Shantelle Kristina
One month later...
"Sir Ram, mag almusal na po kayo." Habol ni Ate Laarni kay Ram paglabas nito ng silid.
"Sa office na. Bahala ka na dito Laarni." Nagmamadaling sagot ni Ram.
"Ram." tawag ko rin dito. Sumulyap ito sa akin habang inaayos ang necktie nito.
"Tawagan mo na lang ako kapag may problema, aalis na ako." sabi lang nito saka umalis.
Walong buwan na ang tiyan ko, hirap na hirap na akong gumalaw. Sa susunod na buwan ay manganganak na ako. Nang bumalik na ulit sa trabaho si Ram ay pinag stay nya na dito si Ate Laarni, pero maghapon lang, umuuwi rin ito kapag dumadating na si Ram sa gabi galing trabaho.
"Sige Shantelle, kumain ka na." Baling sa akin ni Ate Laarni.
"Sabayan nyo na po ako." sabi ko naman.
"Ay sige lang, busog pa ako dahil ipinagluto ako kanina ng mister ko ng almusal. Ang dami ko ngang nakain. Hindi kasi talaga ako pinaalis ng bahay nun ng hindi ako nag aalmusal." Napangiti ako sa sinabi ni Ate Laarni.
"Ang galing naman po, mahal na mahal po talaga kayo ng Mister nyo."
"Oo naman, napakaswerte ko sa asawa ko. Kapag nasa bahay ako, buhay reyna ako dahil sa pagsisilbi nya kahit na pagod pa rin ito sa trabaho. Pinatitigil na nga niya ako sa pagtatrabaho, pero sabi ko, hindi nman pwede. Kailangan naming magtulungan para sa pag aaral ng tatlo naming anak. Lalo pa ngayon at dalawa na ang kolehiyo ko."
Tanging ngiti na lamang ang naisagot ko kay Ate Laarni.
Kami kaya ni Ram? Ewan. Akala ko nung una, mangyayari ang sinabi ni Ninong na makakabuo ako ng sarili kong pamilya. Ako, si Ram at ang magiging anak namin.
Pero siguro, talagang hindi mangyayari iyon. Aaminin ko, hindi ko naranasan ang makipagrelasyon, hindi ko naranasang magkanobyo dahil sa pinaghihigpitan ako noon. Pero kahit wala akong karanasan sa pagmamahal, alam ko naman ang kaibihan ng 'gusto lang' sa 'mahal'.
"Ahm, may itatanong lang ako sayo Shantelle ah, huwag ka sanang magagalit o isipin na nakikialam ako." Bahagyang lumapit sa gilid ko si Ate Laarni.
"Ano po iyon?"
"May problema ba kayo ni Sir Ram? Napapansin ko kasi na... na medyo hindi kayo nag uusap, tapos gaya kanina, parati kayong hindi nagsasabay ng pagkain sa almusal. At saka... hindi ba kayo nagtatabi sa pagtulog? Sa isang silid ko kasi parati nakikitang lumalabas si Sir Ram kapag papasok na ito sa trabaho." Tuloy tuloy na sabi nito. Napatigil ako sa pagkain at hindi agad nakasagot.
Hindi ko rin alam kung bakit naging ganoon. Akala ko okey na si Ram sa akin. Akala ko, tuloy tuloy na ang maganda naming pagsasama. Pero bigla na naman itong nagbago, nagsimula iyon sa sagutan namin ni Ram nung tinanong nya ako kung gusto ko si Drickzel. Nang talikuran nya ako, nagsimula nang maging ganito ang sitwasyon namin. Halos isang buwan kaming ganito, hindi nag iimikan, kinakausap nya lang ako kapag may ibibilin sya, pagkatapos noon, nagdadaanan lang kami kapag nagkakasalubungan kami dito sa bahay.
"Wala naman po kaming problema." sagot ko na lamang.
"Pasensya ka na ah, usyusera ako." Tumawa ito saka tinuloy ang paglilinis sa kusina.