CHAPTER 28

3.4K 154 13
                                    

Mark Joseph' Point of View:

Ang mga halik niyang marahan, na tila mababasag ako kapag hindi siya nag-ingat, ang patuloy na nagpapainit sa aking katawan. Panandalian kong nakalimutang huminga, nang pasadahan niya ang aking leeg nang kanyang mainit na palad.

Natatakot ako. Dahil alam na alam niya kung ano ang gusto ko.

Gusto ko siyang pigilan sa paghalik niya sa akin. Ngunit ang kalahati sa aking pagkatao ay tila sumisigaw na huwag siyang patigilin. Pero hindi dapat. Kaya naman, minura ko ang aking sarili nang paulit-ulit sa aking isipan.

Nang masaktan ako sa sarili kong mga salita, itinulak ko si Kyle palayo sa akin. Tumingin agad ako sa aking kaliwa para tingnan kung matatanaw kami mula sa kusina kung saan naroon si Jasper. Nakahinga ako ng maluwang nang malaman kong natatakpan kami ng pader kung saan nakasabit ang isang malaking abstract painting.

Nang tumingin ako kay Kyle, nakangisi siya habang nakasandal sa pader. Panay pa ang haplos niya sa kanyang ibabang labi bago siya nagsalita, "scared?" tanong niya.

Tiningnan ko siya ng masama, dahil pakiramdam ko ay pinaglalaruan niya lamang ako. Alam niyang nasa malapit lang si Jasper, at malaki ang posibilidad na makita kami nito kung aalis ito sa kusina papunta sa sala. Sinasadya ba niyang takutin ako?

Tumabi sa akin si Kyle saka siya sumandal sa pader kung saan ako nakasandal. Napatingin ako sa kanya nang ikawit niya ang kanyang daliri sa aking hinliit habang malungkot na nakatingin sa akin. Nangungusap ang mga mata niyang tila nag-iipon ng luha.

"Sagutin mo ako. Natatakot ka ba?" pabulong na tanong niya sa akin.

Inalis ko ang aking kamay sa tabi ng kamay ni Kyle upang mapabitaw siya sa akin. Inihawak ko na lamang iyon sa aking tagiliran.

"Oo, natatakot ako sa mga ginagawa mo, Benjamine. Ano pa ang dahilan ng paghihiwalay natin kung magiging ganito ka naman. Tigilan mo na ito. Wala akong planong makipaglaro sa 'yo."

Iniwan ko si Kyle sa tapat ng pinto para muling saluhan si Jasper sa pagkain. Abala pa rin siya sa cellphone niya, kaya siguro hindi niya namalayang matagal bago ako bumalik. Hindi rin siya nagtanong sa akin ng kahit na ano.

Napatingin ako sa sala nang makita kong umupo sa sofa si Kyle. Kumuha siya ng magazine sa ilalim ng lamesita. Tumingin siya rito sa dining area at kinindatan niya ako, bago niya binuklat iyong magazine.

Lintik kang lalaki ka. Basta sa kalandian magaling ka.

Sumulyap ako kay Jasper. Nakatungo siya habang nakanguso, panay ang pindot niya sa screen ng cellphone niya. Seryoso siya sa malakas na base na ni-raid niya. Buti na lang.

Napabuntong-hininga ako. Mas malaki ang problema ko ngayon kumpara noong plano ko na iwasan si Kyle. Kung ganito ang magiging ugali niya hanggang sa makabalik dito sina mama at tito Felix, baka masiraan ako ng ulo. Paano kung mahuli kami? Hindi ko ata kakayaning makita ang magiging reaksyon ni mama. Laluna ang gagawin ni tito Felix kay Kyle.

Kinahapunan habang abala ako sa panonood ng video sa YouTube, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang numerong hindi nakarehistro sa cellphone ko.

"Hello?"

"Mark, kamusta? Kumain na ba kayo?" sabi ni mama mula sa kabilang linya. Bumili pa ata siya ng sim card doon.

DEEP LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon