Chapter 4
Pawis na pawis na nagising si Elliot sa isang masamang panaginip. Napaginipan na naman niya ang pananakit ng kanyang ama na si Mando.
Napangisi na lang si Elliot ng maisip niyang baka habang buhay na niyang napapaginipan ang masamang karanasan niya sa kanyang ama. Hindi lang ang kanyang ama ang napapaginipan niya kundi pati ang mga tatlong kaibigan nitong sila Tito Chan, Tito Jun at Tito Alex.
Napailing na lang si Elliot at pinunasan na lang niya ang kanyang pawis sa kanyang mukha. Nakatingin siya sa kisame ng kanyang kuwarto kung saan kitang-kita niya ang nasisira niyang kisame.
Lagi nakakalimutan ni Elliot na ipaayos ang kanyang kisame dahil na rin abala siyang naghahanap ng trabaho. Sa edad niyang 21 years old ay marami na rin siyang napasukan na trabaho.
Naging janitor na si Elliot sa pinapasukan niyang University noon sa bayan ng Santo Niño kung saan siya lumaki. Pinagsabay niya ang magiging janitor niya sa pag-aaral niya para matustusan ang kanyang pag-aaral.
Ayaw ni Elliot na umasa sa kanyang ama na si Mando dahil wala naman siyang mapapala rito. Simula't- sapol ay nagtratrabaho siya para na rin may makain silang dalawa ng kanyang ama dahil na rin hindi sapat ang kinikita nito sa kanilang dalawa.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Elliot at napagpasyahan na niyang tumayo mula sa pagkakahiga niya sa kanyang kama.
Hindi na rin naman makakatulog ng maayos si Elliot dahil na rin sa ingay na naririnig niya sa labas ng kanyang kuwarto. Naririnig na kasi niya ang mga taong abala sa kanya-kanyang buhay.
Tulad na lang sa kapitbahay ni Elliot na si Aling Corazon na nagsisimula na ang bunganga nito sa kakasalita sa kakabawal sa mga tumatambay sa tindahan nito. Naririnig din niya ang mga iyak ng bagong gising na sanggol at mga batang nagsisimula na magtakbuhan sa eskinitang kinaroroonan ng kanyang maliit na bahay.
Sa isang taon ni Elliot na pagtira niya sa Urani Compound sa bayan ng Santiago ay nakasanayan na niya ang ingay sa labas ng bahay na tinutuluyan niya.
Kinuha ni Elliot ang kanyang lumang modelong cellphone na ibinigay ng kanyang kaklase noon na muntikan na niyang nakarelasyon. Hindi tulad ng ibang cellphone ngayon na touch screen ang cellphone niya ay keypad model.
Sapat na kay Elliot ang kanyang cellphone basta nakaka-text at nakakatanggap siya ng text. Nakakatawag din siya at nakakatanggap din siya ng tawag ay okay na sa kanya ang kanyang hawak na cellphone ngayon.
Para kay Elliot ay hindi lang basta cellphone ang kanyang hawak. Importante ang cellphone sa kanya dahil na rin may sentimental value ito.
Pagtingin ni Elliot sa hawak niyang cellphone ay nakita niyang 6am na pala. Kailangan na niyang kumilos para masimulan na niya ang paghahanap ng trabaho.
Hindi na kailangan lumabas pa ni Elliot sa kanyang kuwarto dahil ang kanyang kuwarto ay iyon na rin ang kanyang sala at kusina. Ang kanyang bahay at kuwarto ay binubuo na pinagtagpi-tagpi na yero at plywood. Meron din itong sariling palikuran kung saan hindi na niya kailangan pang lumabas para maligo o dumumi o umihi.
Kahit ganito ang bahay ni Elliot ay nagpapasalamat pa rin siya dahil meron siyang natutulugan at nasisilungan.
Napangiti si Elliot ng maalala niya kung paano niya nakuha ang bahay na ito. Ibinigay sa kanya ito ng kanyang natulungan na matandang lalaking si Lolo Emmanuel.
Naisipan ni Elliot na bumili ng pandesal sa tindahan ni Mang Diego sa labasan ng eskinitang tinitirahan niya. Sa paglabas niya sa maliit na bahay niya ay napangiti siya ng makita ang mga kapitbahay niyang bumati sa kanya ng magandang araw.