Binabagabag ako ng isiping hindi ko manlang nagawang pansinin ang lalaking naglakas ng loob na hingin ang number ko. Wala naman siyang ginagawang mali, ni hindi nga siya mukhang nakainom. At kung alalahanin ko ang mukha niya paniguradong hindi nagkakalayo ang edad naming dalawa.
Pikit-mata kong kinalas ang hawak ni Harper at Talia sa akin. Napatigil sila sa paglalakad nang tumalikod ako para balikan ang lalaki. Napaatras ako ng hakbang nang salubongin ako ng nakataas na kilay ni Ascari at bahagyang nakaangat na labi niya.
"Ummm babalikan ko lang," paliwanag ko sa susunod na hakbang ko.
Gumilid siya para bigyan ako ng daan pero may sinabi siyang nakapagpagpa-isip sa akin.
"I don't think it would be a nice idea for a 16 years old woman to give her number to a random boy. Kung gusto ka niya nagpakilala muna sana."
Lumusot ang tingin ko papunta sa lalaking nakatayo pa rin sa labas ng bistro. Nakatanga siya at tila sinisipat din kami. Naaawa ako sa kanya, magalang ang paghingi niya ng numero ko pero may punto si Ascari— sana nagpakilala manlang siya. Maliit lang naman ang isla, magkikita at magkikita kami sa susunod pang mga araw. Kung talagang gusto niyang makipagkilala muli niya akong lalapitan.
"Ano, ibibigay mo?" usisa ni Talia na nasa gilid ko na naman.
Bumuntong hinga ako sabay iling. "Ah, hindi na."
May panghihinayang sa akin na hindi ko naibigay ang number ko sa lalaki kagabi. Pero nang makasabay na naman namin siya sa bistro at nginitian niya ako ay nabuhay sa akin ang pag-asa.
Rinig ko ang boses ni Papa sa isip ko na kay Maverick ko ituon ang atensyon pero hindi naman niya malalaman. Wala rin akong balak na gumawa ng mga bagay na hindi pa ako handa— makikipagkaibigan lang naman at kaonti sigurong kilig.
Nang lumipat kami sa labas ng bistro para magpahangin ay lumipat din ang lalaki at ang dalawa niyang kasama. May mga kasama silang matatanda sa loob kaya sa hula ko kung hindi sila magkakapatid na tatlo ay mukhang magpipinsan. Magkatabi kami ni Maverick— nakasandal siya sa balikat ni Harper. Masama pa rin ang pakiramdam niya, pinilit niya lang talaga ang sarili na bumangon. Gusto ko sanang pangaralan dahil sa pag-inom niya noong nakaraan, wala nga lang akong karapatan.
"Tali, sitahin mo nga 'yang sa kabilang table. Kapag ako nairita, ako sisita riyan."
Nanayo ang balahibo ko sa iritasyon ni Ascari. Wala namang ginagawa sa amin ang mga lalaki sa kabilang table pero mukhang mainit ang ulo niya. Sinulyapan ko ang mga ito, nang magtagpo ang tingin namin ng lalaki kagabi ay nakangiti siyang kumaway sa akin.
"Kj mo, kuya. Hayaan mo na. Crush ng isa si Nana."
"Sino may crush kay Nana?" tamad na tanong ni Maverick. Umahon na sa pagkakaunan sa balikat ni Harper.
"Sa kabilang table. Kanina pa tingin ng tingin," walang ganang sagot ni Harper. Mainit din yata ang ulo niya— nakasuot na siya ng bikini top at maong shorts, nag-aya siyang lumangoy pero walang gustong samahan siya dahil mataas na ang sikat ng araw.
"Ang papangit," kumento ni Maverick matapos silipin din ang mga lalaki.
"Sinabi mo pa," dugtong ni Ascari na may pailing-iling pa.
"Hindi naman, ah," tanggol ko. Minsan na nga lang may magkagusto sa akin sinisiraan pa nila. Gwapo naman, eh. Mukhang mabango sa suot niyang muscle tees.
"Mukhang totoy, Nana. Ganyan mga type mo?" ayaw pa-awat ni Maverick.
"They're her age range," gatong ni Ascari.
BINABASA MO ANG
Valley of Devotion (Damsel Series #1)
RomanceA friendship that begins one summer- and a love story blooms after.
