Benjamine Kyle' Point of View:
Pinunasan ko ng basahang may sabon ang pinakahuling lamesa na kailangan kong linisin.
Bakit kahit may aircon dito sa bar, pinagpapawisan pa rin ako? Siguro dahil tatlong oras na akong naglilinis...
Binaliktad ko ang basahang hawak ko saka muling ipinunas sa lamesa.
Limang buwan na ang nakakalipas simula nang umalis ako sa bahay namin. Ang dala ko lamang noon ay limang pares na damit at five hundred pesos. Nag-iwan ako ng maikling sulat para kay Daddy bago ako umalis. Isang liham na ang ibig sabihin, huwag na niya akong hanapin.
Umalis ako sa bahay namin dahil hindi ko magawang panindigan na kalimutan na nang tuluyan si MJ. Hangga't nakikita at nakakasama ko siya, lalo lamang tumitindi ang pagmamahal ko para sa kanya. Kaya naman hanggang salita na lang ang mga pangako ko noon na titigilan ko na siya.
Ako na ang lalayo, bago ko pa masira ang pamilyang gustong buuin ng Daddy ko.
Napabuntong-hininga ako nang matapos na ako sa paglilinis. "Sa wakas, makakapagpahinga na ako. Tatanda ata ako ng maaga rito. Sakit na ng bewang ko."
Napatingin ako kay Enzo nang bigla siyang magsalita. Nakatayo siya sa aking harapan habang pinapanood niya ako kanina sa paglilinis kahit limang buwan na akong nagtatrabaho rito sa bar na siya mismo ang may-ari.
"Gosh, Benjamine. Pulido kang maglinis. Pero nadudurog ang puso ko kapag nakikita kitang naglilinis dito sa bar ko. Kahit na ang dapat sa 'yo, maging butler sa mga vip room. Hahakot ka ng maraming girlalu kung iyon ang pinili mong trabaho. Mas mataas pa ang sweldo mo at hindi ka mapapagod ng ganito. Parang mababali na ang likod mo."
Ang bar na ito ni Enzo ay exclusive lang para sa mga kababaihan. Hindi sila nagpapapasok ng mga customer na lalaki. Iyon daw kasi ang request ng mga customer ng bar na ito. Sabi ni Enzo, noon, mas maraming babaeng nagpupunta rito kumpara sa mga lalaki. Siguro dahil sa design ng bar na ito na masyadong nakakababae. Pero ang mga waiter dito, puro lalaki, na masasabi kong biniyayaan ng kagwapuhan. Nakasuot silang lahat ng tuxedo, hindi ko alam kung bakit.
"Enzo, mas gusto ko naman tumambay sa staff room habang maraming tao rito sa loob. Isa pa, baka may makakita sa akin na kilala ako at maikanta pa ako kay Daddy, kaya masaya na ako sa paglilinis dito tuwing wala nang mga customer."
"Ano pa nga ba ang magagawa ko. Hindi naman na kita mapipilit. Di ko lang talaga maatim na makita kitang nagpupunas ng mga lamesa rito, habang dapat, isa kang sinyorito sa bahay niyo na dapat pagsilbihan," sabi ni Enzo habang hawak ang kaliwa niyang pisngi, na para bang mayroon siyang masakit na ngipin.
Ibinalik ko sa lalagyan ang mga basahang nagamit ko.
"Hindi naman ganyan ang naging buhay ko sa bahay namin. Hindi pwede kay mama noon ang tamad. At tsaka, maganda na rin ito. Kahit pagod ako, natututo naman ako sa buhay," I said.
Napangiti ako nang makita kong napaupo si Enzo sa silya habang nakalapat ang kamay niya sa kanyang noo at bahagyang nakaliyad.
"Grabe na ito. Di ko ma-take. Ano bang uri ng kamandag mayroon ang MJ na iyan at mas pinili mong maghirap kesa mabuhay ng marangya. Akala ko nga sa company niyo ka magtatrabaho after graduation. Hindi mo na kailangan mag-apply kung saan-saan. Pero heto, naglilinis ka ng bar pati banyo hindi mo pinapatawad. Kaloka."
BINABASA MO ANG
DEEP LOVE
RandomDEEP LOVE WRITTEN BY SOMEONELIKEK Mark Joseph Serrano has Haphephobia, fear of being touched. Ito ang dahilan kung bakit lumayo si Mark sa mga noon ay malalapit sa kanya. Binago nito ang pakikitungo niya sa mga tao dahilan para mawalan siya ng kaibi...
