"Maayos ka lang ba? Sinaktan ka ng Papa mo?"
Tipid akong ngumiti kay Dorothy tsaka umiling. Tatlong araw na ang lumipas pagkatapos ng birthday ni Cassidy. Mamaya na ang alis ko kasama si Kuya Aidan at Yaya Lottie papuntang Davao. Nagkita lang kami ni Dorothy sa eskwelahan dahil kailangan kong ayusin ang clearance ko para wala na akong problema sa enrollment pagkatapos ng bakasyon.
"Ikaw, sinaktan ka ng Papa mo?"
Mayor sa lugar namin ang Papa ni Dorothy, matalik na kaibigan din ni Papa at ni Governor Costudio. Si Dorothy ang isa sa mga kaklase ko sa St. Mary's na walang tutol si Papa. Ang iba, lalo na ang mga kaklase ko na hindi naman galing sa prominenteng pamilya ay malaking bawal.
"Hindi naman nananakit si Papa."
Nakagat ko ang dila ko sa sagot niya. Oo nga naman, Papa ko lang naman ang nananakit kapag nagagalit.
Bumaba ang tingin ko sa clearance na hawak. Papasok kami sa office ng admin, huling pirma nalang at makakauwi kaming dalawa.
Umangkla ang kamay niya sa braso ko. "Sorry, Nana."
Tinapik ko ng mahina ang ulo niya. "It's not your fault, Dorothy."
Totoo naman, kanino bang kasalanan kung bakit ako napagbubuhatan ng kamay ni Papa? Minsan iniisip ko rin kung kanino— kung ako ba talaga dahil sa kung minsan nakakaligtaan ko ang mga bilin niya? O sadyang mabigat lang ang kamay niya.
"Paano 'yan, hindi ka makakasama sa Siargao?"
Napailing ako. Noong pasko pa ako nakapagpaalam. May private resort ang pamilya nina Dorothy sa Siargao dapat isang buwan kami doon ngayong wala ng pasok pero mukhang hindi ako makakasama. May ibang plano si Papa sa akin, bagay na ayaw ko mang sang-ayonan ay wala rin akong magagawa.
"Hindi na, mamaya na alis namin ni Yaya."
"Mamaya agad?!" Napatakip siya sa bibig niya nang samaan siya ng tingin ng ibang estudyante na naghihintay ring pagbuksan ng opisina. "Paano 'yan? Hanggang kailan ka ba sa Davao?"
"Hindi ko alam."
Malinaw ang bilin ni Papa na bago matapos ang bakasyon ko ay dapat kami na ng anak ni Uncle Luis— ayaw kong gawin pero wala naman akong pagpipilian kaya siguro mahabang panahon ang ibibigay ni Papa sa akin.
"Anong gagawin mo doon? Sakahan at bukirin lang ang nandoon."
Sumimangot siya. Noong nakaraang taon ay kasama ang pamilya nila dumalaw kami roon. Mahina ang signal sa Fuerteventura, walang pagkakaabalahan dahil napakalayo sa kabihasnan. Kung hindi sakahan ay baka at kambing ang makikita roon. Limang araw lang kami noong nakaraang taon, halos mamatay na si Dorothy sa inip, magkasama pa kami n'on— hindi ko rin alam paano tatapusin ang bakasyon ko roon na si Yaya Lottie lang ang kasama.
"Anyway, pwede naman kitang dalawin. Magpapaalam ako kay Papa. Tapos pupunta tayo ng Samal. Maganda raw doon at hanggang umaga ang party. Walang Kuya Antonio—
Hinayaan ko lang siyang magplano. Tanggap ko naman na kahit isa doon ay wala akong magagawa. Tumigil naman na siya nang makapasok kami sa opisina ng admin. Mabilis lang at walang tanong na natapos ang clearance namin.
Si Kuya Luther ang sundo ko kaya hindi kami nagmadali sa paglalakad palabas ng building.
"Hindi na talaga ako makapaghintay na matapos ang Senior High. Nangako si daddy sa akin na papayagan niya ako na sa Maynila mag-aaral."
Napabuga ako ng hangin. Malayo pa ang college pero gusto ko na rin matapos na. Hindi kagaya ni Dorothy, rito lang ako sa GenSan. Napagpasyahan ni daddy na kumuha ako ng home economics, hindi ko naman daw kailangan ng matayog na pangarap dahil sa magiging may-bahay lang naman ako ng isang Fuerteventura. Nakikita ko nga na kung pwede lang ayaw na niya akong pag-aralin pa.
BINABASA MO ANG
Valley of Devotion (Damsel Series #1)
RomanceA friendship that begins one summer- and a love story blooms after.
