CHAPTER 36

3.2K 141 13
                                    

Benjamine Kyle' Point of View:

Oh shit... Iyan ang unang salitang pumasok sa aking isipan nang makita ko ang gulat na mukha ni Maci na nakatayo sa tapat ng pinto ng kuwarto ni MJ. At sa direksyon ng tingin niya sa amin, alam kong nakatitig siya sa mga kamay ni MJ na kasalukuyang mahigpit ang pagkakahawak sa suot kong damit.

Wala akong napansin na sapatos sa tapat ng pinto kanina nang pumasok ako, dahil dirediretso ako papunta rito sa itaas. Pero, ano ang nangyari kay MJ? Humampas ba ng husto ang ulo niya nang mahulog siya sa hagdan at naisipan niyang magdala ng babae rito sa bahay?

"Maci, magpa—"

Hindi pa ako tapos magsalita, nagmadali na sa pagkapa ng doorknob si Maci. Nang mahawakan niya iyon, agad siyang lumabas ng kuwarto at isinara ang pinto.

"Anak ng tatlong bibe— Maci!"

"K-Kyle..." nauutal na pagtawag ni MJ sa akin.

Nang lingunin ko si MJ, pinipilit niyang tumayo. Halatang masakit na ang paa niya. Hinawakan ko ang kanyang pisngi nang makita kong parang natakot siya. "Magpahinga ka muna, MJ. Ako na ang bahala kay Maci. Pagbalik ko, hihilutin ko ang paa mo para hindi mamaga. Ha? Hintayin mo ako."

Pagbaba ko sa hagdan, nakita kong lumiko si Maci papunta sa sala. Doon siya dumaan sa gilid ng mahabang sofa para pumunta sa may tabi ng bintana. Nang igala ko ang aking tingin, nakita kong nakapatong ang bag niya sa maliit na sofa. Pinilit kong maunahan siyang kunin iyon para sana mapigilan ko siyang umalis ng bahay. Pero wala, naunahan niya ako.

Mukhang ninety ang grade niya sa physical education. Ang bilis niyang kumilos!

Sa pagmamadali ni Maci na makalabas ng bahay, hindi na niya napansin na mayroon pang isang lock sa bandang itaas kaya hindi niya mabuksan ang pinto. Bago niya pa matuklasan, humawak na ako sa magkabilang gilid ng pinto para mapagitnaan ko siya. Sa itsura niya, hindi maipag-aakilang natatakot siya sa akin habang yakap ang bag niya.

I hate scaring girls. Pakiramdam ko masama ako.

"A-Ano? Tatakutin mo ako para hindi ako magsalita?" nangangatal na sabi ni Maci.

Tiningnan ko sa mata si Maci para tumagos sa buto niya ang sasabihin ko. "Oo. Kung hindi ka mananahimik tungkol sa nakita mo. Dahil kahit ano gagawin ko para sa kanya. Anything... Just fucking anything, Maci. Kaya makikinig ka ba o hindi?"

Pinagmasdan ako ni Maci. Parang isinasaksak pa niya sa utak niya ang mga sinabi ko. Hindi ko alam kung anong iniisip niya, pero sana mapapayag ko siya sa sinabi ko. Para hindi ko na siya kailangang idaan sa masusing usapan.

"Fine! Hindi ako magsasalita. At para sa kaalaman mo, hindi naman ako iyong klase ng tao na magkakalat ng tungkol sa buhay ng iba. Laluna kung makakasakit ako! Masaya ka na?"

Nakipagtitigan ako kay Maci. Kulang na lang hukayin ko pati ang kaluluwa niya masigurado ko lang na nagsasabi siya ng totoo. Hindi siya umiwas ng tingin. Pinandilatan pa niya ako ng mata.

Napabuntong-hininga ako nang mapansin kong pinipilit na ni Maci na huwag kumarap. Inalis ko ang kamay ko sa pinto pero hinawakan ko iyong lock sa bandang itaas. "Hindi ko siya tunay na kapatid. Iyong nakita mo. Ipinilit ko iyon sa kanya."

Namilog ang mga mata ni Maci at parang napalitan ng pag-aalala ang takot na mukha niya.

"Ampon si Mark?" bulong niya.

DEEP LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon