'Liwanag Na Ipinagkakait ng Kadiliman'
Ang mga tao'y nagsilaboy sa lansangan, hinahanap ang liwanag na ipinagkakait ng kadiliman.
Silang walang mga tahanan na nagugutom at nauuhaw, sa paghahanap ng pag-asa, ang kanilang kaluluwa'y nanglulupaypay sa kanila.
Ako ang tao na nakakakita ng pagdadalamhati,
at ikinikilos ng aking mga mata ang aking kaluluwa, at iginugunita ko sa aking pag-iisip.Silang mga nagagayakan na lalong malinis kaysa sa nieve, mga lalong maputi kaysa sa gatas, ngunit ang kanilang anyo ay lalong maitim kaysa sa uling na gumagala at naghahasik ng dalit sa lansangan.
Silang mga may pag-iisip ngunit di nakakaunawa.
Silang may mga bibig, ngunit punong-puno ng karayaan. At sa kanilang mga labi ay walang anumang buhay kang masusumpungan.
Sila'y mga bulag na nangadadamtan ng puti, ngunit ang kanilang mga kamay ay nangadudumhan ng dugo.
Sa ganid na matatakaw at mapagpahirap, sila na humahaka ng kasamaan at nagsisigawa ng kasamaan, sapagka't nasa kanila ang kapangyarihan.
Silang lumalakad sa kaluwangan ng lupa, upang mag-ari ng mga tahanang dako na hindi sa kanila.
Silang napopoot sa mabuti, at umiibig sa kasamaan, na siyang lalong nagpapahirap sa mga dukha.
Silang napopoot sa kahatulan at nangagbabaluktot ng matuwid.
Ang mga pangulo niya'y nagsisihatol dahil sa suhol, nangagtuturo dahil sa upa, at nangaghuhula dahil sa salapi.
Sila'y kakila-kilabot at nangakakatakot; ang kanilang kahatulan at ang kanilang karangalan ay mula sa kanila-kanilang sarili.
Marami sa mga tao ang naghahangad ng katarungan, kalayaan, at kaligtasan, ngunit nadadaya na sila ng paniniwalang salapi ang pantubos ng kasalanan.
Marami sa mga tao ang namumuhay sa matinding kahirapan, ngunit mahal na tao lang ang napapahalagahan.
Kung ang salapi ang magiging batayan sa pagpapawalang sala, sa mundong ito ang mga mahal na tao lamang ang magkakaroon ng kapangyarihan sa pagkamit ng kalayaan.
Hindi ko kayang itikom ang aking bibig at manahimik na lamang habang ang aking kapwa ay tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw.
Nais kong gamitin ang aking kaalaman at karunungan upang itama ang mali, at hindi ako natatakot maglahad ng katotohanan.
Nais kong ihiwalay sila sa pamumunong di makatarungan.
Nais kong ilabas sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan at patirin ang mga taling nag-uugnay sa kanila.
At kung ako man ay mabilanggo, nawa'y ang aking pagkabilanggo ang magpalaya sa kanila.
YOU ARE READING
Only My Heart Knows
PuisiWithin this anthology lies a tapestry of verses penned by Jcena Mortiff, each intricately woven around diverse manifestations of love. These words ache to break the shackles of confinement, the very letters thirst for emancipation, all plucked from...