63. Liham Ni Eros Para Kay Arceilla

31 11 0
                                    

Para sa Sinisinta kong Arceilla,

Naaalala ko pa ang araw ng ika'y aking unang makita. Ikaw ay nakalambong at nakatayo sa ibabaw ng entablado. Hindi ko nalimot ang pangalan mo kahit unang beses ko pa lamang narinig ito.

Ang pangalan mo ang pinakamagandang pangalan na aking narinig, kaya naman hindi na ito nawala sa aking isip.

Sa unang pagkakita ko pa lang sa iyo, tila nakatagpo na agad ako ng hiwaga sa puso.

Hindi ko lubos mabatid kung ito nga ba ang sinasabi nilang pag-ibig, sapagka't ito ang unang pagkakataon na ako'y nagayakan nito.

Tunay na inagaw mo ang aking puso sa isang sulyap ng iyong nagagandang mga mata. Pinaganda mo ang iyong mga pisngi sa tirintas ng iyong buhok, at ang iyong leeg ng mga kwintas na hiyas. Ang iyong mga labi ay mamula-mula na waring mansanas, gayundin ang iyong pisngi, parang niebe ang iyong balat, at ang iyong pananamit ay mainam na kayong lino.

Nguni't ang kagandahan na tinataglay mo ay mas pinalalim pa ng iyong natatanging pagkatao.

Sinabi ng aking kaibigan noon na kung paanong mataas ang langit sa lupa, gayon naman ikaw sa akin. Ang bituin hindi masamang tingalain, ngunit hinding-hindi ko raw ito makukuha kahit pilitin ko man itong abutin at sungkitin. Sabi niya pa, mas mainam daw na magbungkal na lamang ako ng lupa kaysa ikaw ay pangarapin.

Tapos ang sabi naman sa akin ng isa pang kaibigan, 'Para ka daw isang manglalakbay na barko, isang malaki at napakagandang barko, samantalang ako naman daw ay isang maliit na taong nakatayo lamang sa baybayin at nangangarap na sana'y ika'y mapasaakin rin. Walang magawa kundi ito na lang ay tanawin at tanggapin na hindi lahat ng maabot ng ating paningin ay makukuha natin.' Hindi ba't napakasama nila sa akin?

Nguni't naisip ko rin ng gabing iyon, kung gaano kataas ang langit sa lupa, gayon ang aking magiging pag-asa sa iyo.

Kung gaano kalawak at kalalim ang karagatan, gayon ang aking magiging pag-asa sa iyo.

Kung ikaw ay isang malaki at magandang barko na lumalayag sa gitna ng karagatan, kung kailangan kong suungin ang dagat, iyon ay aking gagawin upang sa gayon ay hindi lang kita maaabot ng aking paningin.

Walang bagay na hindi mapangyayari kung pagsisikapang mabuti, dahil naniniwala akong walang bagay na makakahadlang sa pag-ibig na siyang pinakamatayog sa lahat.

Ito nga pala ang aking unang liham para sa natatangi at napakagandang babae na nakuha ng aking puso sa unang pagtingin.

Unang pagkakataong pumasok ka sa aking puso't isip, ay hindi kana umalis.

Nawa'y ang liham na ito ay magparamdam sa iyo ng aking tapat na pag-ibig.

Nawa'y ang liham na ito ay pumawi ng sakit at magbigay ng ngiti sa iyong labi.

Ikalawang araw ng Abril.
Nagmamahal Eros Pragma.


Only My Heart KnowsWhere stories live. Discover now