CHAPTER 22

3.5K 156 5
                                    

Mark Joseph' Point of View:

Sa simula pa lamang, inasahan ko na kung ano ang magiging reaksyon nila, kapag nalaman na nila ang nangyari sa akin noon. Sa una, makakaramdam sila ng awa para sa akin. Ngunit sa bandang huli, kapag nalaman na nila kung gaano katigas ang puso ko, alam kong matatahimik na sila at mapapaisip.

Yumuko lang ako at iniwasan kong tingnan ang reaksyon ng kanilang mga mukha. Iniwasan kong malaman ang bagay na gusto kong mabigyan ng kasagutan. Dahil... natatakot ako, na baka hindi nila ako maintindihan.

Ang katahimikan nilang ito, ang nagtutulak sa akin na tumayo na at umuwi. Pero hindi ko magawa. Siguro dahil umaasa ako, na sana, mali ang iniisip ko. Na baka, iba sila sa inaakala ko.

"Seph," pagtawag sa akin ni Luis. Agad akong napatingin sa kanya.

"B-bakit?"

Umupo si Luis sa armrest ng sofa na aking kinauupuan, saka niya ako inakbayan. "Seph, hindi man kasing bigat ng naranasan mo ang pinagdaanan ko, sa tingin ko, alam ko ang ilan sa mga nararamdaman mo. Dahil tulad mo, may isang tao rin akong, hindi ko magawang patawarin."

Alam ko kung sino ang tinutukoy ni Luis, iyon ay ang kanyang ina. Maaaring, naiintindihan niya nga ako, pero sa klase ng ugaling mayroon siya, hindi magtatagal, mapapatawad din niya ang kanyang ina. Hindi tulad ko, na parang krimen ang magpatawad.

Napatingin ako kay Kyle nang bigla siyang magsalita. Nakatayo siya sa aking tapat malapit kay Haru.

"Mahirap tanggapin kapag may ginawang hindi maganda ang isang tao sa 'yo, kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanila. Pero mas masakit at mahirap tanggapin, kung ang taong mananakit sa 'yo, ay iyong taong malapit at importante para sa 'yo."

Hindi ako nakapagsalita dahil sa sinabing iyon ni Kyle, dahil pakiramdam ko, hindi lang ako ang sinasabihan niya. Parang, pinariringgan niya ang sarili niya.

Nalipat kay Haru ang aking tingin nang maglakad siya palapit sa akin. Hinawakan niya ang kaliwang kamay ko saka niya pinisil ng sobra, nasaktan ako kaya hinampas ko siya.

"Problema mo, Haru. Masakit iyon ah," I said.

"Ha-ha! Sorry," tugon ni Haru na parang natutuwa pa siya. Hindi halata sa mukha niya na may sinseridad ang paghingi niya ng tawad. Parang nainis tuloy ako.

"Ewan! Ang weird mo!" Inilayo ko kay Haru ang aking kamay, saka tiningnan kung namumula. Hindi naman gaano pero kumikirot pa.

"Sinasabi mo, kapag masakit. Sinasabi mo rin, kapag galit ka. Pinahahalata mo naman, kapag naiinis ka. Ganoon kita nakilala, Seph. At alam ko, ganoon din siya," sabi ni Haru. Hindi ko siya maintindihan, at hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya.

Umupo sa kabilang side ng armrest si Haru, saka niya tinuunan ang balikat ko. Mabigat siya, at halatang sinasadya niyang magpabigat.

"Maniniwala kami sa sasabihin mo, dahil sinasabi mo iyong totoong nararamdaman mo. Mabuti na rin iyong, hindi mo pinatawad si Lori nung humingi siya ng tawad sa 'yo. Kumpara naman sa patawarin mo siya, dahil lang sa mawawala na siya rito sa mundo. Kasi diba, mas maganda kung mapatawad mo si Lori nang bukal sa puso. At nasisigurado ko na, iyon din ang gusto niyang makuha mula sa 'yo," paliwanag ni Haru.

Naalala ko bigla, noong sinabi ko kay Lori na hindi ko siya mapapatawad. Hindi niya ako pinilit o kung ano pa man. Ang sinabi lang niya, alam ko, Mark. Ginising ako ng mga salita ni Haru. At umasa ako na sana ganoon nga ang nasa isip ni Lori. Dahil nang malaman ko mula sa kanya na hindi na niya kaya, nasaktan ako para sa kanya. Pero kahit anong pilit ko, hindi ko masabi sa kanya na pinatatawad ko na siya sa ginawa niya sa akin. Dahil kapag nariring ko ang boses niya, naaalala ko ang ginawa niya noon sa akin.

DEEP LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon