Mark Joseph's Point of View:
Grade six na ako pero ngayon palang makakapunta rito sa school si papa. Si manong Gelo lang kasi ang naghahatid sa akin noon dito sa school; driver namin. Sumabay lang sa akin si papa ngayon para kausapin ang mga teacher ko tungkol sa dahilan kung bakit absent ako ng dalawang linggo.
Pagpasok namin ni papa sa loob ng classroom, nilapitan niya agad ang teacher ko para kausapin. Pagkatapos, tahimik lang akong umupo sa armchair. Napansin ko na biglang tumahimik ang mga kaklase ko habang nakatingin kay papa.
Ilang beses kong nakitang tumingin sa akin ang teacher ko habang kausap si papa. Hindi ko alam kung bakit, dahil hindi ko marinig kung ano ang pinag-uusapan nila. Makalipas ang ilang minuto, tumayo ang teacher ko. Pagkatapos, naglakad palapit sa akin si papa.
"Mark, pupunta kami ng teacher mo sa faculty office. Pagkatapos namin mag-usap, diretso na ako sa trabaho. Magpakabait ka rito ha?" Sabi ni papa, and I nodded.
Paglabas ni papa kasama ang teacher namin, pinalibutan ako bigla ng mga kaklase kong lalaki. Unti-unting umikot ang tingin ko sa sahig at para akong masusuka.
"Mark, papa mo ba 'yon o mama mo?" Nang-iinis na sabi ni Randy; ang number one sa kaingayan pero tahimik sa recitation.
Tumawa ng malakas si Randy na parang wala nang bukas. Nakitawa naman ang iba ko pang mga kaklase. Bumilis ang tibok ng aking puso at nanginig bigla ang aking mga kamay.
"Bakla pala ang papa mo eh. Siguro bakla ka rin 'no?" Sabi ni Randy.
Hindi ako nagsalita o nagalit, totoo naman kasi ang sinabi niya.
"Mark! Saan ka lumabas? Sa p'wet ng papa mo?" Sabi ng classmate kong si Kaloy; ang number two sa pagiging maingay pero absent kapag may recitation.
Matindi ang pagkarinding naramdaman ko dahil sa dami ng tawanan na aking narinig. Gusto ko silang tanggalan ng bibig hanggang sa hindi na sila makapagsalita. Gusto ko silang itulak palayo sa akin pero... natatakot ako.
Nabaling sa pinto ng classroom ang tingin naming lahat nang makarinig kami ng malakas na ingay. Hinampas ni Benjamie Kyle Soriano ang pinto; ang pinakasiga rito sa school namin. Sinipa pa nga niya iyong upuan na nakaharang sa dadaanan niya, saka umupo sa hindi naman niya upuan.
Tahimik na nagbalikan ang mga kaklase ko sa upuan nila na parang may dumating na anghel. Si Kaloy pa ang nag-ayos sa upuang sinipa ni Soriano kanina.
Gumaan bigla ang pakiramdam ko.
Ito ang unang pagkakataon na pumasok si Soriano na mainit ang ulo. Hindi naman kasi siya ganito pumasok sa classroom namin, tahimik lang siya. Sa ibang classroom lang siya magulo at maingay. Pero sa lahat ng siga rito sa school, siya ang masipag pumasok.
Pagkatapos ng klase namin, umuwi ako agad sa bahay. Nagkulong lang ako sa loob ng kuwarto ko. Parang ayoko na pumasok. Pero magagalit sa akin sina mama at papa kapag hindi ako nag-aral.
Kinagabihan, mahigpit ang pagkakayakap ko sa nakababata kong kapatid na si Jasper habang nakaupo kami sa hagdan ng aming bahay. Nanginginig na ang balikat niya sa kakaiyak dahil nag-aaway na naman sina mama at papa.
Hindi mahinto sa pag-iyak si mama habang ibinabato kay papa ang lahat ng magazine na nakapatong sa ibabaw ng lamesita. "Hindi na ako maniniwala sa mga dahilan mong paulit-ulit, William! Ano? Araw-araw kayong may urgent meeting kaya ka ginagabi ng uwi!? Sino ang niloko mo! Pati nga ang anak natin nadadamay sa kalokohan mo!"
Sinalag ni papa ang lahat ng ibinato sa kanya ni mama. "Iyan ang mahirap sa'yo, Natalie. Lahat ng sinasabi ko, hindi mo pinaniniwalaan. Magtanong ka pa sa boss ko kung wala kang tiwala sa mga sinasabi ko. At hindi ko ginusto mangyari iyon sa anak natin!"
BINABASA MO ANG
DEEP LOVE
RandomDEEP LOVE WRITTEN BY SOMEONELIKEK Mark Joseph Serrano has Haphephobia, fear of being touched. Ito ang dahilan kung bakit lumayo si Mark sa mga noon ay malalapit sa kanya. Binago nito ang pakikitungo niya sa mga tao dahilan para mawalan siya ng kaibi...