CHAPTER 31

3.4K 142 9
                                    

Mark Joseph' Point of View:

Nakaawang na ang aking bibig para bigkasin ang salitang, Oo. Nang bigla akong matigilan. Ito ang ayaw ko sa lahat. Ang maramdam kong gagawin niya ang kahit na anong sabihin ko. Paano ko masasabi sa kanya na, hayaan mo na ako. Kung sa tuwing may mangyayari sa akin na hindi maganda, siya agad ang naiisip kong lapitan.

Paano ko rin sasabihin sa kanya na, hayaan mo akong mapalapit sa iba. Kung hindi ko man lang magawang makipagkaibigan nang ako lang mag-isa. At paano ko sasabihin sa kanya na, wala kang karapatan magselos. Kung ang pumapasok sa isipan ko ay, paano kung siya naman ang makita kong mayroong kasamang iba? Masasabi ko pa ba sa kanyang nagseselos ako, kung siya mismo hindi ko pinayagang makaramdam ng selos?

"MJ, naghihintay ako. Sabihin mo na," sabi ni Kyle.

Napatungo akong bigla at nakagat ko ang aking ibabang labi. Sinusubukan kong kumbinsihin ang aking sarili na palayuin siya sa akin para sa ikabubuti naming lahat. Ngunit tila matatalo pa ang pagnanais kong gawin ang tama.

Napahigpit ang hawak ko sa shoulder strap ng dala kong bag. "Lilipat na ako ng school kaya... hi-hindi na iyan kailangan."

"Ang tanong, MJ. Pumayag kaya si mama na lumipat ka ng school?"

Parang kinurot ang puso ko nang tawagin niyang mama ang mama ko. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ito, pero talagang apektado pa rin ako. Ganito siya umasta sa akin, na parang kami pa hanggang ngayon. Pero pagdating sa ibang bagay, ipinaparamdam niya sa akin na sa batas ay magkapatid na kaming dalawa.

"Papayag si mama. Maiintindihan niya ako," I said.

"Eh diba nabayaran na ni mama ang isang buong semester mo. Mag-aaksaya ka ng pera? Baka nakakalimutan mo na mahal ang tuition fee mo," sabi ni Kyle na parang pinapangaralan ako.

Nakakunot na ang aking noo nang lingunin ko si Kyle. Sa tono ng pananalita niya, parang wala na akong naging desisyon sa buhay ko na masasabi kong tama. Na parang, nagiging pabigat na ako dahil sa naiisip ko pa lang naman gawin.

"Aksayado. Walang pakialam sa pinagpaguran ng iba. Iyan ba ang tingin mo sa akin?" I asked.

"Alam mong hindi ganyan ang ibig kong sabihin, MJ. Hanggang kailan mo ba balak takbuhan ang mga kinakatakutan mo? Huwag mong sabihin na habang buhay ka nang ganyan. Lilimitahan mo na ba ang lahat ng kilos mo, pati na rin ang mga lugar na pupuntahan mo, masigurado mo lang na hindi mo siya makikita? Iyon ba ang buhay na gusto mo?"

Sa lahat ng taong malapit sa akin, siya ang alam kong makakaunawa sa pinagdadaanan ko. Pero nagkamali pala ako. Dahil katulad din siya ng iba.

Hinampas ko ng malakas ang dibdib ni Kyle. "Sa tingin mo hindi ko naisip iyan!? Anong akala mo, gusto ko itong nangyayari sa akin? Hindi mo alam kung gaano ko kagustong magkaroon ng normal na buhay tulad niyo. Hindi iyong ganito. Na parang lahat na lang ng bagay kailangan kong pagtuunan ng pansin para lang maging maayos ako."

Lumihis ang tingin ko sa mga taong dumadaan at nakatayo sa bandang likod ni Kyle, na biglang napapahinto at napapalingon sa aming dalawa. Bakas sa mukha nila ang pagtataka. Iyong iba naman, kunwaring mayroong ka-text o kausap. Pero ang totoo, nakikiusyoso lang naman.

Umiwas ako ng tingin at pinilit kong itikom ang aking bibig.

Napasulyap ako sa aking kaliwa nang tumabi sa akin si Kyle. Tahimik lang siyang tumanaw sa school namin noong high school na nasa tapat lang nitong waiting shed. Nang mabawasan ang mga tao sa paligid, saka lang siya muling nagsalita.

DEEP LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon