Ito na iyong update dapat kahapon. Natapos ko na. Enjoy reading! May isa pang update bago dumating ang araw ng linggo.
—Kae***
Mark Joseph' Point of View:
Sa reaksyon pa lamang ng mukha ni papa habang naglalakad siya palapit sa amin, sigurado ako, nakita niya ang ginawang paghalik sa akin ni Kyle. Kinabahan ako at natakot sa maaaring gawin ni papa, pero pinilit ko pa rin ang aking sarili na mag-isip ng idadahilan.
"Bumalik ka na sa bahay nila Haru. Ako na ang bahalang magdahilan kay papa. Promise, wala akong sasabihin sa kanya tungkol sa ating dalawa," I said.
Kahit sinabi ko na iyon para bigyan ng pagkakataon si Kyle na takbuhan ang ganitong klase ng sitwasyon, nanatili pa rin siya tabi ko. Mas pinili niyang harapin si papa, kasama ako.
"MJ, magagalit ka ba sa akin kung magsisinungaling ako sa kanya?"
"Hindi, Kyle. Maiintindihan ko."
Paglapit sa amin ni papa, masama ang tingin niya kay Kyle. Parang may nilalaman, na hindi ko mahuhulaan kung ano. Kung kutsilyo lang ang mga mata ni papa, baka napatay na niya si Kyle sa tingin pa lang.
"Sir, good after—" hindi na natapos pa ni Kyle ang pagbati niya nang biglang magsalita si papa.
"Benjamine, anong ginawa mo sa anak ko?"
"Papa, ano ka ba. Walang ginagawang masama sa akin si Kyle. Pinapakalma niya lang ako."
"Kanina ko pa kayo nakita. 'Wag mo akong lokohin, Mark. Pinapakalma ka lang niya? Eh bakit hinahampas mo siya na parang nag-aaway kayong dalawa," sabi ni papa.
Mahina lang ang boses ni papa, pero halatang pilit lang para hindi siya mapasigaw. Iniiwasan siguro niya na umagaw ng atensyon ang pag-uusap namin sa mga taong nagdadaan.
"Sir, nagkakamali po kayo ng iniisip. May nasabi po kasi akong hindi maganda sa pananaw ni MJ, kaya po siya nagalit sa akin," sabi ni Kyle. Sa sinabi niyang iyon, napansin kong parang kumalma na si papa at napaisip.
Gumaan ang aking pakiramdam nang makita kong hindi na masama ang tingin ni papa sa amin, at umaliwalas na rin ang mukha niya. Matapos ang ilang sandaling katahimikan, tumingin sa akin si papa na may halong pagdududa.
"Ako na ang maghahatid sa 'yo sa bahay. Halika na."
Pagkatapos kong senyasan si Kyle na umalis na pabalik sa bahay ni Haru, sumunod na ako kay papa patawid sa kabila kung saan naroon ang sasakyan niya. Pag-upo ko sa likod ng driver's seat, nakatabi ko ang boyfriend ni papa na si Dexter. Nailang ako bigla, at parang gusto ko nang bumaba ng sasakyan. Hindi ko siya binati kahit ngitian niya ako.
"Lilipat na lang ako sa unahan para hindi ka mailang sa akin," sabi ni Dexter bago siya bumaba at lumipat sa tabi ng driver's seat.
Habang nasa byahe, tahimik kaming lahat. Pero pansin kong tinitingnan ako ni papa mula sa rear-view mirror. Pakiramdam ko, humahanap siya ng tyempo para kausapin ako kapag mukha na akong kalmado. Pero nagpapasalamat na rin ako at naging tahimik siya, dahil nagkaroon ako ng oras para isipin ang isasagot ko sa kanya.
Makalipas ilang sandali, hindi na nakatiis si papa, nagsimula na siyang tanungin ako.
"Nakausap ko ang mama mo kaninang umaga, at napapayag ko siyang hiramin kayong dalawa ng kapatid mo. Kaya tinawagan ko si Jasper kanina para sana ayain kayong kumain sa labas. Pero sinabi niyang wala ka sa bahay. Kasama mo raw si Benjamine at pumunta kayo sa bahay ni Haru. Ano ang nangyari sa 'yo at umiiyak ka?"

BINABASA MO ANG
DEEP LOVE
AléatoireDEEP LOVE WRITTEN BY SOMEONELIKEK Mark Joseph Serrano has Haphephobia, fear of being touched. Ito ang dahilan kung bakit lumayo si Mark sa mga noon ay malalapit sa kanya. Binago nito ang pakikitungo niya sa mga tao dahilan para mawalan siya ng kaibi...