Isang linggo kong gabi-gabing iniyakan ang mga narinig ko sa Samal. Akala ko madali lang na kalimutan iyon, na dahil narinig ko naman na sa iba wala na ring epekto sa akin. Pero masakit pa rin pala. Gabi-gabi akong napapatanong sa sarili ko kung ganoon ba ako ka pangit para tratuhin ng ganoon.
Binura ko na ang number ni David, wala na rin naman akong natanggap na kahit isang text galing sa kanya. Nakuha niya siguro na hindi ako magiging tulay sa kanya at tunay na gusto niya.
"Mugto na naman ang mata mo, anak. May problema ba?"
Kinagat ko ng mariin ang dila ko sa tanong ni Yaya Lottie. Napapansin ko ang tingin niya sa akin nitong mga nakaraang araw, halatang nakikiramdam lang sa kung bakit naging matamlay ako pagkagaling ng Samal.
"May nangyari ba sa Samal?" Tumigil siya sa pagsuklay sa buhok ko. "Binastos ka ni Maverick?"
"Yaya, hindi."
Makulit si Maverick pero hindi niya ako nababastos, ayaw kong isipan siya ng ganoong bagay. Mabait ito sa akin. Tsaka hindi siya kagaya ni David na pinaramdam sa akin na gusto ako. Si Maverick binibiro ako na kami nalang pero alam kong biruan lang talaga.
"Ano pala? Tungkol ba ito sa mga Kuya mo?"
Mariin akong napapikit sabay iling. Sa dismaya ko kay David halos hindi ko na nga napapansin na sumunod sa Fuerteventura si Kuya Antonio pati si Kuya Luther at Kuya Angelo. Wala akong alam sa pakay nilang tatlo rito, pero kung utos ni daddy alam kong business iyon at hindi para kumustahin ang lagay ko.
"Hindi rin naman magtatagal ang mga kuya mo. Dumaan lang sila bago pumunta ng Maynila."
Bumalik sa akin ang narinig ko kay Auntie Yvanka noong nakaraan. Ayaw kong pagdudahan ang sino man sa mga kapatid ko pero kung tama ang kutob ko na isa sa kanila at kay Auntie Yvanka ay kinakatakot ko na magkahulihan. Magiliw si Uncle Luis, mabait siya sa bisita pero hindi ko nasisiguro kung ano ang pwede niyang maging reaksyon kapag nalaman niyang balak siyang hiwalayan ng asawa dahil sa ibang lalaki.
Wala akong magagawa para mapigilan o pagsabihan ang kapatid ko. Una, hindi rin naman ako pakikinggan. Pangalawa, baka ako pa ang samain. Napahinga ako ng malalim. Sumasakit lalo ang ulo ko na isipin iyon. Kung may pagkakataon lang sana na mauwi nalang ako sa GenSan. Doon basta ba sundin ko lang ang sinasabi ni Papa walang gulo.
"Hanggang kailan daw sila rito, Ya?"
Napatingin siya sa taas, nag-iisip. "Sa susunod na linggo yata."
Isang linggo akong kakabahan at mag-iisip kung may sekreto bang pwedeng umalingasaw. Pinigilan ko ang kamay ni Yaya nang muli niya akong suklayin. Napatingin ako sa salamin— mabilis akong napaiwas, hindi ko kayang tignan ang itsura ko ngayon. Naiiyak ako.
"Kaya ko na po, Ya."
"Sigurado ka?"
Tumango lang ako at kinuha ang suklay sa kanya. Lumabas siya ng kwarto at iniwan na ako. Umalis ako sa harap ng salamin. Hindi ko na tinuloy ang pagsuklay. Pinusod ko lang ang buhok ko. Nag-aya si Maverick na mamasyal sa San Jose ngayong araw, ilang beses na akong hindi sumama at nawalan na ako ng rason para hindi na naman sumama ngayon kaya wala na rin akong pagpipilian pa.
Nang makauwi kami mula sa Samal ang una kong ginawa ay nagpabili ako ng mga t-shirt at pantalon kay Yaya sa siudad. Hindi ako komportable magpantalon dahil hindi naman iyon ang usual na suot ko pero mas mainam na iyon kesa mandiri na naman ang kung sino na makita ang mataba kong hita. Mahaba rin ang manggas ng t-shirt kaya nakatago rin ang braso ko— sumunod si Yaya sa pakiusap ko na dapat ay maluwang ang t-shirt sa akin. Mainit ngayong araw pero mukhang maganda naman ang hangin sa San Jose dahil mataas ang lugar nila.
BINABASA MO ANG
Valley of Devotion (Damsel Series #1)
RomanceA friendship that begins one summer- and a love story blooms after.
