Shantelle Kristina
Kanina pa ako pabaling baling sa kama. Bakit ba hindi pa umaakyat si Ram. Hindi na talaga ako sanay kapag hindi ko na sya katabi matulog. Dalawang gabi ko na nga syang hindi nakatabi matulog dahil sa umalis sya. Tapos ngayon naman, ang tagal nyang umakyat. Padabog akong bumangon ng kama at initsa ang unang kaninang yakap yakap ko.
Bakit ba ang dali kong mamiss yung lalaking yun. Tapos ako parang di naman nya namimiss.
Napapraning na ba ako?
Hindi na ako nakatiis at nagpasya akong lumabas ng kwarto. Sinilip ko muna saglit si baby Zeyrone sa crib nito bago ako lumabas.
Pagbaba ko ay wala ng tao sa sala. Lumakad ako papunta sa kusina, doon narinig ko ang kalansing ng mga baso at ang boses ni Ram.
Nasa kabilang parte sila ng bahay kung saan minsan ay nag uusap si Ram at si Papa habang umiinom ng alak. Ngayon naman ay ang kakambal ni Ram ang kainuman nito.
"Hi Kristina." Napaigtad ako ng makita ako ni Rax at batiin. Lumingon rin si Ram sa akin na may hawak hawak na basong may lamang alak.
"Bakit gising ka pa?" Tanong ni Ram.
Hinihintay kaya kita kaya gising pa ako.
Sagot ko sa isip ko.
"Ah, nauhaw kasi ako eh, kukuha lang ako ng tubig." Sagot ko rito. Kumuha kunwari ako ng tubig at umaktong iniinom ito pero binasa ko lamang ang labi ko. Hindi naman talaga ako nauuhaw. Gusto ko ng sabihan si Ram na umakyat na sya para matulog na kami kaso nakakahiya sa kakambal nya.
Pabalik na sana ulit ako sa taas ng tawagin ako ni Rax.
"Kristina, join us here." Aya nito sa akin. Tumingin ako kay Ram, tumango naman ito sa akin at inaya din ako. Lumapit ako sa kanila at umupo sa tabi ni Ram, katapat ko ang kakambal nito.
Hindi ko maiwasang mailang kay Rax, kapag nagkakatinginan kami, naaalala ko yung nangyari kaninang hinalikan ko sya.
"Tulog na si Zeyrone?" Tanong ni Ram, sobrang lapit ng mukha niya sa akin kaya amoy na amoy ko ang pinaghalong amoy ng pabango nya at ng alak sa hininga niya. Hindi ko alam pero parang may nabuhay na kung ano sa katawan ko ng maamoy ko si Ram.
"A-Ah oo, k-kanina pa." Sagot ko. Bakit ba ako nautal?!
"Eh bakit ikaw, hindi ka pa natutulog?" Muling tanong niya habang nagsasalin ng alak sa baso nito. Nakamasid lamang ako sa kanya habang nilalagok na nya yung alak na sinalin nya sa baso nya.
Bakit ganun? Kahit napangiwi ang mukha ni Ram matapos ubusin ang alak, ang gwapo nya pa rin? Ganun din yung kakambal nya. Magkamukhang magkamukha talaga sila ni Ram.
Kahit kayo ang nasa katayuan ko, hindi nyo ako masisi kung mapagkamalan ko talagang si Ram yung kakambal nya.
"Enjoying the view? Nag aalangan ka ba na baka hindi si Ram ang katabi mo? Na baka ako pala ang asawa mo at hindi yang katabi mo?" Sabi ni Rax habang nakangisi sa akin. Sa kakahanap ko ng palatandaan sa mukha nila para may basehan ako kung ano ang naiiba sa kanilang magkakambal, hindi ko namalayan na napatitig ako ng matagal sa mukha ni Rax.
"Tss. Tumigil ka nga Rax." Saway ni Ram dito saka bumaling sa akin. "Pasalamat ka at wala kang kakambal. Mahirap magkaroon ng kakambal na hindi normal." Napangiti ako sa binulong sa akin ni Ram. Tumawa rin ito saka ako hinapit sa bewang.
