kung may taong dinadanas ang ganiyang senaryo?
***Search this on YouTube ang listen to it: Are you with me? Kung saan mapapatanong ka na lamang kung mayroon ka bang kasama.
BINABASA MO ANG
Isang Pahina ng Nakaraan
Poetry#2 Ang aking mga saloobin sa bawat araw. Started: July 28, 2022 Ended: August 8, 2024 Status: Finished. Impressive Rankings: #13 in quotes out of 2.8k stories #42 in feelings out of 4.2k stories #204 in life out of 17.3k stories