040

49 1 0
                                        

Tekstong Naratibo – Jardin de Rosas

Napatingin ako sa bintana nang mapansing biglang lumakas ang ihip ng hangin at bumagsak ang malakas na ulan. Nagtataka akong pinagmasdan ito sapagkat base sa aking pag-kakaalam, wala namang paparating na bagyo ngayon. Bumuntong hininga na lamang ako at inayos ang aking mga kagamitan.

Lumabas na ako ng aking condo at mabilis na binuksan ang payong upang magtungo sa waiting shed. Mayroon akong pasok ngayon kung kaya't wala akong magagawa kundi ang pumasok. Walang ibang tao kundi ako lamang. Inikot ko ang aking paningin at iilan lamang ang mga sasakyan na aking natatanaw dulot ng malakas na hangin at ulan. Napahawak ako sa aking braso dahil sa lamig. May naaninag akong bus sa hindi kalayuan nang may kumalabit sa akin. Lumingon ako rito at nakita ang isang matandang babae. Puti na ang buhok nito at kulubot ang balat. May hawak itong basket na laman ng iba't ibang kulay ng rosas. Napukaw ng aking atensyon ang kulay itim na rosas sapagkat hindi pa ako nakakita ng ganitong kulay ng rosas.

"Binibining Maria." Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinambit. Nahihiya akong ngumiti at tiningnan ang kapaligiran. Walang ibang tao kundi kaming dalawa lamang. Napansin kong nakalagpas na ang bus sa waiting shed na kinalalagyan ko.

"Nais kong ibigay sa'yo ang rosas na ito," sambit ng matandang babae at napantingin naman ako rito. Iniabot niya sa akin ang puting rosas at ngumiti naman ako.

"Maraming salamat ho." Inamoy ko ito at pawang nakaramdam ako ng kung anong mahika sa aking kapaligiran. Iminulat ko ang aking mga mata at nakaramdam ng hilo. Nabitawan ko ang iilang libro na aking hawak at ang puting rosas dahil sa hilo na aking nararamdaman. Napahawak ako sa aking sentido at napa-luhod. Naaninag ko pa ang puting rosas na ngayon ay nadumihan dahil sa putik at tubig. Malabo ang aking paningin habang hinahabol ang hininga.

Kukunin ko pa sana ang rosas nang marinig kong magsalita ang matandang babae. "Kung saan nagsimula ang lahat, doon din magtatapos ang lahat."

Napapikit ako sa sakit mula sa aking ulo. Pawang may iilang mga memorya ang aking nakita dahil sa kaniyang sinambit. Namuo ang luha sa aking mga mata habang natatanaw ang mga ala-ala na iyon.

"Binibini, ano ang iyong ngalan?"

"Isa kang kahanga-hangang binibini."

"Nais kong sabihin na minamahal kita, Maria."

"Ako'y nagagalak na makilala ka."

"Hindi ko nais na mawala ka, Maria."

Napabalikwas ako ng bangon at tiningnan ang aking kapaligiran. Mabilis ang tibok ng aking puso habang nakahawak sa aking ulo. Naguguluhan akong napatingin sa bintana at napansing hindi naman malakas ang ulan. Pawang ako'y nananaginip ngunit pakiramdam ko'y ito ay totoo.

Naramdaman ko ang luha sa aking pisngi at pinunasan ito gamit ang aking kamay. Tumingin ako sa tabi ng aking unan at nakita ang aking libro na nailathala na noon pa. Ang pamagat nito ay "Jardin de Rosas" at hindi mawala sa aking isipan na ang buong kabanata ng nobelang ito ay aking napaginipan.

"Kung saan nagsimula ang lahat, doon din magtatapos ang lahat, sa lugar kung saan ang tawag ay Hardin ng mga rosas..."

Isang Pahina ng NakaraanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon