"Ang tinig ni Nanay"
Madalas talaga kami ng kapatid ko magpa kwento kay Mama tungkol sa buhay niya dati nang nasa probinsya pa sila at ngayon ipagpapalagay (POV) ko ang tunay na karanasan niya noong bata pa siya.
———
Sa probinsya bago sumapit ang dilim ako lagi ang isinasama Ni Tatay sa pamumukot ng isda para sa hapunan ngunit isang gabi napagpasiyahan ni Tatay na Si Nanay na lamang ang kaniyang isasama na siyang nasa baba ng bukid sa amin ng kaniya lamang madadaanan.
Nasa galaan ang panganay namin na Si Manong Dancio at Si Manang Jolina na ikalawang panganay na nasa lakad naman kasama ang mga kaklase nito.
Naisipan kong magsunog ng mga tuyong dahon dala na rin ng pagkaburyo habang naka upo sa harap nito at hawak ang 'di kalakihang itâk nasa sa sakloban na lagi kong dala-dala. (Normal sa probinsya kapag may malawak kayong lupa ng iba't ibang pananim, katulad ng mga palayan, niyogan, prutas, at gulay. Ang buong bukid ay lupa ng great grandfather namin.)
Oras na ang nagdaan parang mas matagal yata sila natapos sa pamumukot kaya nang 'di ko namalayan na may Kikik (Manananggal) ang dumaan na sumakto sa paglalaro ko ng aking itâk sa sakluban nito ay nagalit ko siya.
“Lagot! Kikik ba 'yon?” Sambit ko sa isipan ko dahil 'di sinasadyang paglalaro at mukhang hinamon ko ito nang narinig ko ang agresibo nitong tunog na mahahalata mong galit.
“Paniki lang siguro 'yon. Di naman totoo ang aswang, e” pagkumbinsi ko sa sarili ko kaya binalik ko na lang ang atensyon ko sa aking itâk at binalik sa kaniyang saklob pero natagilan ako nang mapansin ang 'di normal na paggalaw ng dahon sa puno ng niyog.
Naramdaman ko ang hangin na humahampas sa mga dahon pero ang ikinataka ko bakit sa iisang puno lang ang gumagalaw, tumingin-tingin ako sa ibang puno, walang hangin! Pati ang apoy sa harapan ko 'di nag-iiba ang direksyon! Pero bakit agresibo ang galaw ng dahon sa puno ng niyog na 'yon?!
Walang alinlangan na ang halos sampung metro na distansya ko sa kubo namin ay naging tatlong hakbang ko lang sa takot, maging tsinelas ko naiwan at saka nagmamadali pumasok sa loob sabay sarado nang maigi sa bintana at pinto.
Naglatag agad ako ng banig at malapad na kahoy sa lapag naming gawa sa kawayan dahil may maliliit itong siwang, takot na takot ako, wala akong mahingan ng tulong sa kadahilanang mag kalayo-layo talaga ang mga kapitbahay sa probinsya. (Pamilya lang nila Mama.)
Bigla akong nakarinig ng mahinang tunog ng isang pato sa ilalim ng silong at meron ring kumalabog na para bang may bumagsak sa bubong. (Tipikal na bubong gawa sa Nipa at kulungan ng mga hayop sa ilalim ng Kubo.)
Wala naman kaming pato? Kambing at manok lang!
Nagulat ako nang biglang may malakas na kaluskos sa bintana na tila winawarak ito, yung Aswang! Napa dasal ako na sana 'di niya masira ito.
“Di ako takot sayo! Subukan mong pumasok papatâyin kita!” panakot ko, iyon ang payo ni Manong Jualito sakin na isang mananambal/albularyo kapag inaswang ka sa bahay.
Akala ko umalis na 'to pagkat naging tahimik ang paligid, malagkit ang pawis ko habang hawak ang itâk. Ang sumunod na nangyari ay pinaka nakakatakot, nang may malakas na kalampag sa pintuan na parang dinadamba.
Isang pagdamba pa lang 'yon pero halos bumigay na yung seradura (trangka/lock) ng pintuan na gawa lang din sa kahoy na ipinako sa gilid ng dingding (sinaunang lock ng pinto.), nakita kong lumuwag yung trangka sa pako kaya dali-dali akong tumakbo sa pinto at hinarang ang katawan ko.
Galit na galit siguro ang Aswang kaya kahit tinakot ko na ito ay 'di nagpatinag, sa sumunod na pagdamba nito kasabay ng masakit na tunog ng langitngit ng kaniyang nga kuko sa pinto pinipilit 'tong sirain. Ginamit kong ang lakas ko para itarak yung itâk sa pinto, lumusot ito nang pwersahan sa liit ng siwang gawa sa kawayan din ang pintuan.
Naramdaman ko sa dulo ng itâk na tinamaan ko siya ng dalawang beses at tumigil ito saglit pero rinig na rinig ko naman na ito'y nasasaktan kaya mas matindi na ang sunod na pagdamba nito kaya sa pangalawang pagkakataon tinarak ko ulit ang itâk pero 'di nato tumama sa kaniya at bigla na namang tumahimik ang palagid.
“Ging”, malambing na tinig na tawag ni Nanay sa 'kin sa labas, nabuhayan ako ng loob at sa isip-isip salamat nakabalik na rin sila.
“Ging, buksan mo yung pinto.” bubuksan ko na sana yung pinto nang mapagtanto ko na ‘di kailan man gumagamit si Nanay ng malambing na tono sa pagtawag samin dahil natural na garalgal ang boses niya mahina man ito o malakas, doon ko rin naalala ang bilin ni Manong Jualito kaya nilang gayahin ang boses ng tao!
“Ging, hindi mo ba pagbubuksan si Mama.” patuloy na pang hihikayat nito, humarap ako sa pinto para silipin ang labas, nakita kong wala si Nanay, wala rin yung Aswang.
“Ging, pabukas naman ng pinto oh.” mas lalo akong kinabahan, Ilang minuto pa'y tumahimik ulit ang paligid kaya panay silip ko sa siwang pero walang kahit na sino ang nasa labas.
“Ging, buksan mo nga yung pinto.” narinig ko ulit ang tawag ni Nanay sa labas, tanging mahigpit lang na hawak nagawa ko sa trangkahan. “Ging, pabukas nga.” pinikit ko ang mata ko at iniisip na 'wag na 'wag bubuksan ang pinto.
“Ging! Ano ba buksan mo nga yung pinto!” galit na galit na sigaw nito, “Hoy bata ka! Ano ba ginagawa mo at ayaw mo buksan yung pinto!!” pagtatalak nito sa labas kaya mabilis akong napakilos at binuksan ang pinto.
“Oh, anong nangyari sayo at parang kang inaswang?!” bungad ni Nanay habang kulubot ang noo, nanghina ang katawan ko saka huminga ng malalim na salamat si Nanay na talaga ito kasama si Tatay.
Wala akong na isagot kay Nanay kaya sermon ang inabot ko, nanatili akong tahimik at sinarili ang naganap nang gabing 'yon.
———
At dito na nagtatapos ang kwento ni Mama, nakakatawa man daw pakinggan pero para sa kaniya nakakikilabot na karanasan 'yon. Na ikwento lang daw 'to ni Mama kay Lola kung kailan malaki na siya at may pamilya na. Tinanong ko rin kay Mama anong nangyari sa Aswang, 'di na raw siya muling binalikan pa.
Isa sinabi ni Mang Jualito na kapag nasugatan mo ang Aswang (kahit pa gasgas yan) natatakot sila na mabalikan dahil maaari mo silang mapatay lalo na kung tukoy mo ang bahay nila at magdadala ka lang ng Sinulid, limot ko na kung kailangan ba talaga na pula ang gagamitin pero sa isa lang yon sa pamamaraan.
Maraming salamat sa pagbabasa at sa Admin ng Page, salamat. Paalala lamang po, nasa sa inyo pa rin kung maniniwala kayo o hindi 'pagkat nais ko lamang magbahagi ng kwento, pangalawang beses ko na pala 'to ngayon.
Kaalaman:
•Ang Manong/Manang sa dialect na Bisaya ay ginagamit na paggalang sa mas nakakatanda sayo. If incase lang nagulahan kayo sa part ng mga kapatid ni Mama.
•Kaya ng Aswang manlamat/manlinlang kaya kahit nasa taas siya ng bubong maririnig mo nasa kabliktaran (baba) nanggagaling ang ginagaya niyang tunog/boses/huni, 'pag naman malakas ang huni niya pahiwatig nasa malayo siya at kapag mahina nasa malapit lang.
Btw, si Mang Jualito ay kamag-anak ng both side nila Lola at Lolo sa side nila Mama bale Lolo ko siya. Sa susunod magkwekwento ako ng tungkol sa Sigbin na alaga ni Mang Jualito.
— Naddah.
