ANG MISTERYO SA LIKOD NG BIRINGAN
CITY (The Invisible City of Samar)
Isa ang maalamat na Siyudad ng Biringan sa
Samar sa labis na nagpapamangha sa akin.
Ang Biringan ay isang invisible city na
pinaniniwalaang nasa pagitan ng Gandara,
Tarangan at Pagsanghan sa Samar. Ang
pangalan ng siyudad ay nangangahulugan
sa diyalektong Waray na “ang itim na
siyudad”, o “hanapan ng mga nawawala”.
***********
NASAAN NGA BA ANG BIRINGAN CITY?
Walang makapagturo kung nasaan ang
eksaktong lokasyon ng mahiwagang
siyudad. Gayunpaman, ito ay itinalagang
isang barangay na bahagi ng Pagsanghan,
Samar.
Pinaniniwalaan ng mga lokal na sumusulpot
at nagpapakita lamang ang mahiwagang
lungsod sa mga karapat-dapat.
Ayon sa kuwento nang mga nakasaksi
diumano ng paglitaw ng invisible city, ang
buong siyudad ay nagliliwanag at may mga
nagtataasang gusali, na maihahalintulad sa
modernong siyudad ng New York at
Singapore. Laganap rin diumanon ang
magagarbong cathedral-type buildings na
may twist ng modern architecture sa
invisible city.
Sinasabi rin na iba ang sukat o haba ng oras
sa loob ng Biringan. Ito ang dahilan kaya
ang mga taong aksidenteng napapadpad sa
siyudad nang kahit ilang minuto para sa
kanilang kamalayan, ay linggo o buwan na
palang nawawala at hinahanap ng kanilang
mga kaanak.
SINO-SINO ANG MGA NAKATIRA SA
BIRINGAN CITY?
Ayon sa paniniwala, ang populasyon ng
Biringan ay binubuo ng mga engkanto na
tinatawag na Dalaketnon. Ang mga Dalaket
ay mukhang tao. Ang tanging pinagkaiba
lamang ay wala silang philtrum o kanal sa
ilalim ng kanilang ilong at ibabaw ng labi.
Ang mga engkantong ito ay nakasuot ng
mga itim na kasuotan, at namumuhay sa
modernong paraan.
MGA KUWENTO TUNGKOL SA BIRINGAN
CITY
Bagama’t iilan lamang ang aktuwal na
nakasaksi sa pagsulpot ng mahiwagang
siyudad, ang kanilang mga testimonya ay
napakalinaw at masasabi mong tila hindi
lamang hinabi ng kanilang mga
imahinasyon.
Ilang jeepney at bus driver na rin ang
nagsabi na diumano, sila ay nakaranas ng
close encounter sa mga nilalang na
naninirahan sa siyudad. Ayon sa kanila, ang
mga engkanto mula sa Biringan ay
bumibisita sa mga kalapit na siyudad at
nagpapahatid sa kanila. Tila nawawala raw
sila sa kanilang mga sarili at matatauhan sa
liblib na lugar, na kangina lamang ay isang
abalang siyudad sa kanilang mga paningin.
Ipinagpapalagay rin na ang mga
nawawalang mangingisda ay napunta sa
Biringan at hindi na nakabalik. Ngunit ang
mga pinalad ay nakapagbigay ng kanilang
testimonya kung paano sila ganyakin ng
mga engkanto patungo sa Biringan. Ayon sa
kuwento, sa gabi nang kanilang paglalayag
sa laot, bigla na lamang nilang makikita ang
sarili sa isang kalmadong dagat na
napakaraming isda. Sa paghahangad na
makahuli ng marami, sila ay lalaot pa palayo
sa pampang, hanggang sa makita na lamang
nila ang mga sarili na sila ay lumulutang na
sa alapaap ng Biringan City at hindi na sa
dagat.
PAHULING SALITA:
Para sa akin, tatlo ang posibleng paliwanag
sa hiwagang bumabalot sa Biringan City.
Ang siyudad na ito ay maaaring
maikategorya sa Parallel Universe, kung
saan may ibang bersiyon ang mundong
ating ginagalawan sa alternate reality.
Maaaring ang Biringan City ay sadyang
bahagi ng Pilipinas, na isang maunlad,
makapangyarihan at modernong bansa sa
ibang universe o alternate reality.
Maaari ding maihanay ang encounter sa
Biringan City sa time travelling. May
posibilidad na ang mga nakasaksi at
nakapunta mismo sa Biringan ay nakaranas
ng split of time at nakapasok sila sa ibang
oras—sa hinaharap of future. Ito ang
paliwanag kaya kung ilarawan nila ang
siyudad, ito ay lubhang moderno at may
advance technology.
Ngunit, kagaya sa paniniwala ng nakararami,
may posibilidad rin na ang Biringan City ay
sadyang siyudad o tahanan ng mga
engkanto. Kung totoo ang teoryang ito, isa
lamang ang ibig sabihin: nakasasabay rin sa
pagbabago ng panahon ang mga engkanto
at sila ay nagiging moderno rin higit pa sa
inaasahan natin. Baka nga mas advance pa
ang sibilisasyon at uri ng pamumuhay nila.
Maraming posibilidad. Pero isa lamang ang
tiyak. Ang Biringan City ay mananatiling
isang misteryo at hiwaga.
Ang Taong mula sa Basey Samar
Bobby
