22

154 8 10
                                    

"Tinawagan ko na si Julie. Papunta na sila ni Fritz. Kung ayaw mong pumunta ng hospital aalis pa rin tayo rito, hindi na tama 'to, Nana. Sinong matinong tatay ang gagawa nito sa anak niya? Diyos ko, Nana."

Nakatulala lang ako habang nakaupo sa toilet bowl. Ginagamot ni Tanya ang mga sugat ko, nilalagyan ng yelo ang mga pasa na nakuha. Kanina pa siya litanya ng litanya, mas marami na rin siyang naiyak kumpara sa iyak ko kanina sa opisina ni Papa.

Namanhid na ako, gusto ko nalang makaalis dito.

"Nana, itawag na natin sa pulis. Gusto mo?"

Umiling ako. Walang magagawa 'yon. Maraming kilala si Papa, kaibigan niya ang mayor pati ang governor.  Mag-aaksaya lang ako ng lakas na ipaglaban ang sarili rito. Kailangan ko lang na makaalis.

Hinawakan ko siya sa kamay para pigilan sa pagdampi ng yelo sa pisngi ko. "Kapag dumating sina Julie sumama ka sa kanilang umalis. Umuwi na kayo ng Davao."

"Nana, hindi pwede!" tumaas na ang boses niya. Tumayo siya at namewang. "Tingin mo iiwan kita rito na ganyan? Kapag ako hinawakan ng tatay mo ako talaga magpapakulong sa kanya."

Tiningala ko siya. May pag-asa pa ako kung pag-iisipan ko ng mabuti ang susunod na gagawin. Kahit gustohin kong umalis ngayon hindi mangyayari, bantay sarado ako ni Papa. Mainit ako sa mga mata ng tauhan niya. Kinuha niya rin ang cellphone pati ang laptop ko.

"Hindi tayo makakaalis na magkasama," pagpapaintindi ko.

"Nana, paano ka?"

Nginitian ko siya. Pagod na ang isip ko, pagod na rin ang katawan.

"Kaya ko, Tanya. Kailangan ko munang masiguro na safe ka pati na rin sina Julie."

Kaya akong saktan ni Papa, sarili nga niya akong anak, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung pati mga kaibigan ko madamay na.

"May plano ka ba?"

Tumango ako kahit wala pa talaga. Kailangan ko nalang sigurong tanggapin ang engagement. Ipapakita ko kay Papa na ayos lang sa akin lahat ng ito, kapag balik eskwela na kakausapin ko si Miss Grace. I'll process everything that I need, kailangan ko lang makaalis bago kami maikasal ni Maverick.

"Pwede ko bang malaman?"

"Huwag na muna. Magkikita pa naman tayo."

Niyakap niya ako. Nagpakawala siya ng malalim na paghinga. "Pakatatag ka. Nandito lang kami nina Julie. Kung aalis ka rito sa bahay ka na muna. Kakausapin ko si Mommy."

"Thank you pero kaya ko na."

Sa sumunod na mga araw kinulong ako ni Papa sa kwarto. Narinig ko galing kay Yaya Lottie na ilang araw na ring pumupunta sa bahay si Ascari, he was asking the helpers if I'm home pero gaya ng bilin ni Papa kapag may nagtanong tungkol sa akin sasabihin na wala ako sa bahay at may importanteng lakad.

I am not sure if I am ready to face Ascari. I have doubts with him now. Natatakot ako na baka anuman ang mga nangyari sa amin ay sa akin lang pala may halaga. I was so dependent of him the past few weeks, and it's hurting me now that I can't even face him.

"Nana, nandito na ang gown mo. Nasa baba na rin ang mag-aayos sa 'yo, pwede ko na ba silang paakyatin dito?"

Tinignan ko lang kung paano ilapag ni Yaya Lottie ang box ng gown sa higaan ko. Kanina pa ako nakatunganga sa kwarto, anong oras na pero wala pa rin akong ligo. Kung pwede lang pabilisin ang oras ginawa ko na.

Lumapit siya sa akin at niyakap ako. "Happy Birthday, Nana," bulong niya. "Papaakyatin ko na sila?"

Tumango lang ako. Wala namang halaga sa akin kung ano ang itsura ko mamaya, hindi ko nalang mahintay na matapos ang gabi.

Valley of Devotion (Damsel Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon